Inday TrendingInday Trending
Inakala ng Amang Pedicab Driver na Ikinahihiya Siya ng mga Anak; May Sorpresa Pala ang mga Ito sa Kaniya

Inakala ng Amang Pedicab Driver na Ikinahihiya Siya ng mga Anak; May Sorpresa Pala ang mga Ito sa Kaniya

“Congratulations, Ate Imee. Sa wakas, makaka-graduate ka na!” masayang bati ng kapatid na si Darlene.

“Natupad na rin ang pangarap mong makapagtapos sa high school,” tuwang-tuwa namang sabi ng inang si Aling Meling.

“Di lang ‘yon, inay. Sasabitan pa siya ng medalya dahil siya ang valedictorian,” wika pa ng kapatid na si Maica.

“Talaga ba, anak? Ikaw ang Valedictorian?”

“Opo, inay. Masayang-masaya po ako dahil nagbunga na ang aking pagtitiyaga at pagsisikap. Wala na po kayong poproblemahin sa pag-aaral ko sa kolehiyo dahil ako po ang Valedictorian sa school namin, ako po ang nakatanggap ng scholarship sa anumang gusto kong pasukang unibersidad,” hayag ni Imee.

“Diyos ko, salamat po!” tanging nasambit ng ina na ‘di pa rin makapaniwala sa sinabi ng anak.

Matalino at masipag na estudyante si Imee. Mula sa elementarya hanggang high school ay palaging siya ang nangunguna sa klase kaya hindi nakapagtatakang siya ang naging Valedictorian sa pinapasukang eskwelahan. Ngayong may scholarship na siya at walang babayarang matrikula sa kolehiyo ay malaking tulong sa kaniyang mga magulang na sina Aling Meling at Mang Ador. Ang ina ay nagtatrabaho bilang sekretarya sa ahensiya ng gobyerno at si Mang Ador naman ay isang pedicab driver.

Nang malaman ni Mang Ador ang tungkol sa panganay anak ay halos magtatalon siya sa tuwa.

“Napakagaling naman ng anak ko. Napakasuwerte namin ng nanay niyo at nagkaroon kami ng matatalinong anak.”

Ngumiti lang si Imee sa sinabi ng ama.

“Kailan ba ang graduation mo at pupunta kami ng nanay mo?” tanong ni Mang Ador.

Nagtinginan muna ang magkakapatid at tila nag-uusap sa isip ang tatlong niyang anak na babae.

“A, eh, itay, si inay lang po ang makakaupo sa mga nakareserbang upuan para sa mga magulang na pupunta. Isa lang po kasi ang maaaring um-attend,” wika ni Imee.

“T-teka, bakit ganoon? Ayos lang naman sa akin kahit nakatayo na lang ako at ‘di ako makaupo, basta makita kitang umaakyat sa entablado at tumatanggap ng diploma,” tugon niya.

“A-at saka itay, d-dadalhin niyo po ba ang pedicab niyo sa school?” tanong pa ng dalagita.

Nagkatinginan na naman ang dalawang kapatid habang nagsasalita si Imee.

Nakaramdam naman ng kakaiba si Mang Ador sa tanong ng anak.

“B-bakit, anak, ayaw mo bang dalhin ko sa school mo ang pedicab ko?”

Hindi na sumagot ang dalagita at nagpaalam nang papasok sa kwarto nito para matulog habang nagsunuran din ang dalawang kapatid.

Nang maiwan ang mag-asawa sa sala ay nagtanong si Mang Ador kay Aling Meling.

“Ikinahihiya ba ako ng mga anak natin?”

“B-bakit mo naman nasabi ‘yan?” gulat na tanong ng asawa.

“Para kasing ayaw ni Imee na pumunta ako sa graduation niya. Totoo bang isang magulang lang ang puwedeng um-attend? Tinatanong din niya kung dadalhin ko raw ang pedicab ko,” sumbong niya.

“Oo, nasabi nga ‘yon ng anak mo. Isang magulang lang ang makakaupo, pero ang sinabi mong ikinahihiya ka ng mga anak mo, imposible naman yata ‘yon, Ador. Hindi nila magagawa ‘yon sa iyo,” tugon ng asawa.

“Basta, pupunta pa rin ako sa graduation ng anak mo. Hindi maaaring hindi ko masaksihan ang pagtatapos niya sa high school.”

Sumapit ang araw ng graduation ni Imee. Paggising ni Mang Ador ay napansin niyang wala na sa bahay ang asawa at panganay niyang anak na si Imee. Umalis na ang mga ito na hindi man lamang siya ginising. Mas lalo siyang nakaramdam ng pagtatampo sa ginawa ng mag-ina.

“Ayaw talaga nila akong kasama,” sambit niya sa isip.

Maya-maya ay nakita niya ang dalawa niyang anak na sina Darlene at Maica at bihis na bihis ang mga ito.

“Itay, magbihis na rin po kayo. Pupunta tayo sa graduation ni ate,” sabi ni Darlene.

“Bilisan mo, itay, baka mahuli tayo. Nauna na po roon sina nanay at Ate Imee,” sabad naman ni Maica.

Kahit nagtataka ay nagmamadaling maligo at nagbihis si Mang Ador. Ang pinakamaayos na damit ang isinuot niya.

“Tara na mga anak. Sumakay na lang tayo ng taxi para makaabot tayo,” wika niya.

“Hindi po, itay. ‘Yung pedicab niyo po ang gamitin natin. Mabilis naman po kayong magpaandar, ‘di po ba?” sagot ni Maica.

“Siya nga po, itay. Ang pedicab po ang gamitin natin papunta sa school ni ate,” saad ni Darlene.

Dahil nagmamadali na ay kinuha ni Mang Ador ang pedicab at sumakay silang mag-aama at nagtungo sa eskwelahan.

Pagdating nila roon ay tinatawag na ang mga mag-aaral na nagsisipagtapos. Hinanap nila ang upuan kung saan nakaupo si Aling Meling. Nang makita nilang nakapuwesto na ang asawa sa may unahang bahagi ay nagmamadali nila itong pinuntahan. Nakita niyang tatlo pang bakanteng upuan ang nasa tabi ng kaniyang asawa.

“O, mabuti naman at nakahabol kayo. Mayroon pa palang mga bakanteng upuan dito, eh kaya mga anak maupo na kayo sa tabi ko. Ikaw, Ador, mamaya ka na umupo ha, diyan ka na lang muna,” sabi ni Aling Meling.

Nagulat ang lalaki sa inasal ng asawa. Nang bigla na lamang niyang narinig na tinawag na ang pangalan ng anak niyang si Imee. Sasabitan na ito ng medalya ngunit nagsalita ang dalagita sa entablado.

“Nais ko po sanang tawagin ang aking pinakamamahal na ama na si Mr. Ador Salonga na kung maaari ay pumunta po dito sa entablado. Siya po ang gusto kong magsabit sa akin ng medalya.”

Ikinagulat ni Mang Ador ang sinabi ng anak. Nagngingisihan naman sa upuan ang mag-iina niya.

“Pumanhik ka na, Ador. ‘Yan ang ini-request ni Imee, na ikaw ang gusto niyang magsabit ng medalya sa kaniya,” wika ni Aling Meling sa asawa.

Habang naglalakad papunta sa entablado ay hindi napigilan ng lalaki na maluha at nang makaakyat ay iniabot sa kaniya ng Punong Guro ang medalyang isasabit niya sa anak.

“Itay, ‘yan po ang sorpresa ko inyo. Gusto kong kayo ang magsabit niyan sa akin,” mahinang sabi ni Imee.

Dahan-dahang isinabit ni Mang Ador ang gintong medalya sa leeg ng anak. ‘Di niya naiwasang yakapin ito nang mahigpit sa sobrang tuwa.

“Hindi ko ito inasahan, anak. Ang akala ko’y ikinahihiya ninyo ako kaya ayaw ninyo akong sumama rito, ‘yun pala ay…”

“Ssh, hindi po ‘yan totoo, itay. Kahit kailan ay hindi namin kayo ikinahiya,” bulong ng anak.

Pagkatapos magsabit ng medalya kay Imee ay bumaba na sa entablado si Mang Ador at umupo sa tabi ng asawa ang dalawa pang anak. Nagsimula na ring magsalita si Imee bilang siya ang Valedictorian sa kanilang batch.

“Iniaalay ko po ang karangalang ito sa aking pamilya. Sa aking butihing inang si Mrs. Melinda Salonga, sa aking dalawang kapatid na sina Darlene at Maica, at sa aking masipag na ama na siyang pinili kong magsabit sa akin ng medalya dahil gusto kong iparamdam sa kaniya ang katas ng kaniyang paghihirap bilang isang pedicab driver. Opo, isang pedicab driver ang aking ama at isa namang kawani ng gobyerno ang aking ina. Ipinagmamalaki ko po ang kanilang trabaho dahil kung ‘di dahil sa kanilang pagsisikap ay ‘di ko mararating ang naabot ko ngayon. Lalong-lalo na po ang trabaho ng aking ama dahil ang trabaho niya ang nagtaguyod sa amin kahit pa noong wala pang trabaho ang aking ina ay ang aking ama ang bumuhay sa amin. Pinagkasya niya ang kinikita niya sa pagpe-pedicab sa pangangailangan ng aming pamilya at sa aming pag-aaral na magkakapatid. Kaya itay, huwag na huwag po niyong ikahihiya ang inyong pagiging pedicab driver dahil isa po itong marangal na trabaho na habang buhay naming ipagmamalaki,” hayag ni Imee.

Agad na nagpalakpakan ang mga guro at mga estudyanteng naroon. Hindi naman napigilan nina Mang Ador at Aling Meling na maiyak sa sinabi ng kanilang anak.

“Iyan ang sorpresa ng mga anak mo sa iyo, Ador. Plinano nila ang mahuli kang pumunta rito. Nagpaalam sa akin ang anak mo na gusto niyang ikaw mismo ang magsabit sa kaniya ng medalya,” sabi ng asawa.

“Akala mo, itay, nakalimutan ka na ni ate ‘no? Sinabihan niya kami na isorpresa ka hanggang sa pagdating natin dito,” natatawang sambit ni Maica.

“Proud na proud po sa inyo si Ate Imee, pati rin kami ni Maica, itay,” sabad naman ni Darlene.

Walang pagsidlan ang saya ni Mang Ador sa ginawa ni Imee. Ang akala niya ay ikinahihiya ng mga anak ang trabaho niya. ‘Yun pala ay sobrang ipinagmamalaki siya ng mga ito.

Pagkatapos ng seremonya ay muli niyang niyakap nang mahigpit si Imee.

“Salamat, anak!”

“I love you, itay,” bulong nito.

“Tara na at ise-celebrate pa natin ang tagumpay ng anak mo,” wika naman ni Aling Meling.

“Sige po, pero sa pedicab po ni itay tayo sumakay, inay. Kasya naman po tayong tatlo, ‘di ba?” tugon ni Imee.

Napangiti na lamang si Mang Ador sa sinabi ng dalagita.

Ang tunay na tagumpay ng mga anak ay ang tagumpay ng mga magulang na pagpapalaki ng tama sa mga ito.

Advertisement