Bakit Ayaw Magsalita ni Jelay?

Masayang naghahapunan ang pamilya ni Jelyn kasama ang kaniyang pitong taong gulang na anak at ang isang buwan pa lang na kinakasama na si Joel. Habang kumakain, nagkukwentuhan si Jelyn at Joel tungkol sa mga karanasan nila noong sila’y bata pa. Samantala, tahimik lang na kumakain si Jelay at walang kibo ito. Ngunit sanay na si Jelyn dito. Mula kasi noong ito’y umedad ng pitong taon, hindi na muling nagsalita pa si Jelay.

“O, bukas Jelay papasyal tayo kasi linggo. Celebrate natin iyong birthday mo kasi wala dito si mama eh diba? Puntahan na rin natin si Dr. Bustamante para magpa-check up. Okay ba iyon sa’yo?” masayang wika ni Jelyn sa anak.

Naisip niyang dalhin si Jelay sa isang speech therapist upang matulungang bumalik ang pagsasalita ng bata. Matagal-tagal na rin silang hindi nakakapasyal at sabik sila para dito. Ayaw man ni Jelyn ang magpunta sa doctor dahil may kamahalan, ngunit nais niyang gumaling ang anak sa kung anumang sakit nito sa pagsasalita.

Dumating ang kinabukasan at nakita na lamang ni Jelyn si Jelay na natutulog sa may sala. Hindi niya namalayan na tumayo pala ito at bumaba doon. Nang gisingin niya si Jelay bigla na lamang itong nagulat at parang takot na takot. Malalim ang paghinga nito at nanlalaki ang mga mata. Nanginginig din at mabilis ang hinga at kalabog ng dibdib ng bata. Wari bang nakakita ng multo.

“Nak! Jelay! Si mama ‘to! Nak?!” wika ni Jelyn habang hawak-hawak ang balikat ng anak.

Ngunit patuloy pa rin ang takot sa mukha ni Jelay. Niyakap ito ng ina na noo’y tuluyan nang napaiyak. Patuloy ang kaniyang pagpapakalma sa anak.

Matapos nito ay makikitang nakatulala na lamang si Jelyn habang nakaupo sa kusina. Si Jelay naman ay nanonood lamang ng telebisyon sa kanilang sala. Habang tinitingnan ang anak, naaawa siya at hindi na rin alam ang nangyayari dito. Nadatnan siya roon ni Joel na kararating lamang galing sa palengke at maghahanda na ng kanilang almusal. Lumapit ito sa kasintahan at kinausap ito.

“Bakit, mahal ko? Ano ang problema?” marahang tanong nito.

Advertisement

“Kanina kasi si Jelay…” may kaunti pang hikbi habang inaalala niya ang nangyari sa anak. “Si Jelay, para bang sinasapian na o anuman… Hindi ko maintindihan dahil nung lumapit ako sa kaniya, bigla na lamang siyang gulat na gulat sa akin na parang ayaw magpahawak,” pagpapatuloy pa niya.

“Hay… Huwag ka nang mag-alala nang husto o mag-isip pa. Baka naman nanaginip lang ang bata ng nakakatakot. Alam mo naman mga bata, hindi ba? Saka malamang nakapanood si Jelay ng nakakatakot na palabas kaya ganoon ang naging reaksyon niya,” pag-alo naman ni Joel habang tinatapik-tapik lang si Jelyn.

Napawi ang pag-aalala ni Jelyn at katulad ng kanilang plano, umalis sila nang hapon iyon at nagpunta sa doktor. Subalit bigo pa rin silang mapagsalita ang bata. Hindi kasi nagbibigay ng tugon ang bata ngunit hindi naman ito bingi at maayos ang lahat pati na kaniyang pisikal na kaanyuan. Hindi maikwento ni Jelyn ang mga nangyayari sa bata. Kung paano ito sa kanilang bahay dahil halos wala siya doon buong araw. Ang naiiwan lamang ay si Joel na mayroon ding mga sideline. Umuwi sila na hindi pa rin nagsasalita si Jelay kahit na anong kausap nila dito.

Nang gabing iyon at matutulog na sila, kinausap ni Jelyn ang kasintahang si Joel.

“Balak ko sana na tumigil muna sa pagtatrabaho,” wika nito.

“Ha? Bakit naman?” tugon ni Joel.

“Eh, kasi si Jelay. Gusto ko sanang alagaan siya. Baka kasi wala lang siyang makausap dito palagi kaya ayaw niyang magsalita,” sagot muli ni Jelyn.

“Huwag kang mag-alala kay Jelay, mahal ko. Lagi ko naman kinakausap ang bata. Masaya siya at palagi kaming nanonood ng mga paborito niyang palabas. Kung minsan pinapasyal ko siya! Alam mo, huwag ka na masyadong mag-alala o mag-isip ng kung ano-ano pa diyan, ha? Matulog na tayo, okay?” tugon ni Joel tapos ay yumakap sa kaniya.

Advertisement

Muling nabuo ang pasya ni Jelyn na huwag umalis ng trabaho. Alam niyang ganoon din naman ang mangyayari kahit na nandoon pa siya. Kailangan lamang ng panahon at hintayin kung kailan magsasalita ang anak na si Jelay.

Kinabukasan, masama ang pakiramdam ni Jelyn habang siya’y nasa opisina. Magpapasundo sana siya kay Joel ngunit naalala niyang baka pagod na ito kakaalaga sa kaniyang anak. Kaya naman, minabuti niyang umuwi na lang ng mas maaga at bumili ng maaari nilang kainin para sa hapunan. Nang makarating sa bahay, TV lamang ang kaniyang naririnig at nakasarado ang pinto. Ngunit dahil mayroon siyang sariling susi, nabuksan niya iyon at nang pumasok ay nakita niyang makalat ang sala. Mga laruan ni Jelay at ang TV ay naiwang nakabukas.

Hinanap niya si Joel at Jelay at naisip na baka natutulog sa silid. Kung kaya nagpatuloy siya sa paglalakad at laking gulat siya sa kaniyang naabutan. Si Joel ay hinahalay ang kaniyang anak na si Jelay habang ito’y may busal at nakatali ang mga kamay! Nabigla ang kasintahan sa nakita. Pinaghahampas niya si Joel habang galit na sinisigawan ito ng kung ano-ano.

“Walang hiya kang lalaki ka! Lumayas ka dito! Lumayas ka!” galit na galit na sabi ni Jelyn dito. Agad naman itong umalis ng bahay na hindi man lang humingi ng paumanhin. Nang balikan ni Jelyn ang anak, awang-awa siya sa sinapit nito. Agad siyang tumawag ng pulis upang ipahuli si Joel. Ganoon din ay dinala niya sa doktor ang anak na si Jelay.

Nang harapin siya ng doktor na sumuri sa pag-iisip ni Jelay. Napag-alaman na mayroong sakit na mutism si Jelay. Ito ay isang karamdaman na kung saan natatakot ang isang tao na magsalita o ibuka man lang ang kanilang bibig. Iyon ay dahil sa isang marahas na karanasan ng isang tao.

Napakapit si Jelyn sa may pintuan matapos marinig ang sinabi ng doktor habang nakatitig sa kaniyang anak na si Jelay na noo’y naglalaro sa loob ng silid. Lumapit siya dito at yinakap nang mahigpit ang anak.

“Sorry, anak ko. Sorry, Jelay. Patawarin mo si mama…” patuloy na paghingi ng tawad ng ina sa kaniyang anak.

Laking pagsisisi niyang mas inuna pa niya ang sariling pangangailangan. Mali na nagtiwala siya kaagad sa lalaki gayong hindi naman niya iyon ganoon kakilala pa ng sobra. Nabulag siya ng akala niya’y pag-ibig ngunit sisira pala ng buhay ng anak na si Jelay. Nagkulang siya bilang isang ina, na alagaan at protektahan ang kaniyang mahal na anak. Ngunit nangangako siyang gagawin ang lahat upang suportahan ang anak nang sa gayon ay magkaroon pa rin ito ng magandang kinabukasan sa kabila ng mapait na karanasan.