Inday TrendingInday Trending
Naniniwala ang Dalaga sa Tiyo na Kaya Nitong Makabasa ng Kapalaran; Ikagugulat Niya ang Aaminin sa Kaniya Nito

Naniniwala ang Dalaga sa Tiyo na Kaya Nitong Makabasa ng Kapalaran; Ikagugulat Niya ang Aaminin sa Kaniya Nito

“Tin, bakit naman nakasimangot ka riyan kay aga-aga! Sige ka, nakakapangit iyan,” sambit ni Mang Boyet sa kaniyang dalagang pamangkin.

“Wala po, tsong, kasi umatras na sa panliligaw si Mark. ‘Yung dumalaw rito noong isang linggo. Akala ko kasi siya na talaga ‘yung itinakda para sa akin. Sasagutin ko na sana kaso ayun… nainip. E alangan namang habulin ko pa, ‘di ba?” tugon naman ni Tin sa kaniyang tiyuhin.

“Alam mo, Tin, hindi minamadali ang mga ganiyang bagay. Bata ka pa naman. Trenta ka lang. Ano ngayon kung ang mga kasabayan mo ay may mga asawa at anak na? Hindi naman karera ang buhay. Kaya hintay ka lang at darating din ‘yan,” saad pa ng tiyuhin.

“Minsan lang kasi, tiyo, parang nalulungkot ako. Napapaisip ako kung karapat-dapat ba akong mahalin. Kasi ‘yung mga gusto ko hindi naman nagtatagal talaga. Baka nga tama ang hula sa akin noon ng lola, tatanda akong dalaga,” pahayag muli ng dalaga.

“Ikaw talaga kung anu-ano ang sinasabi mo. Sige nga, tingnan ko ulit ang palad mo. Hindi mo kasi naitatanong ay sa akin naipamana ng lola mo ang kakayanan niyang manghula,” saad pa ni Mang Boyet.

“Totoo ba ‘yan, Tiyo Boyet? Baka niloloko niyo lang ako, a!” wika muli ni Tin.

“Basta akin na ang palad mo at babasahin ko!” sambit pa ng tiyuhin.

Inilahad ni Tin ang kaniyang palad sa tiyuhin.

“Nakikita ko rito na makakapag-asawa ka balang araw at magkakaroon ng mga anak,” saad ni Mang Boyet.

Nanlaki ang mata ni Tin at napangiti.

“Ano pa po ang nakikita niyo, tiyo?” dagdag pa ng dalaga.

“Nakikita ko rin na kailangan mo nang hugasan ang mga plato sa lababo dahil kanina pa nakatambak doon at baka ipisin!” natatawang biro pa ng ginoo.

“Kayo naman, Tiyo Boyet, puro kayo kalokohan. Akala ko ay totoong naipasa sa iyo ng lola ang kakayahan niya. Maiwan ko na nga kayo riyan at makapaghugas na!” sambit ni Tin.

Bata pa lamang si Tin nang maulila siya sa kaniyang mga magulang. Simula noon ay napunta na siya sa pangangalaga ng bunsong kapatid ng kaniyang ama na si Mang Boyet. Dahil binata ay mag-isang itinaguyod din ng ginoo ang kaniyang pamangkin at tinuring itong tunay niyang anak.

Habang nagdadalaga ay nahahalata ni Boyet ang pagnanais sa kaniyang pamangkin na magkaroon ng kasintahan. Alam niya na habang nagkakaedad ito ay hindi na niya ito maiiwasan. Nariyan lamang siya upang gabayan ang pamangkin sa pagpili nito ng tamang taong mamahalin.

Isang gabi ay may naghatid kay Tin pauwi ng kaniyang bahay. Ipinakilala ito ng dalaga sa kaniyang tiyuhin bilang manliligaw. Nang makaalis ang lalaki ay doon na kinausap ni Boyet ang pamangkin.

“Hindi kayo magtatagal ng lalaking iyan, Tin. At ang magiging rason ay ibang babae,” saad ni Boyet sa pamangkin.

“Ano na naman iyan? Sasabihin niyo na naman pangitain, hula? Napasa na naman sa inyo ang kakayahan ng lola. Naku, tsong, hindi na po ako naniniwala sa iyo,” saad pa ng pamangkin.

“Ikaw ang bahala. Pero huwag mong sabihing hindi kita binalaan,” wika pa ni Biyet.

Ilang linggo ang nakalipas at nalaman nga ni Tin na may ibang nililigawan na rin ang binatang tinutukoy ng kaniyang tiyo.

“Ang galing mo, tsong! Naniniwala na ako sa iyo! Naniniwala na ako na ikaw nga ang naging tagapagmana ng kakayahan ng lola. Bakit hindi ka magtayo ng pwesto sa Quiapo? Tiyak ko ay kikita ka!” pabirong sambit ng dalaga.

Simula noon ay sa tuwing may manliligaw o nagugustuhan itong si Tin ay pinapakita niya sa kaniyang tiyo.

“Ano ang tingin niyo kay Greg, Tiyo Boyet? Sa tingin ko talaga ay siya na ang para sa akin! Matalino, mabait, mayaman, gwapo! Lahat na ng gusto ko ay nasa kaniya,” sambit ng dalaga.

“Oo, kaso hindi pa rin kayo magtatagal. Dahil na naman sa ibang babae kaso sa pagkakataong ito ay ikaw ang ibang babae. Kaya pag-isipan mo kung itutuloy mo ang pakikipagrelasyon mo sa kaniya,” babala ni Boyet sa pamangkin.

Makalipas ang ilang araw ay napatunayan na naman ni Tin na tama ang sinasabi ng kaniyang tiyuhin. Lubos ang pagkadismaya niya nang malamang si Greg ay mayroon na pala talagang kasintahan.

“Naniniwala pa rin ba kayo, tiyo, sa sabi ng palad ko na magkakaasawa ako? Parang mas tama kasi ang lola,” malungkot na sambit ni Tin.

“Tulad ng sinabi ko sa iyo ay huwag mong madaliin kasi. Darating din ang inilaan para sa iyo. Maghintay ka lang. Ang gawin mo ay ituon mo ang pansin mo sa iyong sarili,” tugon ni Mang Boyet.

Sa loob ng isang taon ay inayos ni Tin ang kaniyang sarili. Itinuon niya ang isipan sa mga bagay na makapagpapaunlad sa kaniya. Doon ay unti-unti niyang nakita ang malaking pagbabago sa sarili. Napromote din siya sa trabaho.

At makalipas pa ang ilang buwan ay nakilala na niya si Maynard, isang kliyente. Madali silang nagkapagpalagayan ng loob. Ngunit sa pagkakataong ito ay mas maingat na ang dalaga sa paglalaanan niya ng kaniyang oras at emosyon.

Nang ipakilala ni Tin sa kaniyang tiyuhin si Maynard ay doon lamang niya nakita ang kaniyang Tiyo Boyet na may matamis na ngiti sa kaniyang mga labi.

“Sa tingin mo talaga, tiyo, siya na ang para sa akin?” tanong ni Tin.

“Sa tingin ko ay magtatagal kayo niyan at siya na ang mapapangasawa mo,” wika pa ni Boyet.

Lumipas ang ilang taon at naging maayos ang relasyon nila Tin at Maynard hanggang sa nagdesisyon ang dalawa na magpakasal. Paniwalang-paniwala ni Tin sa espesyal na kakayahan ng kaniyang tiyuhin.

“Alam mo, tsong, mas magaling ka pa pala kay lola. Kasi nahulaan mo na ikakasal ako at hindi magiging matandang dalaga. Paano mo po ba iyon nabasa sa palad ko? Ituro mo naman!” giit ni Tin sa tiyuhin.

“Alam mo sa totoo lang ay hindi naman talaga ako marunong bumasa ng palad, Tin,” pag-amin ng tiyuhin.

“E, kung gayon ay paano niyo nahulaan na hindi kami magkakatuluyan ng ibang pinakilala ko sa inyo? ‘Yung si Greg, paano niyo nalaman na may iba siya? At ang iba pang lalaking ipinakilala ko sa inyo. Itong si Maynard, paano niyo nalaman na makakatuluyan ko siya?” naguguluhan na si Tin dahil sa mga sinabi ni Mang Boyet.

“‘Yung mga lalaking pinakilala mo sa akin noon, ‘yung iba ay binatay ko lang sa mga pagtrato nila sa’yo. ‘Yung iba naman ay sinundan ko talaga para makita ko kung tapat sila,” pag-amin ng tiyuhin.

“Itong si Maynard? Nakita ko sa mga mata niyo ang pagmamahalan. Nakita ko sa iyo ang mga ngiti na kailanman ay hindi ko nakita nang kasama mo ang ibang mga nanligaw sa iyo. Kaya ang makilala ko nang lubusan si Maynard, ramdam kong siya na ang para sa iyo,” saad pa ng tiyo ng dalaga.

Napayakap na lamang si Tin sa kaniyang tiyuhin. Sa buong pagkakataon na iyon ay naniwala talaga siyang marunong bumasa ng kapalaran ang tiyo niya. Hindi niya lubos akalain ang lahat ng ginawa ng Tiyo Boyet niya upang maiiwas siya sa maling tao.

Labis ang pasasalamat ng dalaga sa kaniyang tiyuhin.

Napatunayan niya na tama ang sinasabi ng kaniyang tiyo na mayroong tamang tao na nakalaan para sa iyo. At magtatagpo ang inyong mga landas sa tamang lugar at pagkakataon. Basta maghintay ka lamang.

Advertisement