Inday TrendingInday Trending
Nanghingi ng Pambili ng Pagkain ang Matandang Pilay sa Lalaki Para May Makain ang Apo; Ikinagulat Niya ang Ginawa Nito Kalaunan

Nanghingi ng Pambili ng Pagkain ang Matandang Pilay sa Lalaki Para May Makain ang Apo; Ikinagulat Niya ang Ginawa Nito Kalaunan

“Kanina pa ako naghihintay rito, pero wala pa rin akong nakikitang jeep papuntang Fairview,” inis na wika ni Melton sa isip.

Alas siyete pa siya nang umaga naghihintay ng masasakyan ngunit wala pa rin siyang namamataan. Sumasakit na nga ang mga binti niya sa pagtayo sa waiting shed.

Maya-maya ay napansin niya ang isang matandang lalaking pilay na inaakay ng kasamang batang lalaki. Lumang-luma na ang gamit nitong saklay at tila malabo na rin ang mga mata ng matanda. Sa tantiya naman ni Melton ay nasa edad anim hanggang pitong taon ang batang kasama nito.

“Kawawa naman si lolo at ‘yung bata,” sambit niya sa sarili.

‘Di niya namalayan na bigla na lang itong lumapit sa kaniya.

“Hijo, hijo, pahingi naman ng barya pambili lang ng pagkain nitong apo ko. Hindi pa kasi kami kumakain. ‘Di bale nang magutom ako, huwag lang ang apo ko kaya sana ay maaari akong makahingi sa iyo kahit kaunting barya lang,” mahinang sabi ng matanda.

Dahil nakaramdam ng awa ay dumukot siya sa kaniyang bulsa ng singkwenta pesos at iniabot rito.

“O, heto po ang pera, lolo. Bumili po kayo ng makakain niyo. Pasensiya na po at ‘yan lang ang nakayanan ko. Naka-budget na po kasi ang pera ko. Hindi pa po kasi ako sumusuweldo, eh,” tugon niya.

Nakangiti namang tinanggap ng matanda ang ibinigay niyang pera.

“Maraming salamat, hijo. Sobra-sobra nga itong perang ibinigay mo sa akin. Kawaan ka ng Panginoon sa iyong kabaitan,” wika ng matandang lalaki. “O, apo, may pambili na tayo ng pagkain. Ano’ng gusto mong kainin?” tanong nito sa batang kasama.

“Gusto ko po ‘yon, lolo!” sagot ng apo sabay turo sa babaeng nagtitinda ng banana cue.

“Iyon ba ang gusto mo, apo? Sige, sige ‘yon ang bibilhin ni lolo.”

Kahit nahihirapang maglakad ay iniupo nito ang apo sa gilid ng waiting shed.

“O, dito ka lang, ha at bibili lang ako ng pagkain natin.”

Tumango naman ang bata habang subo-subo ang kanang hinalalaki sa bibig.

‘Di pa rin maalis ang tingin ni Melton sa maglolo habang naghihintay pa rin ng masasakyan.

Lumapit ang matanda sa babaeng nagtitinda ng banana cue.

“Ineng, pagbilhan mo nga ako ng dalawang banana cue,” sabi ng matanda.

Kumuha ng dalawang stick ng banana cue ang ale at inilagay sa supot saka iniabot sa matanda.

“Heto na po ang banana cue, tatang,” sambit ng babae na may katabaan ang pangangatawan.

“Salamat, ineng. Magkano ba ito?”

“Dose pesos po ang isa. Beinte kuwatro po ang dalawang stick,” tugon ng ale.

Iniabot ng matanda ang singkwenta pesos na ibinigay sa kaniya ni Melton.

Dumukot naman ng mga baryang panukli sa palda niya ang babae.

“Sukli niyo po, tatang. Beinte sais po ‘yan.”

Kahit malabo na ang mga mata ay sinipat-sipat pa nito ang mga baryang isinukli ng ale. Dahan-dahan itong lumapit sa hindi pa rin nakakasakay na si Melton.

“Hijo, hijo, salamat uli sa ibinigay mong pera kanina. Narito ang sukli. Beinte kuwatro pesos lang ang halaga ng binili kong banana cue, may sukli ka pang beinte sais pesos,” sabi ng matanda.

Nagulat si Melton sa sinabi ng matandang lalaki. ‘Di niya inasahan na ibabalik pa nito ang sukli ng ibinigay niyang pera. Kung tutuusin ay nangangailangan ito ng pera. Puwede nitong hindi na ibalik ang sukli pero hindi nito ginawa. Napagtanto niya na sa kabila ng kapansanan ng matanda ay isa itong mabuting tao, tapat at hindi mapagsamantala.

“Lolo, bakit niyo pa po ibinalik sa akin ang sukli? Sa inyo na po’ yan. Baka may paggamitan pa po kayo ng pera,” sagot niya.

“Naku, hindi hijo. Sa iyo ‘yan. Humingi lang ako ng kaunting halaga at nang makita kong sobra, eh ibinalik ko lamang sa iyo. Sapat na sa akin na tinulungan mo ako. Muli ay nagpapasalamat ako, hijo, sa iyong kabutihan. Ang totoo ay nadukutan ako habang nakasakay kami ng aking apo sa bus kanina. Nang bumaba kami sa bus ay saka ko lang napansin na wala na pala ang maliit na bag ko sa aking tabi. Naroon pa naman ang pitaka ko, kaya walang-wala na kami. Naramdaman kong nagugutom na ang aking apo kaya gumawa ako ng paraan. Kinapalan ko na ang mukha ko at nanghingi ako sa iyo ng perang pambili ng pagkain,” hayag ng matanda.

Mas lalong naawa ang lalaki sa maglolo. Sinamahan niya ang mga ito sa pulisya para ireport ang nangyari. Tinulungan naman ng mga alagad ng batas ang maglolo at kinontak ang pamilya ng mga ito. Nakausap naman ang pamilya ng maglolo na nakilalang sina Lolo Dencio at ang apong si Pao Pao. Sinabi pa ng mga ito na susunduin ang dalawa. Napag-alaman na lumuwas pala ang maglolo sa Maynila para dalawin ang mga kamag-anak ngunit sa kasamaang palad ay nadukutan ang matanda at nakuha ang pera nito at mga dalang gamit. Nagbigay naman ng tulong na pera ang ilang pulis para sa matanda para kapalit nang nawala nitong pera.

Nagpalasamat ang maglolo kay Melton sa ginawa niyang pagtulong sa mga ito. Masaya naman ang lalaki dahil sa maliit na paraan ay nakatulong siya sa mga nangangailangan. Nakauwi nang maayos ang maglolo at sa wakas ay nakasakay na rin sa jeep si Melton papunta sa kaniyang trabaho.

Advertisement