Nasa Puso ang Ipon ko

“Noon ay sumasama-sama ka sa mga aktibista, tapos naglilinis ka sa mga dagat ng libre, pati sa mga ampunan nag-volunteer ka, ngayon pati ba naman pagtuturo ng mga batang kalye inaatupag mo? Ano ba yan, Ninay, sasayangin mo buhay mo sa pagvovolunteer?!” galit na bulyaw ni Lilia sa kaniyang anak nang magpaalam itong aalis ng bahay.

“’Nay, hindi naman ho pagsasayang ng buhay itong ginagawa ko, naniniwala lang po akong–” naputol na ang iba pa nitong sasabihin nang muling tumirada ang ina.

“Paniniwala, paniniwala! Tse! Mapapakain ka ba niyang paniniwala mo? Gasino na nga lang ang naiaabot mo sa akin eh!” reklamo ng ina at saka tumalikod na sa anak. Nalungkot naman si Ninay ngunit inaasahan niya na ang reaksiyon nito.

Mula pa noong kabataan niya ay namulat na siya sa mga problema ng lipunan. Naisip niya noon na napakadaling mamuhay kung iisipin mo lang ang sarili mo, ngunit anong klaseng buhay ang mayroon ka kung sosolohin mo iyon at hindi ibabahagi sa iba? Kaya simula noon ay sinusuportahan niya na ang mga adbokasiyang pinaniniwalaan niya. Nakapagtapos siya ng kursong social work, at ngayon ay nagtatrabaho sa isang organisasyon. Kakarampot lang ang kinikita niya doon ngunit busog naman ang puso niya dahil nakakatulong siya sa ibang nangangailangan.

Ngunit iba ang tingin ng kaniyang pamilya. Matagal na siyang kinakastigo ng mga ito dahil sa napili niyang propesyon.

“Eh ‘di sina kung nag-CPA, o kaya engineer ka na lang eh mayaman ka na ngayon,” lagi niyang naririnig mula sa kaniyang ama na pakiramdam niya’y hanggang ngayon ay dismayado sa kaniya.

Alam niya ang pinanggagalingan ng mga ito kaya lagi niyang idinadalangin sa Diyos na ipaintindi sa mga ito na hindi lahat pwedeng doktor o engineer o nars. May kani-kaniya tayong tungkulin na dapat gampanan ayon sa mga kakayahang ibinigay Niya sa atin.

Mabigat man sa dibdib ay umalis siya ng bahay at dumiretso sa lugar kung saan sila nagsasagawa ng outreach para sa mga batang kalye. Nawala ang bigat sa kaniyang dibdib nang salubungin siya ng mga ito ng yakap. Habang tinuturuan niya ang mga ito ng pagbabasa at pagsusulat ay hindi niya mapigilang mapangiti dahil ramdam niya ang pagkasabik ng mga ito. Matapos ang kanilang outreach ay dumiretso naman siya sa Home for the Aged kung saan siya nagvovolunteer na kwentuhan ang mga matatandang nakatira doon.

Advertisement

“Maraming salamat, hija, sa iyong mabuting puso. Sa panahon ngayong ang mga kabataan ay puno ng makamundong mithiin, pinagpala kami dahil ang hangad mo lang ay mapaligaya ang kakapiraso na lang naming buhay. Pagpalain ka nawa ng Diyos,” sabi sa kaniya ni Nanay Sabel na isang matandang mahilig magpakwento sa kaniya.

Umuwi siyang masayang-masaya ang pakiramdam. Ngunit naputol ang kasiyahang iyon nang muli niyang maramdaman ang pagsigid ng kirot sa kaniyang ulo. Matagal na niyang iniinda ang pabugso-bugsong sakit na iyon ngunit hindi niya ito masyadong iniisip. Ayaw niya namang pag-alalahanin pa ang pamilya niya kung sakali. Umupo siya saglit sa gilid ng kalye malapit sa kanilang bahay dahil hindi na niya matiis ang sakit. Unti-unting nagdilim ang kaniyang paningin at ang huli niyang nakita ay ang ina na patakbong lumapit sa kaniya.

Iyak nang iyak si Lilia nang dalhin sa ospital ang anak at mapagalaman nilang mayroon itong brain tumor. Matagal na raw iyong naroon ayon sa doktor ngunit ngayon pa lamang natuklasan dahil malaki na. Kinakailangan ni Ninay na maoperahan kaagad kung hindi ay maaaring maapektuhan ng tumor pati ang kaniyang pagkilos at paningin.

Hindi malaman ng pamilya kung saan kukuha ng pera pampaopera kay Ninay. Problemado at desperado na ay p-in-ost ng kapatid ng dalaga ang picture nito sa social media at doon nanghingi ng tulong sa mga taong bukas-palad. Hindi nila inaasahan ang dagsa ng maraming simpatya at donasyon. Puro positibong komento lamang ang nakita nila tungkol sa mabubuting bagay na ginawa ni Ninay.

“Minsan na siyang nagvolunteer sa aming organisasyon kaya nais po naming magpaabot ng tulong.”

“Si Ate Ninay ay napakabuting tao. Tumulong siya noon sa amin noong nagsisimula pa lamang ang aming adbokasiya para sa kalikasan. Ipagdarasal ka po namin, at kanino po mag-aabot ng tulong?”

“Pinakamasipag at pinakamatiyagang taong nakilala ko. Handa ang pamilya naming tulungan si Ninay bilang sukli sa kaniyang mga ginawa para sa amin noon.”

Namangha sila nang makitang pati ang mayor ng kanilang bayan ay nakakakilala pala kay Ninay dahil sa pakikisangkot nito sa pagpapaunlad ng lugar. Nais din nitong suportahan ang pamilya sa kahit anong paraan.

Advertisement

Tuluyan namang naluha si Lilia at ang asawa nang makitang mukhang may kalutasan na ang kanilang mga problema. Ngunit higit sa lahat ay nagsisisi sila dahil sila pa na pamilya nito ang palaging nangmamaliit dito samantalang ang ibang tao ay lubos na naging biyaya ang tingin dito.

Dahil sa maraming tulong pinansiyal at dasal mula sa mga taong natulungan ni Ninay ay naging matagumpay ang operasyon niya. Paggising niya ay nagulat siya dahil nakapalibot sa kaniya ang buong pamilya. May luha at ngiti sa mga mukha nito. Sinabi sa kaniya ng ina ang lahat ng nangyari at kung paanong ang kabutihan niya ang naging susi upang maligtas ang kaniyang buhay. Namangha si Ninay na marami palang tao ang nakakakita sa kaniyang mga ginagawa dahil halos mapuno ng mga bulaklak at prutas ang kaniyang kwarto.

“Gusto lang namin sabihin sa’yo ng mama mo na… proud na proud kami sa’yo. Patawarin mo kami na hindi namin nakita ang halaga ng mga ginagawa mo at nakatingin lang kami sa materyal na bagay. Pangako anak, susuportahan ka namin,” maluha-luhang sabi ng kaniyang ama.

Nagyakapan ang buong pamilya at wari nilang simula na iyon ng pagbabago sa kanilang buhay. Kinailangan pa palang may matinding dagok muna silang madaanan upang lubusang maintindihan at tanggapin ang isa’t-isa.