Matapos Marining ang Hinaing ng Anak, Gumawa ng Kakaibang Solusyon ang Single Father na Ito Upang Pagtibayin ang Kanilang Relasyon
Si Fernando ay isang single father na naninirahan sa maingay at magulong syudad ng Maynila. Kasama niya ang kanyang pitong-taong gulang na anak. Ang asawa niya’y namatay sa panganganak kaya naman mag-isa niyang binuhay ang anak na si Ferdie. Dahil maagang naulila sa ina ang anak ay tinuruan niya na ito ng mga gawaing bahay o mga tamang-gawin kapag wala siya sa kanilang tahanan. Mula bata kasi ay nasanay itong may kasamang yaya pero simula nang mag-apat na taong gulang ito ay nag-leave siya sa trabaho upang turuan ang anak ng disiplina sa bahay. Gusto niyang maaga itong matuto sa realidad ng buhay. Ayaw niyang lumaki ito nang mahina ang loob at nakaasa sa iba. Kaya naman tuwing day off niya ay puro training ang ginagawa niya dito. Natutuwa naman siya at tila nagugustuhan rin iyon ng anak. Pero isang araw ay may sinabi itong ikinagulat niya, “Pa, ito nalang ba lagi ang gagawin natin?” Nalungkot siya sa sinabi nito. Nagkamali siya. Hindi naman siya mali na disiplinahin ito hangga’t maaga pero nagkamali siya dahil wala siyang oras na nilalaan para dito. Oras bilang mag-ama, ang bonding nila ang hinahanap ng bata. Simula noon ay nagbago siya. Bawat araw na umuuwi siya ay pinapatay niya lahat ng gadgets niya tulad ng cellphone, laptop at pati na rin ang tablet. Ito ay upang hindi siya maabala ng mga trabaho niya. Gusto niyang ang oras niya sa bahay ay para sa kanilang mag-ama lang. Bago lumisan ng trabaho ay nagsesearch rin siya sa internet ng mga jokes na pwede niyang sabihin sa anak niya pag-uwi. Naging routine na nila iyon araw-araw. Nagsilbi iyong quality time nilang mag-ama. Hindi niya na inuuwi ang anumang trabaho sa bahay, bagkus ay pilit niya iyong tinatapos sa kumpanya. Kung hindi man kayanin ng oras ay maaga siyang pumapasok upang matapos ito. “Pa, thank you,” minsang sabi ng kanyang pitong-taong gulang na anak. “Kasi kahit wala si mama, hindi mo po pinaparamdam sa akin na dapat tayong malungkot. Kahit korni minsa yung jokes mo Pa, sobrang thank you pa rin po kasi dahil po sayo kuntento na ako sa kung anong meron tayo ngayon. The best dad in the world ka, Pa!” Kahit simple ay naluha siya sa sinabi nito, nahihiya siyang ipakita sa anak ang pagluha niya. “Huwag kang mahiya sa akin Pa, lalaki din po ako. At sabi ng teacher ko, ang tunay na lalaki hindi nahihiyang umiyak,” natawa siya sa sinabi ng anak. Nagulat siya nang yakapin siya nito, “Thank you po Pa, kasi hindi niyo ako nakakalimutan kahit sobrang busy niyo po sa trabaho. I love you, Pa!” Tunay ngang nakakamangha ang kakaibang sakripisyo ng mga magulang sa kanilang mga anak. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.