Inday TrendingInday Trending
Laging Nagtatangkang Tapusin ng Dalaga ang Sariling Buhay sa Tuwing Hihiwalayan ng Kasintahan, Natauhan Siya nang Mahuli Itong may Babae

Laging Nagtatangkang Tapusin ng Dalaga ang Sariling Buhay sa Tuwing Hihiwalayan ng Kasintahan, Natauhan Siya nang Mahuli Itong may Babae

“Ellie! Huwag mong gagawin ‘yan! Bumaba ka d’yan!” sigaw ni Jeric nang minsang maabutang nasa tuktok ng pinagtatrababuhan nilang gusali ang kasintahan, tila anumang oras, tatalon na ito dahilan upang labis siyang mataranta.

“Ayoko nang mabuhay, Jeric! Ayokong mabuhay nang wala ka sa piling ko! Ayokong mag-isa, ayoko, ayoko!” hikbi ni Ellie habang binabalanse ang katawan niya.

“O, sige na, hindi na ako makikipaghiwalay, parang-awa mo na bumaba ka na d’yan! Halika na dito, umuwi na tayo!” sambit ng kaniyang kasintahan.

“Ipangako mo sa aking hindi mo ako iiwan o susubukang iwan!” tugon niya rito, nakita niyang bumuntong hininga ang binata dahilan upang bahagya siyang lumiyad upang matakot ito.

“Pangako, Ellie, pangako! Bumaba ka na d’yan!” tarantang-tarantang sagot nito habang unti-unting lumalapit sa kaniya.

“Kapag tinangka mo na namang iwan ako, tatapusin ko na talaga ang buhay ko!” takot niya rito.

“Hindi, Ellie, hindi na, mahal kita, halika na, hawakan mo ang kamay ko,” sambit nito, dahan-dahan naman niyang kinuha ang kamay nito, agad siya nitong hinila pababa saka siya mahigpit na niyakap. Hindi niya inintindi ang mga taong nakatingin, tuwang-tuwa niyang niyakap ang kasintahan na para bang walang nangyari.

Sa edad na labing limang taong gulang, nakilala ng dalagang si Ellie ang binatang nagpatibok ng kaniyang puso. Sa murang edad, nangako silang dalawa na gagawin ang lahat upang magsama habambuhay.

Halos walang makapaghiwalay sa kanila, lagi silang magkasama sa lahat ng bagay. Mapapagpasok man sa eskwelahan, pagkain sa tanghalian hanggang sa pag-uwi, sabay nila itong ginagawa dahilan upang bansagan sila ng kanilang mga kamag-aral at kaibigan bilang “magjowang kambal-tuko” na talaga nga namang pinandigan nila hanggang sila’y makapagtapos ng kolehiyo.

Dahil nga hindi sila mapaghiwalay, kahit sa trabahong pinili pagkatapos mag-aral, magkasama pa rin sila. Naging maayos naman ang pagtatrabaho nila roon noong mga unang taon nila. Hindi nakaapekto sa kanilang trabaho ang kanilang relasyon, bagkus ito pa ang nagpapalakas sa kanilang dalawa kapag nakakaramdam na ng pagod.

Ngunit nang mag-isang taon na sila sa trabaho, tila nanlamig na ang kaniyang nobyo. Madalas, uminit ang ulo niya sa binata dahilan upang mag-away sila. Kung minsan pa nga, hinihiling na nitong makipaghiwalay sa kaniya dahil hindi na tama ang relasyon nila na talaga nga namang hindi niya sinasang-ayunan.

Palagi niyang sinasaktan ang sarili upang huwag siyang iwan nito. Kung hindi siya naglalaslas, umiinom siya ng lason dahilan upang labis na matakot ang binata at mapilitang hindi siya iwan.

Lagi niya iyong ginagawa sa loob ng limang taon sa tuwing nais makipaghiwalay ng binata. Ngunit tila desidido na talaga itong makipaghiwalay sa kaniya nitong mga nakaraang araw dahilan upang mapagpasiyahan niyang takutin itong tatalon siya sa gusali ng pinagtatrababuhan. Katulad ng dati, muli siyang nagtagumpay sa kaniyang plano.

Ngunit kahit pa ganoon, iba na ang kaniyang nararamdaman. Pakiwari niya, may iba nang kinakasama ang naturang binata dahil minsan na lang siya nito dalawin sa kaniyang bahay. Madalas, sinasabi nitong, “Pasensiya na, Ellie, marami pa akong trabahong nakatambak,” ngunit malalaman niya kinabukasan, maaga pala itong umalis sa trabaho.

Ang kaniyang mga hinala, unti-unti niyang napapatunayan dahilan upang matiyagan niya ang lahat ng ginagawa ng kaniyang nobyo. Kahit pa nauunang matapos ang trabaho niya, patago niya itong hinihintay sa labas ng gusali.

Ilang oras pa ang nakalipas, nakatanggap siya ng mensahe rito, “Hindi ako makakapunta, Ellie, overtime ulit ako,” saktong paglabas nito kasama ang isa nilang babaeng katrabaho dahilan upang sundan niya ang mga ito. Nakita niyang pumasok ang dalawa sa isang motel at doon na siya labis na nanlambot. Ngunit imbis na ngumalmal sa kalsada, sinundan niya ang dalawa hanggang sa inupahang kwarto at doon niya nahuling naghahalikan ang mga ito.

Agad na napabalikwas ang binata dahilan upang hablutin niya ang buhok ng babae’t bugbugin ito sa abot ng kaniyang makakakaya. Inawat siya ng kaniyang nobyo’t mas prinotektahan ang kanilang katrabaho.

“Ellie, tama na! Siguro naman ngayon, matatanggap mo nang ayoko na sa relasyon natin! Nakakapagod matakot na magpapatiwakal ka, nakakasakal ka magmahal!” sigaw nito saka agad na nilabas ang kasamang dalaga, naiwan siya doon habang ngumalngal sa labis na sakit na nararamdaman.

Hirap man niyang tanggapin ang lahat, nagising siya sa katotohanang hindi niya mapipilit ang pagmamahal, hindi niya kayang ikulong ang isang tao sa buhay at lalo’t higit, hindi niya kailangang isugal ang buhay para lang manatili ang isang tao sa piling niya.

Unti-unti niyang hinilom ang sugat sa kaniyang puso. Nagpakalayo-layo siya’t muling hinanap ang sarili. Hindi man madaling mamuhay mag-isa sa malayong lugar, pilit niya itong ginawa upang makalimot sa nakaraan.

Advertisement