Tinatapon ng Binata ang mga Pagkaing Inaabot ng Amang Sumakabilang Bahay, Nagtaka Siya nang Hindi na Ito Muling Magbigay
“O, bunso, saan galing ‘yang kinakain mo?” tanong ni Jomel sa kapatid nang madatnan niya itong kumakain sa likod bahay nila, “Te-teka, huwag mong sabihing…” ‘ika niya saka hinablot ang supot na pinagkakainan ng kapatid.
“Kuya naman! Wala na nga tayong makain, eh, bakit ba ayaw mo pa rin tanggapin ang mga pagkaing pinapadala ni tatay!” sambit ng kaniyang kapatid habang inaagaw-agaw ang supot na hawak niya.
“Ano? Para sabihin niyang isa siyang mabuting ama kahit na may iba siyang pamilya?” inis niyang tanong dito.
“Kuya, sigurado naman akong hindi ganoon ang dahilan ni tatay,” depensa nito saka naupo sa isang tabi.
“Paano ka nakakasigurado? Eh, hindi ba’t dati, sigurado rin tayong hindi niya tayo iiwan? O, nasaan siya ngayon? Baka nga mga manlilimos lang ang tingin sa atin ng walang kwentang lalaking ‘yon!” galit na galit niyang tugon saka siya lumabas ng kanilang bahay, “Hoy, Cardo manloloko, alam kong nasa paligid ka lang, itong pagkain mo, itatapon ko ulit sa basurahan! Gaya ng pag-abandona mo sa sarili mong pamilya!” sigaw niya saka padabog na itinapon ang supot ng pagkain saka ito dinuraan. Agad naman siyang inawat ng kaniyang kapatid saka siya pinapasok sa kanilang barung-barong.
Panganay sa dalawang magkakapatid ang binatang si Jomel. Mabuti naman talaga siyang anak noon pa man. Siya ang klase ng taong madaling pakiusapan at madaling makiramdam sa sitwasyon ng kanilang buhay. Sa katunayan nga, kapag alam niyang walang huli sa laot ang kaniyang ama, kahit pa siya’y nagugutom, tinitiis niya ito’t papasok ng paaralan ng walang laman ang kaniyang sikmura’t bulsa.
May mga araw pa ngang ang tinatabi niya ang pagkaing binibigay ng kaniyang mga kamag-aral upang may maibigay siya sa kaniyang bunsong kapatid kapag ito’y naramdaman ng gutom.
Dahil nga mag-iisang taon nang nakaratay sa higaan ang kaniyang ina, ginagawa niya ang lahat upang mapagsabay ang pag-aaral, pag-aalaga sa bunsong kapatid at pag-aasikaso sa inang wala nang magawa kundi ipikit ang mga mata.
Ni hindi siya nagalit sa amang laging walang huli sa laot bagkus, ginawa niya itong inspirasyon upang ibangon ang buo nilang pamilya sa kahirapan at pait ng buhay.
Ilang taon pa ang lumipas, nakapagtapos na nga siya ng hayskul. Ang buong akala niya’y aalwan na ang kanilang buhay dahil nga maaari na siyang makapagtrabaho, ngunit ‘yon pa lang pala ang umpisa ng kanilang paghihirap.
Sa mismong araw kasi ng kaniyang pagtatapos, bukod sa sumakabilang buhay na ang kaniyang ina, nilayasan pa sila ng kanilang ama’t sumama sa babaeng nakilala nito sa palengke na labis niyang ikinagalit dahilan upang lahat ng ibigay ng kaniyang ama sa kanilang magkapatid, itinatapon niya sa basurahan.
Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang itapon ang pagkaing bigay ng ama, saglit siyang nagpakalma’t agad siyang nagbihis upang pumasok sa trabaho. Nakita na naman niya ang pagkaing tinapon niya dahilan upang sabihin niyang, “Aabangan kita bukas, nang maiganti ko man lang si mama kahit sa isang suntok lang.”
Kinabukasan, maaga siyang nagising upang hintayin ang pagdating ng ama. Ngunit naabutan na siya ng tanghalian, wala pa rin ang kaniyang ama.
“Aba, mukhang natakot sa anak ang dakilang manloloko, ha?” patawa-tawa niyang sambit, “Hihintayin ulit kita bukas,” dagdag niya pa saka siya pumasok sa kanilang bahay.
Ngunit dumaan ang mga araw, wala nang nag-iwan ng pagkain sa kanila hanggang sa isang araw, nagtungo sa kanilang bahay ang babaeng kinakasama ngayon ng kanilang ama. May dala-dala itong mga pagkain at iniimbitahan silang magtungo sa ospital.
“Pakiusap, kayo na lang ang hinihintay ng tatay niyo, gusto na niyang magpahinga,” iyak nito dahilan upang mapilitan silang sumama rito.
Nadatnan niyang nakaratay na sa kama ang kanilang ama, maraming aparato ang nakakabit dito’t tila naghahabol na ng hininga. Agad itong napaluha nang makita silang dalawa. Pilit nitong tinaas ang kamay upang maabot silang dalawa.
Niyakap ito ng kaniyang bunsong kapatid saka nagsimulang humagulgol.
“Pa-patawarin niyo ang tatay, ha,” malumanay na sambit nito. Tumango-tango lang siya habang pinipigilan ang pag-iyak.
Ilang minuto lang ang lumipas, nawalan na ito ng malay. Nagsimula nang mataranta ang mga doktor habang humagulgol na ang mga kaanak nila. Napaupo na lang siya sa isang tabi habang sising-sisi sa lahat ng sama ng loob na tinanim niya para sa ama.
Nakita niyang lambot na lambot ang kaniyang bunsong kapatid habang nakatanaw sa walang buhay na katawan ng kanilang ama. Niyakap niya ito’t sabay silang humagulgol sa panghihinayang sa mga araw na nasayang dahil sa poot na kanilang naipon.