Karma ng Babaeng Maarte

“Miss!” maarteng tawag ng isang babae kay Nida.

Isang flight attendant si Nida ng isang sikat na airlines sa Pilipinas at madalas nga siyang nakakatagpo ng mga pasaherong maarte o ‘di kaya ay masyadong pa-VIP o very important person.

“Yes ma’am?” nakangiting tanong ni Nida rito.

“Wala na bang ibang upuan rito? Iyong hindi ko makakatabi si manang,” wika nito sabay irap sa matandang babaeng katabi tsaka muling humarap sa kaniya. “Ang bantot kasi ng amoy niya at totoong masakit sa ilong. Gusto ko iyong ako lang mag-isa at walang katabing ibang tao,” mataray na pakiusap nito.

“Kaso ma’am fully booked po tayo ngayon at wala na po talagang ibang bakanteng upuan,” mahinahong kausap ni Nida sa pasaherong babae. Bahagya siyang nakaramdam ng awa sa matandang babaeng sinabihan nito ng mabantot.

“Gosh! Ano ba naman ‘yan?! Kung alam ko lang na matandang mabantot ang makakatabi ko, e ‘di sana hindi na lang ako tumuloy! Paano ako magiging komportable kung ganito?!” naiinis na wika pa rin nito. Hindi man lang ito marunong mag-preno ng salita, sinasadya talaga nitong lakasan ang boses upang marinig ng iba pang pasahero.

“Pasensya na po ma’am,” mahinahon pa ring wika ni Nida, kahit ang totoo ay nais na niya itong pagsalitaan ng hindi maganda.

“Baka pwede akong makiusap sa kapitan ng eroplanong ito na bigyan naman niya ako ng espesyal na upuan, nagbayad ako ng maayos tapos ito lang ang mapapala ko. Nasa business class ako para maging komportable ang biyahe ko, tapos ganito lang pala ang mapapala ko? Gosh! Please do some things para hindi ako mairita lalo!” patuloy pa rin itong nagrereklamo.

Advertisement

Kahit medyo naiinis na si Nida ay hindi niya maaaring patulan ang maarteng babae. Kasama iyon sa training nila; Be patient! Paalala niya sa sarili. “Sige po ma’am kakausapin ko po si kapitan,” nakangiti niya pa ring wika ni Nida, tsaka tinalikuran ang nagrereklamong babae.

“Kap, ano po ba ang gagawin ko? May nagrereklamo po kasing pasahero sa business class. Ang sabi niya ay ayaw niyang makatabi ang isang matandang babae, dahil mabantot daw ito at masakit sa ilong ang amoy ni manang. Nahihiya na nga ako dun kay nanay kasi napapahiya siya na wala naman siyang ginagawang masama,” nakalukot ang mukhang sumbong ni Nida kay Captain Steve, ang piloto ang eroplanong sinasakyan nila.

“Sino bang matanda ang tinutukoy mo?” takang tanong nito.

Agad inilarawan ni Nida ang matandang babae na sinasabihang mabantot at masakit sa ilong ang amoy nito ng babaeng pasaherong maarte.

“Sa palagay ko’y ang nanay ko ang tinutukoy mo Miss Nida,” wika nito na labis ikinagulat ni Nida.

“Talaga ba sir?” dudang tanong ni Nida.

“Oo nga ayon sa iyong pagsasalarawan sa kaniya. Pero teka nga’t tingnan ko kung totoo ba ang hinala ko,” wika nito sabay lakad upang puntahan ang kinaroroonan ng sariling ina.

“Nay, kumusta ka naman d’yan sa pwesto mo?” tanong ni Captain Steve nang makita ang ina.

Advertisement

Agad namang ngumiti ang matanda ng makita ang pilotong anak. “Kanina ay komportable naman ako, Steve, pero mula nung umupo ang babaeng ito ay hindi na. Ayaw niya daw akong makatabi dahil ang baho ko raw,” nahihiyang sumbong nito sa anak. Halos sa gawi na nila nakatingin ang iba pang pasahero.

“Ganun ba ‘nay? Sige huwag ka na lang d’yan umupo. Ihahatid ka ni Miss Nida sa upuan kung saan mas kumportable ka,” wika ni Captain Steve at inalalayan ang ina. Pero bago pa man ito tuluyang umalis sa sa pwesto ay hinarap muna nito ang babaeng panay ang reklamo kanina.

“Pasensya ka na ineng kung medyo mabaho na talaga ang amoy ng isang matandang katulad ko. Kahit ipaligo ko pa siguro ang isang boteng pabango kung isang katulad mo ang makakatabi ko’y magrereklamo at magrereklamo ka pa rin,” ngumiti ito sa babaeng hindi na halos makatingin sa gawi niya.

“Hindi habang buhay ay ganyan kang bata at maganda’t mabango. Darating din ang panahon na kahit anong pabango mo’y mas nangangamoy matanda ka pa rin. Pero salamat at nagreklamo ka, nakilala mo pa tuloy ang pogi kong anak,” dugtong pa ni nanay bago tuluyang sumama kay Nida, upang ihatid sa pinaka-espesyal na pwesto.

“Pasensiya ka na po ma’am kung nababahuan ka sa nanay ko. Para kasi sa’kin ay mabango naman siya kahit hindi siya magpabango, pero dahil po sa inyo ay bigla kong naisip na dapat ko pa lang bilhan ng pabango ang nanay ko para hindi siya matahin ng mga katulad n’yong maraming napupuna sa kapwa, pero bulag sa sariling amoy,” nakangiting wika ni Steve, pero may bigat ang bawat linyang binibitawan.

“Nga pala, happy trip po ma’am. Sana kumportable na ang paglalakbay ninyo, ngayong kinuha ko na ang mama ko,” pilit ang ngiting ibinigay ni Steve sa babaeng maarteng nang-insulto sa kaniyang ina tsaka muling bumalik sa puwesto.

Narinig naman niyang nagpalakpakan ang mga pasahero na animo’y natapos na rin ang palabas na kanilang pinapanuod.

“Ang arte kasi ayan, karma!” bulong ng isang hindi niya kilalang pasahero.

Advertisement

“Tama ka! Bagay lang sa kaniya iyon. Kinarma! Nainsulto na ng ina, ininsulto pa ng anak,” naiinis naman sa sagot ng isang pasahero. Iyong iba ay hindi na malinaw sa kaniyang pandinig.

Customer is always right. Pero wala kang karapatan para mangbaba ng kapwa. Hindi habambuhay ay bata ka, kaya matutong gumalang sa mga matatanda.