Ang Babae sa Ilalim ng Punong Mangga

Wala pang apat na buwan mula nang lumipat sa katapat na bahay nina Rosie ang mag-inang sina Gloria at Maricel kaya’t laking gulat niya nang makita niya ang mga ito na abalang-abala sa pag-eempake ng kanilang mga gamit at nagmamadaling isinasakay ang mga iyon sa kanilang sasakyan.

“Oy, Gloria, aalis na kayo? Kalilipat niyo lang diyan, ah?” nagtatakang tanong ni Rosie sa kaniyang kapitbahay.

Inilapag ng babae ang dala-dalang bagahe. Sinilip muna nito ang kinaroroonan ng anak na dalaga at nang masiguradong nasa loob ito ng bahay ay tsaka lamang ito lumapit kay Rosie.

“Oo. Aalis na kami dito,” sagot ng babae na para bang balisa at hindi makatingin ng diretso kay Rosie.

“Biglaan naman yata. May problema ba?” pahabol na tanong ni Rosie. “Naku, kahit ikuwento ko naman sa’yo tiyak na ‘di ka maniniwala, eh,” seryosong sagot ng kapitbahay.

“Bakit naman?” tanong muli ng babae. “Sige na. sabihin mo na!”

Tinitigan ni Gloria si Rosie. Tila pinagdedebatihan ng isip nito kung sasabihin ba ang nalalaman. Makalipas ang ilang minuto ay huminga ito ng malalim.

“Naniniwala ka ba sa mga multo?” seryoso tanong ni Gloria. “Multo?” nabigla si Rosie sa tanong ng kaniyang kapitbahay.

Advertisement

“Noong una ay hindi ako naniniwala pero nang ikuwento sa akin ng aking anak na nakakita siya ng multo ay tsaka lang ako nakumbinsi dahil may third eye ang asawa ko,” sagot ni Gloria.

“Third eye?” gulat na sabi ni Rosie. “Oo. May third eye ang anak kong si Maricel. Nakakakita siya ng mga kaluluwa at mga elemento,” saad ni Gloria.

“Bakit? May multo ba diyan sa nilipatan niyong bahay?” tanong muli ni Rosie. “Wala naman,” mabilis na sagot ng kapitbahay.

“O, wala naman pala, eh. Anong problema? Bakit kayo lilipat,” pag-uusisa ni Rosie.

Muli itong tinitigan ni Gloria. Marahil ay iniisip nito kung ano ang sasabihin.

“Naaalala mo pa ba noong nagkasakit si Maricel? Magta-tatlong buwan pa lang kami dito,” panimula ni Gloria. “Natatandaan ko iyon. Isinugod pa nga siya sa ospital, ‘di ba?” tugon ni Rosie.

“Oo. May nangyari kasing kakaiba sa kaniya kaya siya nagkasakit,” bunyag ng babae.

At ikinuwento na ni Gloria kay Rosie ang mga pangyayari.

Advertisement

“Isang gabi pauwi ang aking anak galing sa eskuwelahan nang mapadaan siya sa maliit na eskinita na malapit diyan sa may kapilya. Madilim daw ang eskinita dahil walang ilaw sa kaniyang dadaanan. May napansin siyang babae na nakaupo sa ilalim ng punong mangga. Umiiyak daw ito at halatang may problema,” kuwento ng babae.

“Babae? Ano naman daw ang problema nung babae?” pag-uusisa ni Rosie. “Nilapitan niya ang babae at tinanong kung ano ang problema nito. Hindi naman sumagot ang babae. Nakayuko lang daw ito at patuloy sa pag-iyak. Ngunit nang hawakan niya raw ito ay laking gulat niya,” pagpapatuloy ni Gloria.

“Ano, ano ang nangyari?” tanong ni Rosie. “Nag-angat daw ng ulo ang babae. Doon kinilabutan ang aking anak dahil kitang-kita niya ang nanlilisik nitong mga mata at duguang mukha. Hinding-hindi raw niya makakalimutan ang sinabi ng babae sa kaniya,” sagot ng kapitbahay.

“Sinungaling ka! Nangako ka na hindi mo ako iiwan. Sinungaling ka!”

“Sabi daw ng babae sa galit na galit na tono. Tinangka pa raw nitong sak*lin ang kaniyang leeg. Mabuti na nga lang daw at nakatakbo siya agad,” pagpapatuloy ni Gloria.

“Diyos ko, nakakatakot naman!” gulat na tugon ni Rosie.

“Kaya nang umuwi siya sa bahay ay humahangos siya at halos hindi makausap nung umpisa. Pero nang tanungin ko siya ay doon na niya ikinuwento sa akin ang nangyari. Kinaumagahan ay nagkasakit na ang aking anak at dinala ko siya sa ospital. Marahil dahil sa sobrang takot na naranasan niya,” pahayag pa ni Gloria.

“Hindi pa doon natatapos. Wala ka bang napapansing kakaiba dito sa nilipatan naming bahay?” biglang tanong ni Gloria. “Wala naman. Bakit? mayroon pa bang ibang nangyari?” balik tanong ni Rosie sa kaniyang kapitbahay.

Advertisement

Muling tinitigan ni Gloria si Rosie. Marahil ay napagdesisyunan nitong sabihin na sa kapitbahay ang lahat ng nagpapabigat sa loob nito.

“Alam mo ba na minsan ay may kakatok sa pinto namin. Kapag binuksan ko naman ay walang tao. Isang malakas na hangin lang ang mararamdaman ko. Tapos kapag gabi ay may naririnig daw si Maricel na umiiyak sa labas ng aming bahay. Pero sa tuwing sisilipin ko ay laging wala namang tao. Halos mabaliw na nga ang anak ko sa takot. Ipinagpipilitan niyang sinundan daw siya ng babae. Nagmakaawa siya sa akin na umalis na rito. Kaya heto. Pinagbigyan ko na siya,” saad ni Gloria.

Hindi pa rin makapaniwala si Rosie sa mga ikinuwento ni Gloria.

“Paano…” wika ni Gloria makalipas ang ilang minuto. “Aalis na kami. Salamat sa lahat ng tulong at pagtanggap niyo sa amin dito.”

“Naku, wala iyon,” sagot ni Rosie. “Basta ingat kayo, ha.”

Nagkamayan ang dalawang babae at pagkatapos ay bumalik na si Gloria sa pag-eempake. Si Rosie naman ay nanatili sa labas ng kanilang bahay at pinagmasdan lamang ang mag-ina hanggang sa makaalis ang mga ito.

Matagal din siyang nakatayo sa harap ng kanilang bahay, nag-iisip. Hindi niya alam kung totoo ba ang mga ikinuwento sa kaniya ni Gloria. Maaaring tinatakot lamang siya nito.

Iniisip niya rin kung bakit hindi niya nasabi rito na dalawang taon na ang nakalilipas nang isang babae ang nagpatiw*kal at nagpasagasa sa rumaragasang truck sa ilalim ng puno ng mangga sa lugar kung saan nakita ni Maricel ang babae.

Advertisement

Ayon sa bali-balita noon ay niloko at ipinagpalit ang babae ng nobyo nito sa iba kaya pinili nitong wakasan na ang sariling buhay.

Hindi naman siya sigurado kung may koneksyon nga ba ang insidenteng iyon sa nangyari sa anak ni Gloria.

Hindi niya rin nasabi sa kaniyang kapitbahay na gabi-gabi ay nakikita niya ang isang babae na nakatayo sa harap ng bahay ng mga ito.

Sa isip ni Rosie ay bukod sa pagkakaroon ng third eye ay baka lapitin din ng mga kaluluwang ligaw ang anak ni Gloria na si Maricel kaya sinusundan ito ng mga multo.

Ipinanalangin na lamang ni Rosie na sana ay huwag nang sundan ng multo ang anak ng kaniyang kapitbahay kung saan man magpunta ang mga ito at sana ay matahimik na rin ang kaluluwa ng babae at magtungo na sa nararapat nitong patunguhan.