Bakit ‘Di Na Lang Natin Totohanin?

“Hoy dukha!” pasigaw na wika ni Xian kay Bea. Hindi sana lilingon si Bea kasi hindi naman iyon ang pangalan niya kaso boses pa lang ng lalaki ay kilala na niya, walang iba kung ‘di ang presko at antipatikong si Xian Marquez, ang mayabang na lalaki sa eskwelahan nila.

Ito lang naman ang tumatawag sa kaniya ng dukha at wala nang iba. Dukha ang tawag nito sa kaniya dahil siya lang yata ang kilala nitong mahirap sa eskwelahan nila. Iskolar lang kasi siya sa paaralang pinapasukan at aminado siyang halos mayayaman ang lahat ng nag-aaral rito. Maliban sa kaniya.

“Ano?” padabog na wika ni Bea.

“Mag-usap tayo,” maiksing sagot ni Xian, sabay hila ng kamay niya at kinaladkad siya sa kung saan.

“Aray! Namumuro ka na talaga sa’kin ah. Hindi mo ba alam na masakit ang ginawa mong pangangalakad sa’kin kanina?!” inis na reklamo niya.

“Nadapa ka ba? Hindi naman ‘di ba?” kibit-balikat nitong wika. Kahit kailan talaga may utak talangka ang lalaking ito. Malaman lang ang bulsa ng pamilya nito, pero ang utak ni Xian ay hangin lang ang laman. “May kailangan akong ipagawa sa’yo!” muling wika nito habang nakapaloob sa bulsa ang dalawang kamay.

“Ano ba ‘yon?” naiinis niyang tanong. Hindi niya matandaan kung kailan ba siya naging alipin ng tukmol na ito, pero labis niyang pinagsisihan ang araw na nalilala niya ang lalaki. Puro problema na lang kasi ang hatid nito sa buhay niya.

“Magpanggap kang girlfriend ko. Kailangan kong pagselosin si Jenny,” wika ni Xian na ang tinutukoy na Jenny ay ang nobya nitong malandutay.

Advertisement

“Kailangan mo pa bang gawin iyon? Kung mahal ka ni Jenny hinding-hindi ka niya lolokohin,” prangkang wika ni Bea, upang matauhan ang mayabang na lalaki.

“Bakit ba mas marami kang alam?! Magpasalamat ka kasi magiging girlfriend ka ng sikat na katulad ko. Choosy ka pa ba?” kayabangang wika ni Xian.

“Sikat at mayaman ka nga. Puros hangin naman ang laman ng kokote mo. Anong kina-swerte ko dun?” inis na wika ni Bea.

“May sinasabi ka ba? Susundin mo ba ang inuutos ko o ipapagulpi kita sa mga goons ko?” nanlikisik ang mga matang wika ni Xian.

Bahagya namang kinabahan si Bea sa banta ng lalaki. Alam niyang kahit babae siya’y hinding-hindi siya sasantuhin ni Xian. “O-oo na. Wala naman akong sinasabing umaangal ako ah,” nauutal na wika ni Bea, labag man sa kalooban niya.

“Ito lang ang kondisyon ko ah! Bawal kang ma-inlove sa’kin,” antipatikong ngumiti ang lalaki sabay kindat.

Parang gusto namang bumaliktad ng sikmura ni Bea dahil sa ginawa ni Xian. “In your dreams,” mahinang wika niya matapos mandiri sa inakto nito.

Kinabukasan ay sinimulan na nga nila ang pagpapanggap para pagselosin si Jenny. Kunyari ay sinundo pa siya nito, pero ang totoo pinaghintay lang naman siya sa pangalawang kanto bago ang eskwelahan nila. Tapos kunyari ay binilhan siya ni Xian ng isang bouquet ng bulaklak, pero ang totoo ay siya lang naman ang bumili nun, nakipaghati pa ito sa kaniya. Wala na nga siyang allowance! Kunyari ay binibilhan siya ni Xian ng pagkain upang ipakita ang sweetness nito bilang isang don romantikong boyfriend, pero ang totoo ay utang niya iyon at sa susunod na linggo niya babayaran.

Advertisement

“Ayoko na! Nauubos ang allowance ko sa pinaggagawa mo e! Dukha na nga lang ako gumagastos pa ko sa pagpapanggap mo,” reklamo ni Bea ng tuluyan ng naubos ang allowance niyang sobra-sobra niyang binabudget umabot lang ng katapusan.

“Siyempre, ikaw naman ang nakikinabang sa mga binibigay ko e,” wika pa nito.

“Siyempre, plastic ka e. May pa bigay-bigay ka pa, hindi naman totoo. Wala na nga akong sinasahod sa pagpapanggap natin, abunadong-abunado pa ako! Kaya ayoko na!” wika niya at akma na sanang tatalikod ng magsalita ito.

“Sige! Simula bukas hindi na kita pagbabayarin at sasahuran na kita. Sana sinabi mo nung una pa lang na mukha kang pera!” singhal ni Xian na lalo niyang kina-insulto.

“Dukha ako kaya malamang mukha talaga akong pera! Basta bukas ah, may sasahurin na ako,” wika niya tsaka tuluyang umalis. Naiintindihan niya kung ayaw na ni Jenny kay Xian, sa pagiging walang modo ba naman nito. Sinong makakatagal sa ugali nito?

Kinabukasan ay ganun pa rin ang ginawa niya. Naghintay sa may kanto, pero hindi na siya nito hiningan ng pang-gasolina. Binigyan rin siya nito ng bulaklak, na hindi hiningan ng pambayad. Binilhan ng paborito niyang pagkain na hindi inilista bilang utang niya at ang pinaka-malupit ay sinahuran nito ang araw niya ng pitong daang peso.

“Malaki na ang pitong daan sa mga katulad mong dukha,” wika ni Xian, na para bang natural na natural lang para dito ang salitang dukha.

“Siyempre, salamat ha! Next time ulit,” masayang ipinaypay ni Bea ang pitong tig-iisang daan. Atleast, may pandagdag baon na siya at hindi na niya kailangan pang umasa sa mga magulang niya.

Advertisement

Nagpatuloy ang pagpapanggap nilang dalawa. Minsan nga ay parang hindi na parte ng pagpapanggap nila ang nangyayari sa pagitan nilang dalawa dahil kusa na siyang nag-aalala kay Xian, lalo na kapag alam niyang may problema ito ay kusang loob na niyang kino-comfort ang lalaki na hindi man lang nakakaramdam ng iritasyon sa buhay. Pakiramdam niya’y nalalagay ang puso niya sa alanganing sitwasyon at delikado iyon. Baka kasi paglamayan na lang niya bigla ang sariling puso kapag nagkataon.

“Bea, may good news ako sa’yo,” masayang bungad ni Xian sa kaniya.

“Ano iyon?”

“Nagtapat na sa’kin si Jenny, ang sabi niya ay mahal niya pa rin ako at nagseselos siya sa’yo. Magkikita kami mamayang gabi at doon ko na ipagtatapat ang buong katotohanan,” kitang-kita ang labis na kasiyahan sa mga mata ni Xian. Habang pilit namang ikinukubli ni Bea ang sakit na nararamdaman.

“Talaga? Good news nga iyan! Sa wakas matatapos na rin ang pagpapanggap nating dalawa at malapit na akong lumaya sa’yo,” kunwari ay inis niyang wika. “At least! Nagawa mong bumalik sa’yo ang taong mahal mo. Kaya ngayon ingatan mo na si Jenny,” nakangiting wika ni Bea, pero katunayan ay nadudurog na siya.

Kinabukasan ay bali-balita na nga sa buong campus ang pagbabalikan nina Xian at Jenny, marami ang natuwa at ang iba naman ay naawa sa kaniya.

“Nabalitaan ko ang nangyari Bea,” malungkot na wika ni Bryx, ang kaklase niya. “Bakit mo hinayaang gamitin ka niya para kay Jenny? Ayos ka lang ba?” nag-aalalang wika nito.

“Oo naman ‘no. Ano naman ang dapat kong ikalungkot? Una malaya na ako at hindi ko na kailangan pang magpanggap. Pangalawa naman binayaran naman niya ako sa pagpapanggap naming iyon. Nalulungkot lang ako ngayon, kasi wala nang magsu-sweldo sa’kin,” wika niya. Kahit ang totoo ay nalulungkot siya dahil sa nawasak niyang puso. Umasa ka pa kasi alam mo naman na madudurog ka lang din.

Advertisement

Naging maayos na ang lahat kahit na medyo namimiss niyang makasama si Xian ay walang sinuman ang nakahalata sa pagdadalamhati niya. Kasama niya lagi si Bryx at kahit papaano ay napapawi ang lungkot niya dahil sa lalaki ng biglang may lumapit sa gawi nila.

“Bea, pwede ba tayong mag-usap?” nakasalubong ang kilay na tanong ni Xian.

Badtrip ba ito? Bakit parang galit ito sa mundo? Naghiwalay na naman ba sila ni Jenny? Pagpapanggapin na naman ba siya ng lalaki? Mga tanong niya sa sarili. “Ano ba iyon?” mahinahon niyang tanong.

“Boyfriend mo ba ang lalaking dukha na ‘yan?” agad nitong tanong. “Makipagbreak ka sa kaniya! Ngayon din!” utos nito dahilan upang magsalubong ang kaniyang kilay.

“Ano bang pinagsasabi mo?” nagtataka niyang tanong.

“Makipaghiwalay ka sa kaniya at ako na lang ang gawin mong boyfriend!” wika ni Xian na labis niyang kinagulat. Totoo ba ang naririnig niya?

“Nung nakipagbalikan ako kay Jenny, pakiramdam ko mas masaya ako kapag kasama kita kahit na lagi ka na lang nagrereklamo kasi ganito ako, ganyan ako at kung ano-ano pa! Mas hinahanap kita, minsan nga nakikita na kita sa katauhan niya at pakiramdam ko mababaliw ako kapag ‘di ko pa aaminin sa’yo ang totoo kong nararamdaman,” despiradong wika ni Xian.

Pakiramdam ni Bea ay puputok na ang puso niya sa sobrang saya. Siyempre, magpapakipot muna siya ng kaunti. “Bakit hindi mo ako deretsuhin?” wika niya.

Advertisement

“Mahal kita! Naririnig mo ba ako? Mahal kita at ikaw ang gusto ko. Bakit hindi na lang natin totohanin ang pagpapanggap natin noon? Mas masaya ako kapag ikaw ang kasama ko. Naipapakita ko ang totoong ugali ko kapag ikaw ang nasa tabi ko. Mahal kita dukha, kaya akin ka na lang. Pakiusap,” sigaw nito at wala na silang pakialam kung may makarinig o makakita man sa kanila. Ang mahalaga ay nagkakaintindihan ang mga puso nilang dalawa.

Walang sabi-sabi ay patakbong niyakap ni Bea si Xian at maya-maya pa ay siniil ito ng halik. Hindi na niya kailangan pang isigaw ang damdamin para sa lalaki. Ayon nga sa kasabihan; Action speaks louder than words. Kaya ginagawa niya at hindi na sumasatsat pa.

“Mahal kita Xian, utak talangka!” nakangising wika ni Bea matapos nilang pagsaluhan ang makapigil hiningang halik.

“Totoo ba ‘to o pagpapanggap lang ulit? Sa ngayon hindi na kita sasahuran,” paniniguro pa ni Xian.

Natawa naman siya sa usaping sahod. “Ikaw lang at ang pagmamahal mo. Sapat nang sahod para sa’kin,” wika ni Bea dahilan upang maghiyawan ang mga taong nanunuod sa kanila.

“I love you more Bea,” wika ni Xian at muling siniil ang labi ni Bea ng halik.