Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Wala Akong Pakialam sa Inyo! - Inday Trending

Wala Akong Pakialam sa Inyo!

Tutok na tutok si Rhian sa pag-aaral dahil nalalapit na naman ang kanilang mga exam sa eskuwela ngunit nahihirapan siyang intindihin ang binabasa niya dahil sa ingay ng kaniyang ina na nakikipaglaro sa kaniyang apo.

“Nay! Ano ba naman ‘yan? Nakita niyo na hong nag-aaral ako dito mag-iingay pa kayo!” padabog na sita ni Rhian sa kaniyang ina.

Wala Akong Pakialam sa Inyo!

“Aba, itong batang ‘to, oo. Kanina ka pa riyan? Baka naman gusto mong akuin na ang paglalaba ng uniporme mo. Ni hindi ka na nga mautusan dito sa bahay, eh, ganiyan ka pa umasta,” tanging sagot ni Nanay Nene na tila ba hindi inintindi ang himutok ng kaniyang anak.

Ang anim na taong gulang naman na si Choru na anak ng kuya ni Rhian ay lumakad papunta sa dalaga at kinuha ang lapis nito.

Dahil sa inis ay hinablot ni Rhian ang lapis at sinigawan niya ang bata.

Bigla humikbi si Choru at tuluyan na ngang pumalahaw ng iyak nang magulat ito sa kaniyang pagsigaw. Natakot din ang bata sa salubong niyang kilay at nakakunot na noo.

“Rhian! Bakit mo pinaiyak iyong bata?” kastigo ng ina ng dalaga at saka pilit na pinatahan ang kaniyang apo.

Ayaw ni Rhian na mauwi na naman sa bangayan ang usapan kaya imbes na sumagot ay padabog siyang pumasok sa kwarto ng pumanaw niyang kuya na ngayon ay kwarto na niya. Kinuha niya ang kaniyang bag at nagpasyang sa bahay na lang ng kaniyang matalik na kaibigan siya mag-aaral.

Pinatuloy ni Janine si Rhian sa kanilang bahay. Laging itong walang kasama dahil abala ang mga magulang nito sa trabaho at ang mga kapatid naman nito ay may sarili ng pamilya.

Pagdating na pagdating ni Rhian sa bahay ng kaniyang kaibigan ay panay ang reklamo niya dito tungkol sa kaniyang ina. “Alam niya namang nagsisikap akong mag-aral ng mabuti pero pati ba naman gawaing-bahay ay ipapaako niya pa sa’kin!” inis na sabi ni Rhian.

“Masuwerte ka nga dahil kahit papaano ay nandiyan ang nanay mo at inaalagaan ka, eh,” malungkot na sabi ni Janine.

Dahil nakatutok sa sariling pagkairita si Rhian ay hindi niya napansin ang malungkot na tinig at matamlay na kilos ng kaniyang kaibigan.

Ipinagpatuloy ni Rhian ang naudlot niyang pagre-review nang muli siyang kausapin ni Janine.

“Rhian, parang ano… Ang bigat sa dibdib kapag walang kasama sa bahay, noh,” nahihiyang pagbubukas ni Janine ng usapan tungkol sa kalungkutang madalas niyang nararamdaman nitong mga nakaraang araw.

Ngunit imbes na aluin siya ng kaibigan ay hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin sa halip ay pinayuhan siya ni Rhian.

“Mas masaya kaya kapag walang maingay sa bahay, eh. At saka mag-aral ka na lang, noh. Huwag na tayong magdrama at baka bumagsak pa tayo sa exam,” tuluy-tuloy na sabi ni Rhian.

Napahiya naman si Janine sa sinabi ng kaniyang kaibigan kaya nagpasya siyang huwag na lang magkuwento tungkol sa kaniyang nararamdaman.

Nasaktan man ay naisip ni Janine na tama din naman ang kaniyang kaibigan. Inaalala lang siguro nito na baka bumagsak na naman siya dahil talagang mahina siya sa pag-aaral. Hindi siya katulad ni Rhian na kahit hindi nakapag-aral ay nakakakuha pa rin ng matataas na marka.

Kinabukasan, tulad ng inaasahan ay nakakuha na naman ng perpektong marka si Rhian. Tuwang-tuwa niyang ipinakita kay Janine ang resulta ng kaniyang eksamen.

“Janine! Tiyak na makakapasok ako sa mga bigating unibersidad kapag patuloy akong nakakakuha ng mataas na marka!” balita ni Rhian sa kaibigan na noon ay walang kibo.

Hindi na lang iyon pinansin ni Rhian. Inisip niya na baka may buwanang dalaw lang ang kaibigan kaya parang matamlay ito.

Masayang umuwi si Rhian sa kanilang tahanan ngunit napalitan kaagad iyon ng pagkairita nang salubungin siya ng sermon ng kaniyang ina.

“Rhian, naman! Nilabhan mo nga iyong uniporme mo, eh, pinaghalo mo naman ang mga puti sa de kolor! Nagkandahawa-hawa tuloy! At bakit hindi mo pinasok sa bahay iyong mga damit na nasa sampayan alam mo namang tag-ulan na! Ano ka ba? Matalinong bobo?” inis na inis na ratrat ni Nanay Nene sa kaniyang anak habang sapo niya ang kaniyang noo.

“Ano bang malay ko diyan? Kumilos na nga ako kayo pa ang galit!” nakairap na katwiran pa ng dalaga.

“Diyos ko, oo. O siya, ikaw muna ang mag-alaga kay Choru dahil masama ang pakiramdam ko,” pakiusap ni Nanay Nene sa kaniyang anak at saka muli niyang sinalat ang kaniyang noo.

Wala Akong Pakialam sa Inyo!

“Nay! Mayroon pa ho akong isang pagsusulit bukas! Paano ako makakapag-aral, eh, napakagulo ng batang ‘yon?” reklamo naman ng dalaga.

Sa inis ng ina ay nabato niya kay Rhian ang hawak niyang hanger. “Napakareklamador mong bata ka! Naturingan kang matalino ngunit hindi mo alam kung ano ang magandang asal! Lumayas ka sa harapan ko!” nanggagalaiting sigaw ni Nanay Nene at saka siya napaupo sa sofa dahil sa panghihina.

Agad namang umalis si Rhian sa kanilang bahay dahil sa galit niya sa kaniyang ina. Naghihimutok ang kalooban niya nung dumiretso siya sa bahay ni Janine.

Nandoon na ang mga magulang ni Janine nang dumating si Rhian. Kararating lang nila galing sa trabaho kaya pinaakyat na lang siya ng mga ito sa kwarto ng kaibigan dahil kilala naman siya ng mga ito.

Pagbukas ni Rhian ng pinto ay nanlaki ang mata niya sa kaniyang nasaksihan. Napasigaw siya ng malakas nang makita niya ang kaniyang kaibigan na nakahandusay sa sahig at duguan ang pulso.

“Janine! Janine! Tulong!” sigaw ni Rhian. Natataranta niyang nilapitan ang kaniyang kaibigan.

Agad namang umakyat ang mga magulang ni Janine sa kwarto at nang makita nila ang kanilang anak ay halos mahimatay ang nanay ng dalaga.

Lutang ang isip at walang matandaan si Rhian sa bilis ng mga pangyayari. Nang magbalik na ang kaniyang diwa ay ibinabalita na ng doktor sa mga magulang ni Janine na ligtas na ang buhay ng kaniyang kaibigan. Mabuti na lang daw at agad itong naisugod sa ospital dahil kung hindi ay maaaring tuluyan na itong naubusan ng dugo.

Tulala si Rhian sa ospital. Naubos na ang kaniyang luha ngunit patuloy na nadudurog ang kaniyang puso. “Anong klaseng kaibigan ako? Bakit hindi ko man lang napansin na may malaking problema na pala ang kaibigan ko? Na malungkot ito? Bakit?”

Hindi umalis si Rhian sa tabi ni Janine hangga’t hindi pa ito nagigising. Pagdilat ng mga mata ng kaibigan ay agad niya itong niyakap ng mahigpit at umiiyak na humingi ng tawad dito.

Nanghingi din ng kapatawaran si Janine at sinabing mali ang kaniyang ginawa.

“Rhian, maaaring hindi mo napapansin ngunit napakamakasarili mo. Madalas kang walang pakialam sa damdamin ng iba at nakapokus ka lang sa sarili mo. Aanhin mo ang mga tagumpay mo kung wala ka namang pagbabahaginan nun? Masuwerte ka dahil inaalagaan ka pa rin ng nanay mo. Ako, may mga magulang nga ako pero wala naman silang pakialam sa akin. Sinasabi ko ito sa’yo bilang isang kaibigan. Sana magbago ka na bago pa mawala sa iyo ang mga taong nagmamahal sa’yo,” payo ni Janine sa kaniyang kaibigan.

Tila ba natauhan si Rhian sa mga sinabi ng kaniyang kaibigan. Nang mga sandaling iyon ay malinaw na sa dalaga kung ano ang dapat niyang gawin.

Nangako si Rhian sa kaniyang kaibigan at sa kaniyang sarili na pipilitin niyang magbago.

Magaan ang mga hakbang ni Rhian nang bumalik siya sa kanilang bahay.

Naabutan niyang natutulog sa sofa ang kaniyang Nanay Nene na tila ba hinihintay nito na dumating siya.

Ngayon lang tumimo sa isip ni Rhian na malaki na ang isinakripisyo ng kaniyang ina para sa kaniya ngunit wala man lang siyang isinukli dito kung hindi sama ng loob.

Niyakap ni Rhian ng mahigpit ang kaniyang ina at umiyak siya sa balikat nito. Tuluyang lumuwag ang kaniyang dibdib nang maramdaman niya ang masuyo nitong pagyakap sa kaniya.

Wala Akong Pakialam sa Inyo!

Mula noon ay hindi sa pag-aaral lang nakapokus si Rhian. Palagi na siyang naglalaan ng oras at panahon para tulungan ang kaniyang ina. Araw–araw niyang ipinararamdam na mahalaga ito sa kaniya at lubos siyang nagpapasalamat sa pag-aaruga nito sa kaniya.

Hindi rin nakalimutan ni Rhian ang kaibigan niyang si Janine. Sinisiguro niyang masasandalan siya ng kaniyang kaibigan sa tuwing kailangan nito ng tulong at mapaglalabasan ng sama ng loob.

Walang masama kung iisipin ang sariling kapakanan ngunit huwag maging makasarili. Isipin din natin ang mga taong nakapaligid sa atin. Dahil tulad natin mayroon din silang mga pangangailangan at pinagdadaanan.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.