
Pampaswerte raw sa Pag-Ibig ang Palawit na Ibinigay ng Kaibigan; Nagulat Siya nang Maging Dahilan Ito sa Pagtagpo sa Tunay Niyang Pag-Ibig
“Sis, ano ba ang ginagawa natin dito sa Binondo? Akala ko ba ay may pupuntahan tayong importante?” tanong ng dalagang si Carla sa kaniyang binabaeng matalik na kaibigan na si Joey.
“Kaya nga tayo nandito kasi importante itong pakay natin. May nakapagsabi kasi sa akin na may mga nabibili raw ditong pampaswerte. Bibilhan kita nang sa gayon ay tuluyan ka nang pakasalan niyang si Rocco!” tugon naman ng kaibigan.
“Ikaw talaga! Puro ka talaga kalokohan, sis. Ano ba ang problema mo sa amin ng dyowa ko?” sambit muli ng dalaga.
“Sis, bukod sa akin ay ikaw na lang ang hindi pa nagpapakasal. Lalo pa kung pagtatantuin mo na labing dalawang taon na kayong magkasintahan. Naunahan ka pa ng kapatid mo! Kaya kailangan na talaga nating daanin sa ganito ang lahat. Para tanungin ka na ni Rocco na magpakasal sa kaniya,” sambit pa ni Joey.
Napapailing na lang ang dalaga sa lahat ng sinasabi ng kaniyang kaibigan. Pero kahit na natatawa may ay may kaunting kurot pa rin ito sa kaniyang puso dahil sa tagal nga ng kanilang pagiging magkiasintahan ay hindi pa rin nila nagagawang pag-usapan ang paglagay sa tahimik.
“Sis, alam mo namang marami pang plano si Rocco. Kakaalis lang niya papuntang Australia at alam mo naman kung gaano kahirap ang mag-adjust sa ibang bansa. Hayaan muna natin siya at isa pa, malay mo tanungin na talaga niya ako ngayong susunod na anibersaryo namin,” pahayag ni Carla habang nagtitingin na sila ng mga pampaswerte ng kaibigan.
“Ay tumpak ka diyan, sis! May naisip akong magandang ideya! Paano kung ikaw na lang ang pumunta sa Australia at ikaw na ang magpropose? O ‘di ba, ang galing nun! Kayo pa lang ang nakakagawa nun kung sakali! Nakakakilig, iniisip ko pa lang!” saad pa ni Joey.
Matagal pinag-isipan ni Carla ang lahat. At nang maging desidido siya ay inayos niya ang lahat ng kaniyang papeles papuntang Australia upang supresahin ang kaniyang nobyo. Dala rin niya ang singsing na isusuot sa kaniya ni Rocco sakaling pumayag ito.
Inihatid ni Joey ang kaibigang si Carla sa paliparan.
“Umayos ka nga riyan, Joey. Ikaw pa ang kilig na kilig kaysa sa akin!” naiinis ngunit natatawang sambit ni Carla.
“Hindi kasi ako makapaniwala na sa wakas ay magpapakasal ka na. Aalis kang walang singsing sa kamay at uuwi kang engaged na!” kilikilig na tugon naman ni Joey.
“O siya, magcheck-in na ako, sis. Baka maiwan pa ako ng eroplano!” wika ng dalaga.
“Sandali lang, sis. Ito, ilagay mo ang palawit na ito sa maleta mo bilang pampaswerte. Ang sabi ng tindera sa Binondo, iyan daw ang pampaswerte sa pag-ibig!” dagdag pa ng kaibigan habang isinasabit ang palawit sa bag ng dalaga.
Tuluyan nang umalis patungong Australia si Carla.
Pagkalapag ng eroplano ay hindi niya akalain ang kaya niyang gawin para sa pag-ibig. Nakatapak na talaga siya sa ibang bansa at doon niya napagtanto ang kaniyang balak gawin. Napuno siya ng pangamba at lumakas ang kabog ng kaniyang dibdib.
Kinuha na niya ang kanyang maleta at agad na sumakay ng taxi upang hanapin ang tinutuluyan ni Rocco. Nang makarating ay napabuntong hininga na lamang siya. Mas nasasabik kasi siyang supresahin ang kaniyang kasintahan at tuluyan na itong makasama.
Ngunit siya pala ang susurpresa nang isang babae ang nagbukas ng tinutuluyang apartment ni Rocco. Doon niya nalaman na kaya pala tila malamig na rin ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang kasintahan ay mayroon na itong kinakasamang dayuhan.
“Ano ang ginagawa mo rito? Umalis ka na kaagad dahil ayokong masira ang relasyon namin ni Lindsey,” galit ngunit pabulong na sambit ni Rocco sa dalaga.
“Nagpunta ako rito dahil ang akala ko ay matutuwa ka. Sana matagal mo nang sinabi sa’kin na ayaw mo na,” umiiyak na wika ni Carla.
“Alam mo, isa iyan sa mga rason kung bakit kita pinalitan. Ang hina mong makasagap ng mga senyales. Nang makarating ako dito ay napagtanto kong nasanay na lang pala ako na kasama ka. Pero mas marami pa pa lang naghihintay na mas magagandang bagay para sa akin. At kinalulungkot ko na hindi ka kasama dun, Carla. Kaya umalis ka na!” pantataboy ng binata.
Halos pagsakluban ng langit at lupa ang dalaga. Hindi niya ngayon alam kung saan siya manunuluyan. Dali-dali siyang naghanap ng hotel upang may matuluyan ng ilang araw bago siya umuwi.
“Ang akala ko, sis, magiging masaya kami na magkasama dito. Tapos ay kukumbinsihin niya ako na huwag nang umuwi at samahan na lang siya. Handa na akong iwan ang lahat diyan sa Pilipinas para sa kaniya,” pagtangis ni Carla sa kaniyang kaibigan.“Pasensiya ka na, sis. Kung hindi naman kita sinulsulan ay hindi iyan mangyayari sa’yo. Kasalanan ko ito,” saad naman ni Joey.
“Wala kang kasalanan. Desisyon ko rin naman ito, sis,” patuloy sa pag-iyak ang dalaga.
“So, hindi pala totoo ang mga pampaswerte, ano?” saad muli ni Joey.
“Anong pampaswerte?” pagtataka ni Carla.
“‘Yung palawit na sinabit ko sa maleta mo!” sambit ng kaibigan.
Tinignan ni Carla ang kaniyang maleta at nalumbay siya nang makitang wala ito. Ngunit nang tingnan pa niyang maigi ay doon niya napagtanto na hindi kaniya ang bagaheng bitbit niya! Maaaring sa lalim ng kaniyang iniisip noon ay maling bagahe ang kaniyang nakuha.
Agad niyang tinawagan ang numerong nakasaad sa maleta. Doon ay nakumpirma nga niya ang kaniyang hinala.
Kinabukasan ay nagkita sila ng nakapalitan niya ng maleta na si Oliver, isang binata na taga-Australia at nagbakasyon sa Pilipinas. Nakasabay rin ito ni Carla sa eroplano.
Nang magkita ang dalawa ay lubusang nabighani si Oliver kay Carla. Hindi nagtagal ay naging sanhi pa tuloy ito ng hindi inaasahang pagkakaibigan ng dalawa.
Ang nais sana ni Carla nang masaktan siya kay Rocco ay paiksiin na ang bakasyon sa Australia ngunit tinulungan siya ni Oliver na makabangon mula sa kalungkutang ito.
Hindi naglaon, ang maikling pananatili ni Carla sa Australia ay nagbunga pa ng isang pag-ibig na hindi inaakala.
Dahil lubusang nabighani talaga si Oliver kay Carla at lalo pa niyang inibig ang dalaga nang malaman niya ang tunay na ugali nito, at hindi na ito nagpatumptik-tumpik pa at agad niya itong niligawan.
Dahil nga laging nariyan ang binata sa tabi ni Carla ay hindi na rin niya maiwasan pang mahulog kay Oliver. Labis ang galak sa puso ng dalawa na makatagpo ng hindi inaasahang pag-ibig sa katauhan ng isa’t isa.
Naging mabilis ang lahat sapagkat makalipas ang ilang buwan lamang ay tuluyan ng nag-propose ng kasal itong si Oliver sa dalaga. Tinanggap ito ng walang halong pag-aalinlangan ni Carla.
Imbis na si Joey ang susundo sa paliparan kay Carla ay ang dalaga pa ang gumawa nito sa kaibigan dahil inilipad niya ito patungong Australia upang makadalo sa kasal nila ni Oliver.
Nang araw ng kasal nila Oliver at Carla ay nagulat na lamang siya ng makita si Rocco sa pagdiriwang. Doon nila nalaman na ang dating kasintahan pala ng dalaga ay isa sa mga tauhan ni Oliver sa kaniyang kumpanya.
Napatawa na lamang ang magkaibigan. Talaga nga namang mapagbiro ang tadhana.
Sa wakas ay naikasal na rin si Carla sa isang lalaking iibig sa kaniya nang tapat. Hindi niya akalain na ang isang kasawian niya ay mapapalitan ng walang hanggang kaligayahan.