Malaki ang Agam-Agam ng Ama sa Iniibig ng Anak; Pagsisisihan nang Lubos ng Anak ang Hindi Pakikinig sa Ama

“Sigurado ka ba sa desisyon mo, anak, na magsolo? Hindi ka naman namin pinapaalis ng mama mo dito sa bahay,” tanong ni Jaime sa kaniyang anak na si Sophia.

“Sigurado na po ako, daddy. Nasa hustong edad na rin ako at ayaw ko na rin pong maging pasanin pa ninyo. Saka mas mapapadali rin kung lilipat kasi ako ng Maynila bilang nandoon naman ang trabaho ko,” sambit naman ng anak. 

Kahit na hindi tunay na anak ng mag-asawang Jaime at Loreta si Sophia ay hindi mo maihahambing ang pagmamahal at pag-aarugang ipinapakita ng mag-asawa sa dalaga.

Sa loob ng sampung taong pagsasama kasi bilang mag-asawa ay hindi pa rin noon nabibiyayaan ang mag-asawa kaya nagdesisyon sila na mag-ampon. Unang kita pa lamang nila sa batang si Sophia ay alam na agad nila na ito ang anak na para sa kanila.

Inaruga at hindi tinuring na iba ang bata. Inangkin, pinalaki, pinag-aral at kinalinga nila sa loob ng matagal na panahon. Kahit na apat na taon pagkatapos na ampunin si Sophia ay nagdalantao na si Loreta ay hindi pa rin nagbabago ang kanilang pagtingin kay Sophia. 

May kaya ang pamilya nina Jaime at Loreta. Hindi naging isyu sa kanila ang pera. Ngunit dahil nga tumatanda na rin itong si Sophia ay nais niyang tuluyan nang bumukod sa kaniyang mga magulang. Lalo na sapagkat ang kaniyang trabaho bilang isang Interior Designer sa Maynila. 

Nang makaipon ay bumili ng isang condo itong si Sophia at nagdesisyon nang tuluyang manirahan doon.

“Ayos ka lang ba riyan, anak? Nag-aalala kami ng mommy mo sa’yo. Baka kasi hindi ka nakakakain nang tama. Wala pa namang nag-aasikaso sa iyo d’yan. Gusto mo bang ipadala namin ang isang kasambahay rito para may makakatulung-tulong ka sa condo mo?” sambit ng ama. 

Advertisement

“Hindi na po kailangan pa, daddy. Kaya ko na po ang sarili ko. Kayo talaga ni mommy! Ang akala niyo ay bata pa rin ako hanggang ngayon. Dad, wala na nga sa kalendaryo ang edad ko!” natatawang tugon naman ng dalaga.

“Kahit kailan ay hindi magbabago ang pagtingin namin sa iyo. Kahit matanda ka na at may mga apo na kami sa iyo ay ikaw pa rin ang unang baby ng mommy mo,” wika pa ni Jaime.

“O siya, lagi mong iingatan ang sarili mo, anak. Alam mo namang narito lang kami ng mommy mo at laging bukas ang tahanan natin kung sakaling gusto mo nang bumalik dito,” dagdag pa ng ama. 

Kahit na nasa malayo ay patuloy ang pag-uusap ng mag-ama. Hindi mapagkakaila na mas malapit talaga si Sophia sa kaniyang daddy.

Ilang buwan ang nakalipas at hindi na rin nagulat ang mga magulang ni Sophia nang magsabi ito na mayroon na siyang kinikitang lalaki.

“Sinipat mo ba talaga ang lalaking iyan, anak? Baka mamaya ay kung ano lang ang habol niyan sa iyo,” sambit ni Jaime.

“Siyempre, daddy. Matagal na rin siyang nanliligaw sa akin. Nakilala ko siya dahil sa mga kaibigan. Sa tingin ko naman ay mabait at mapagkakatiwalaan,” tugon naman ng dalaga. 

“Alam mo naman ang mga lalaki, Sophia. Magaling talaga sa una. Makikilala mo lang iyan kung hanggang sa huli ay ganiyan pa rin siya sa iyo,” paalala ng ama.

Advertisement

“Basta, kailangan ay makilala muna namin iyang lalaking iyan,” dagdag pa ni Jaime.

Isang buwan ang nakalipas at umuwi ng probinsiya upang ipakilala sa kaniyang pamilya si Sophia kasama ang kaniyang nobyong si Ralph.

Unang tingin pa lamang ni Jaime ay may iba na siyang nararamdaman dito. Nang makausap niya ang dalaga nang sarilinan ay saka niya sinabi na anak ang kaniyang kuro-kuro. 

“Hindi talaga panatag ang loob ko riyan sa lalaking iyan, Sophia. Baka naman nagmamadali ka lang na magkaroon ng nobyo. Marami pang iba riyan. Basta, hindi ko gusto ang lalaking iyan para sa iyo,” wika pa ng ama.

“Daddy, wala ba kayong tiwala sa mga desisyon ko? Kapag nakilala niyo nang masinsinan si Ralph ay makikita niyong seryoso siya sa akin. Baka nasasabi niyo lang iyan dahil hindi nyo pa ako kayang pakawalan,” saad ni Sophia. 

Napabuntong-hininga na lamang si Jaime. 

Dumaan ang mga buwan at laging kinakumusta ng ama ang relasyon ng anak sa nobyo nito. Hanggang sa isang araw ay nabigla na lamang ang mag-asawa nang sabihin ni Sophia na magpapakasal na sila ng binata. 

“Ni hindi nga niya hiningi ang kamay mo sa amin ng mommy mo, Sophia. Tapos ay magpapakasal na kayo? Baka naman pwedeng mag-isip ka pa ng maraming beses, anak. Hindi pa rin nagbabago ang tingin ko riyan kay Ralph,” saad ng ama.

Advertisement

“Daddy, nalulungkot po ako sa sinasabi niyo. Pero matanda na ako. Kailangan niyo na pong matanggap na may mga sarili na akong desisyon. Buhay ko po ito at si Ralph ang gusto kong makasama. Pasensiya na po kayo kung sa tingin ninyo ay nawalan kami ng respeto sa inyo, pero sana ay igalang niyo rin ang desisyon namin,” wika pa ni Sophia. 

Kung si Jaime ang tatanungin ay tutol na tutol siya sa pag-iisang dibdib ni Sophia sa kaniyang nobyo. Ngunit wala na siyang nagawa pa. Malaki rin ang pagtatampo ng anak kay Jaime dahil kahit kasal na ang dalawa ay hindi pa rin natitigil ang pagdududa ng ama kay Ralph.

“Tama na, daddy. Hindi masamang tao ang asawa ko. Kung hindi niyo siya matanggap bilang asawa ko ay mabuti pang kalimutan niyo na rin ako bilang anak niyo!” sambit ni Sophia.

Dahil dito ay nagkalamat ang kanilang relasyon. Matagal na hindi na umuwi si Sophia sa probinsya. Iniiwasan niya ang tawag ng kaniyang ama dahil alam niyang mauuwi na naman ito sa pag-uusap nila tungkol sa pagdududa niya kay Ralph.

Hanggang sa isang araw ay tila kakaiba ang kinikilos nitong si Ralph. Agad niya itong sinundan sa kaniyang opisina sa bahay at nakita niyang tila may kausap ito sa kaniyang selpon.

“Oo, plantsado na ang lahat. Ngayon ko na gagawin ang lahat ng plano. Konting panahon na lang ang hihintayin mo at magkakasama na rin tayo. Hindi lang basta magkakasama, ibibigay ko ang lahat ng gusto mo dahil malaki ang makukuha ko kapag wala na si Sophia,” saad ni Ralph sa nakausap niya sa selpon.

Hindi lubusang akalain ni Sophia ang lahat ng kaniyang narinig. Nang akmang papaalis na ng kaniyang tanggapan itong si Ralph ay mabilis na nagtungo sa sala si Sophia at umarte na tila walang nangyari. Napakahirap man ay pilit niyang pinipigilan ang kaniyang galit at pagluha.

Maya-maya ay narito na si Ralph at may dalang baso ng malaming na juice.

Advertisement

“Para makapag-relaks ka, mahal. Ginawan kita ng juice,” wika ng mister sabay abot ng inumin. 

Alam ni Sophia na sa pagkakataong iyon ay isinasagawa na ng kaniyang asawa ang plano laban sa kaniya.

Kinuha niya ang baso at ipinakita na tila ininom niya ang juice. At saka umalis si Ralph dahil may meeting daw ito sa opisina niya sa pinagtatrabahuhang kumpanya.

Pag-alis ng asawa ay napahagulgol na lamang si Sophia. Naalala niya ang mga kutob ng kaniyang ama.

Inireport niya kaagad sa pulis ang nangyari at ibinigay ang juice bilang ebidensiya. Doon ay nakita na mayroon nga itong lason.

Nang malaman ng kaniyang mga magulang ang nangyari ay agad nilang pinuntahan si Sophia. Bumuhos lalo ang mga luha ni Sophia nang makita ang kaniyang ama at ina.

“Patawarin mo ako, daddy! Hindi ako nakinig sa’yo. Buong akala ko ay ayaw mo lang talaga akong magpakasal. Kung sumunod sana ako sa iyo ay hindi na hahantong ang lahat sa ganito. Patawarin niyo po ako!” pagtangis ni Sophia.

“Ang mahalaga, anak, walang nangyaring masama sa iyo. Tandaan mo na narito lang kami ng mommy mo. At kahit hindi ka sa amin nanggaling ay mahal na mahal ka namin higit pa sa isang tunay na anak,” sambit ng ama. 

Advertisement

Hinuli at kinasuhan si Ralph sa tangkang pagp@slang sa asawa niyang si Sophia. Lingid pala sa kaalaman ni Sophia ay pinakasalan lamang siya nito dahil sa kaniyang estado sa buhay. Lalong umigting ang pagnanais ni Ralph na sumakabilang buhay ang kaniyang misis upang makuha niya ang malaking perang ibibigay ng insurance, at tuluyang makisama na sa kalaguyo nito. 

Hindi man nagtapos sa magandang paraan ang kwentong pag-ibig ni Sophia ay alam niyang nariyan lagi ang kaniyang mga magulang upang siya ay suportahan. Malaki ang pagsisising naramdaman ng dalaga sa pagbabalewala sa kutob ng kaniyang ama. Mabuti na lamang at mayroon pang pag-asa si Sophia na bumangon sa lahat ng ito at magsimula ng panibagong bukas.