Ma, Nambababae si Papa!

Sabik na sa kaniyang pag-uwi sa kanilang probinsiya ang kolehiyalang si Alma. Pagkatapos na pagkatapos ng kaniyang klase ay agad siyang nagligpit ng kaniyang mga gamit sa tinutuluyan niyang dorm at bumiyahe na pauwi. Dumating na kasi ang balikbayan box na pinadala ng kaniyang ina mula sa Japan para sa kaniya.

Pagkarating niya sa bahay tatawagin na sana niya ng malakas ang kaniyang ama nang mapansin niya ang sapatos na nakalagay malapit sa kanilang pintuan.

Isang pares ng sapatos ng isang babae.

Tahimik na pumasok si Alma sa kanilang bahay. Natuklasan niya na ang may-ari pala ng sapatos ay ang kalaguyo ng kaniyang ama. Magkasama sila sa kwarto.

Hindi niya alam ang gagawin ng mga oras na iyon. Muli siyang lumabas ng bahay na hindi man lang napapansin ng dalawa. Naghintay siya na umalis ang babae.

“Sasabihin ko ba kay mama?” aligagang sambit niya sa kaniyang sarili.

Nagdadalawang-isip si Alma. Sa tuwing magtitipa siya ng mensahe sa kaniyang cell phone ay binubura niya ulit iyon.

Nang makita ni Alma mula sa kaniyang kinaroroonan na nakaalis na ang kalaguyo ng kaniyang ama ay agad siyang bumalik sa kanilang bahay. Naabutan niya ang kaniyang ama na nakaupo sa hapag-kainan habang umiinom ng tubig.

Advertisement

“O, anak, nandiyan ka na pala. Halika’t buksan na natin ang pinadala ng mama mo sa’yo,” sabik na paanyaya ng ama ng dalaga.

Masamang titig lang ang tinugon ni Alma sa kaniyang ama. Sa isip niya ay nagtatrabaho at nagpapakahirap ang kaniyang ina sa Japan habang nambababae lamang ang kaniyang ama. Napuno siya ng galit ng mga oras na iyon.

“Masakit ang tiyan ko, pa,” tanging tugon ni Alma sa kaniyang ama habang naglalakad siya diretso sa kaniyang silid.

Napaiyak sa sama ng loob si Alma. Hindi niya hinarap ang kaniyang ama dahil hindi niya maatim na tignan ito at hindi niya din alam kung paano niya ito kakausapin.

Hindi niya rin masabi ang kaniyang natuklasan sa kaniyang ina dahil ayaw niyang masira ang pamilya nila.

Lumipas ang ilang linggo. Malamig pa rin ang pakikitungo ni Alma sa kaniyang ama.

Isang gabi, habang naghahapunan ang dalawa ay kinompronta si Alma ng kaniyang ama.

“Alma, mag-usap nga tayo. Ano ba ang problema?” tanong ni Allen, ama ni Alma. “Tss,” tugon ni Alma pagkatapos ay tumayo na siya sa upuan at sinabi niya sa kaniyang ama na tapos na siyang kumain.

Advertisement

Nainis si Allen sa ginawa ng kaniyang anak kaya tumayo siya at nagtaas siya ng kaniyang tinig. “Hindi ka na ba talaga makikinig sa akin? Bakit? Dahil matanda ka na? May edad ka na? Ang sabi ko kako ano ang problema at nagkakaganiyan ka?”

“Pa, ako ba talaga ang may problema? Baka ikaw! Ikaw at ‘yang panloloko mo kay mama! Naghihirap si mama sa Japan tapos ikaw nandito ka lang sa bahay. Rumaraket paminsan-minsan. Tapos ano? Ibibigay mo lang doon sa babae mo!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Alma sa kaniyang ama.

Hindi nakasagot si Allen.

Mabilis na nagtungo si Alma sa kaniyang silid at naiwan ang kaniyang ama na napaupo na lamang sa silya habang nakatingin sa kawalan.

Nung gabing iyon ay naka-video call ni Alma ang ina niyang si Mariel. Nagkamustahan sila at nagkuwentuhan.

Kita sa mga mata ni Alma ang kalungkutan kaya naman sa bawat pagkakataong mapapaiyak siya ay aalis muna siya saglit upang pigilan ang pagtulo ng kaniyang luha bago niya kakausapin muli ang kaniyang ina. Awang-awa siya sa ina na nagtatrabaho at nagsasakripisyo para sa kanila.

Kinabukasan ay maagang umalis si Alma sa kanilang bahay dahil ayaw na niyang makasama o makita pa ang kaniyang ama. Ayaw na niya ng gulo kaya pinili na lamang niya na manahimik at kimkimin ang lahat.

Buong araw na malungkot ang dalaga. Lagi siyang nakatulala. Puno ng galit ang puso niya para sa kaniyang ama at awa naman para sa kaniyang ina. Halos murahin niya ang kaniyang ama sa kaniyang isipan at wala na siyang natitirang respeto para dito.

Advertisement

Samantala, si Allen ay nasa kusina ng kanilang bahay. Kausap niya si Mariel sa Skype.

“Kailan mo ba sasabihin ang katotohanan kay Alma?” Mataas ang tinig ni Allen.

“Halos itakwil na ko ng anak ko, Mariel! Pakiramdam ko ay ako pa ang nagkamali, na ako pa ang nagkasala samantalang ikaw naman ang siyang nagloko sa ating dalawa noong nagdesisyon kang magpakasal diyan! Kahit hindi tayo kasal nagloko ka pa rin! Tapos ano? Sasabihin mo wala kang magawa! Na ginawa mo ‘yan para sa amin. Hindi, Mariel. Kasi puwede mo nang iwan ang taong pinakasalan mo kaso hindi mo ginawa! Hindi mo siya iniwan at nagkaroon pa kayo ng anak diyan!” pagpapatuloy ni Allen.

“Huwag mo akong pagsalitaan ng ganiyan, Allen! Hindi ko rin ito ginusto. Kinailangan kong magpakasal sa kaniya para hindi ako mapaalis dito sa Japan. Kung ikaw ang aasahan namin ni Alma diyan wala tayong patutunguhan! Isa pa, matagal ko nang sinabi sa iyo na tapos na tayo!” tugon naman ni Mariel.

Natigil ang pag-uusap ng dalawa nang biglang pumasok si Alma sa kusina. Nanlaki ang mga mata niya at halos hindi siya makapagsalita.

“Ano iyon, ma? Anong ibig sabihin ni papa? May asawa’t anak ka diyan? Iniwan mo kami? Ano, ma, pa?” umiiyak na wika ni Alma.

Matinding emosyon ang bumalot sa buong silid.

Mayamaya ay nagpakita sa Skype ang anak ni Mariel sa Japan na tatlong taong gulang na.

Advertisement

“Sorry, anak. Alam kong hindi niyo ako mapapatawad. Pero, sorry. Hindi na ako maaaring umuwi diyan. Katulad nang narinig mo may asawa at anak na ako dito. Nandito na ang buhay ko,” wika ni Mariel.

“Paano naman ako, ma? Paano ako? Paano kami ni papa?” patuloy na atungal ni Alma. “Sorry, nak,” huling sambit ni Mariel sa kaniyang anak pagkatapos ay pinutol na niya ang tawag.

Patuloy sa pag-iyak si Alma at Allen sa kusina.

Napaupo si Alma. Nanghihina siya dahil sa kaniyang mga nalaman. Nang tignan niya ang kaniyang ama ay nakatingin lang ito sa sahig habang umiiyak.

Lumapit si Alma sa kaniyang ama. “Pa, bakit hindi mo sinabi sa’kin? Bakit niloko niyo ko ni mama?” patuloy niyang himutok. “Patawad, anak. Alam kong masasaktan ka. Alam kong hindi mo kakayanin kapag sinabi ko sa iyo ang totoo. Na wala na kami ng mama mo at ikaw lang talaga ang sinusuportahan niya. Mahirap din iyon para sa akin, anak. Masakit pero kailangan nating tumayo at mabuhay ng tayo lang,” pagpapaliwanag ni Allen.

Lumapit si Allen ng marahan sa kaniyang anak na umiiyak at hinagkan niya ito.

“Pa, sorry. Patawad po, papa, kasi akala ko niloloko mo si mama. Sorry po, pa,” wika ng dalaga sa kaniyang ama.

“Sorry din, anak. Hindi ko masabi sa’yo ang totoo. Hindi ko rin maamin sa’yo na may karelasyon na akong iba dahil natatakot ako na baka hindi mo ko maintindihan. Patawad, anak. Kaya natin ito. Hinding-hindi kita iiwan, anak ko,” tugon naman ng kaniyang ama na lumuluha.

Advertisement

Simula nung araw na iyon ay naging mas mahirap ang buhay para sa mag-ama. Pinutol na ni Mariel ang pakikipag-ugnayan sa kanila kaya kinailangan nilang masanay na ang isa’t isa lang ang kanilang masasandalan. Naging mas matatag ang mag-ama at lalong tumibay ang kanilang relasyon.

Iniwan man si Alma ng kaniyang ina at ipinagpalit man si Allen ng kaniyang unang pag-ibig sa iba ay malaki pa rin ang pasasalamat ng mag-ama dahil sa bawat problema na dumaan sa kanilang buhay ay hindi sila pinabayaan ng Diyos.

‘Di nagtagal ay muling nabuo ang kanilang pamilya dahil nagkaroon ng panibagong ina ang dalaga sa katauhan ni Stella, ang mabait at maasikasong asawa ni Allen. Ang babaeng may-ari ng sapatos na nakita ni Alma malapit sa pintuan ng kanilang bahay.