Panay Tanggi ng Ama Tuwing Inaalok Ito na Maghapunan; Isang Gabi ay Nakita ng Panganay ang Tunay na Dahilan

Masayang-masaya ang tatlong magkakapatid na sina Nene, Tere, at Dodong nang maaninagan nila ang kanilang amang si Mang Domeng na papasok na ng kanilang tahanan. Mag-aalas otso na kasi ng gabi at hindi pa naghahapunan ang magkakapatid. Kaya naman nang makita nilang may dalang pansit ang ama ay agad nila itong sinalubong. 

“Tatay, bakit ngayon lang po kayo umuwi? Kanina pa po kami nagugutom!” saad ng bunsong si Dodong.

“Tumigil ka nga riyan, Dodong. Kumustahin mo muna si tatay. Halatang pagod siya mula sa construction site tapos ay ‘yang sikmura mo agad ang iniintindi mo,” saad naman ng panganay na si Nene.

“E, talagang nagugutom naman na ako, ate. Kanina pa tayo hindi kumakain,” sambit pa ng bunso.

“O siya, h’wag na kayong mag-away dalawa. Kunin n’yo na itong pansit at maghain na para makakain na kayo,” saad naman ni Mang Domeng.

“Hindi po ba kayo kakain, ‘tay? Tara na po at sabay-sabay na tayo!” paanyaya ni Nene.

“Hindi na, anak. Kumain na ako sa site. May nagbertdey na kasamahan ko kaya nagpakain. Nabusog nga ako. Kaya paghatian n’yo na ‘yang pansit. Tapos ay maglinis na kayo ng katawan at magsitulog na. Maaga pa kayo sa eskwela bukas,” pahayag naman ng ama.

Simula nang yumao ang asawa ni Mang Domeng ay mag-isa na niyang itinaguyod ang tatlong anak. Ngunit sa paglaki ng mga ito ay hindi na sumasapat ang arawang sweldo niya sa pagiging construction worker.

Advertisement

Masayang pinagmasdan ni Mang Domeng ang pagsasalo-salo ng kaniyang mga anak sa uwi niyang pansit. Ngunit ang mga ngiting ito ay may kalakip ding kurot sa kaniyang kalooban. Labis niyang mahal ang mga anak ngunit hindi niya alam kung mabibigyan niya ang mga ito ng magandang kinabukasan.

Habang nakatingin siya sa mga anak ay patuloy naman ang pag-aalok sa kaniya ni Nene na kumain. Lagi naman siyang tumatanggi at sinasabi niyang busog siya.

“Kung ayaw ni tatay ay sa akin na lang kasi gutom pa ako, ate!” sambit ni Dodong. 

“Para kay tatay ito. Halos maubos mo na nga ang pansit, e!” saad naman ni Nene.

“Sige na, Nene, ibigay mo na kay Dodong at gutom pa siya. Busog naman na talaga ako,” wika ng ama.

“Narinig mo ‘yun, ate, a! Saka nakakainggit nga si tatay kasi laging masarap ang pagkain niya. Hindi man lang niya tayo inuuwian! Ang daya mo, tatay!” sambit muli ni Dodong.

Pagkatapos kumain ng magkakapatid ay naglinis na sila ng kanilang katawan at saka natulog. Ngunit gising pa rin si Nene upang tulungan ang ama sa pagliligpit ng kanilang pinagkainan. 

“Ako na ang bahala dito, Nene. Matulog ka na at maaga ka pa sa eskwela bukas. Huwag kayong liliban ng eskwela dahil gusto ko ay busog ang isip ninyo sa kaalaman. Hindi porket mahirap tayo ay papayag na kayo na wala kayong pinag-aralan. Galingan ninyo sa pag-aaral, anak, dahil iyan ang mag-aahon sa inyo sa kahirapan. Gagawin ko ang lahat para makapagtapos kayong magkakapatid,” saad ni Domeng sa panganay.

Advertisement

Kinabukasan ay hinati ni Nene ang bigay sa kanilang baon ng kanilang ama. Pinagkasya rin niya ang singkwenta pesos para sa kanilang tanghalian. Sa hirap na dinadanas ng mag-anak ay hindi na naranasan ng magkakapatid ang makapagmeryenda. 

Kinagabihan ay nag-uwi muli si Domeng ng pagkain para sa kaniyang mga anak. Muli ay naghati-hati ang magkakapatid sa kanin at ulam na miswa.

“‘Tay, tara na po at sabayan n’yo naman kaming kumain. Marami pa naman pong kanin at ulam,” saad ni Nene sa ama.

“Busog pa ako, anak, kumain na ako kanina bago umalis sa site. Sige na at kumain na kayong magkakapatid. Paborito nitong si Tere at Dodong ang ulam kaya ubusin n’yo na,” saad pa ni Mang Domeng.

“Lahat naman ay paborito ni Dodong! Ang lakas-lakas niyang kumain!” sambit naman ni Tere.

Pagkatapos kumain ay nanatili muna si Nene upang muling tulungan ang ama sa pagliligpit. Dahil napapansin niyang hindi na sumasabay sa pagkain nila ang ama ay tinanong niya ito.

“‘Tay, parang nasasanay na po kayong hindi kami sinasabayan! Masarap pa naman pong kumain kasama kayo,” saad ni Nene sa ama.

“Kumakain na kasi ako sa site, anak, dahil siyempre gutom na rin ako dahil sa tindi ng trabaho. Saka talagang binibili ko ang pagkaing inuuwi ko para sa inyong magkakapatid. Para makakain kayo nang wasto,” paliwanag naman ng ama. 

Advertisement

“Siguraduhin n’yo po, ‘tay, na kumakain kayo. Nag-aalala po ako na baka magkasakit kayo. Kayo na lang po ang natira sa aming magkakapatid,” saad pa ni Nene.

“Huwag kang mag-alala at hindi ko pinapabayaan ang sarili ko, Nene. Ikaw talaga, napakamaalalahanin mo. Mana ka talaga sa nanay mo,” saad pa ng ama. 

Kahit na palaging sinasabi ni Mang Domeng na busog siya ay hindi kompyansa itong si Nene. Alam niyang may tinatago sa kanila ang ama.

Kaya naman isang gabi ay nagpanggap si Nene na natutulog na. Sa kalaliman ng gabi ay tiningnan niya nang palihim ang ama. Doon siya nabigla nang makita niyang tahimik ito at mag-isang nasa maliit nilang kusina. Nakita niyang pinapagpag nito ang kaning lamig na nilalanggam na. Nilagyan ni Mang Domeng ng toyo ang kanin at saka niya ito kinain. 

Hindi maiwasan ni Nene na mapaluha dahil ngayon ay alam na niya ang tunay na kalagayan ng ama. Tinitiis nito ang kaniyang gutom para lang may makain silang magkakapatid. Simula noon ay ipinangako ni Nene sa kaniyang sarili na pagbubutihin niya ang pag-aaral nang sa gayon ay maiahon niya ang kaniyang pamilya sa hirap.

Tuwing gabi bago ihain ni Nene sa kaniyang mga kapatid ang hapunan ay pinagtatabi na niya ng pagkain ang kaniyang ama. Nang sa gayon, sa hatinggabi ay may makakain itong disenteng pagkain.

Sa paglipas ng panahon ay naging inspirasyon para kay Nene ang sakripisyo ng kaniyang ama. Kaya hanggang maaari ay puro pag-aaral lamang ang kaniyang ginagawa. Lubos niyang ginalingan sa eskwela nang sa gayon ay makakuha siya ng iskolarsyip sa magandang unibersidad.

Habang nag-aaral ng kolehiyo ay nagtatrabaho na rin itong si Nene upang makatulong sa kaniyang ama.

Advertisement

Hanggang sa dumating ang panahon na nakapagtapos ito ng pag-aaral at nakakuha ng magandang trabaho.

Sa unang sweldo ni Nene ay bumili siya ng masasarap na pagkain upang pagsaluhan nilang mag-anak.

“May selebrasyon ba ngayon, anak? Bakit ang dami yatang nakahain?” tanong ni Mang Domeng sa panganay.

“Wala naman po, ‘tay. Gusto ko lang pong magpasalamat sa inyo sa lahat ng sakripisyo ninyo sa amin. Alam ko po na noong bata pa kami ay tinitiis n’yo lang ang gutom kaya hindi po kayo kumakain kasama namin. Kinakain ninyo sa gabi ang lahat ng natitira namin para malamnan lang ang sikmura ninyo. Bilang ganti ay pinapangako ko po na kahit kailan ay hindi na tayo magugutom pa. Ako naman, ‘tay! Ako naman po ang kikilos para sa pamilya natin,” naluluhang sambit ni Nene sa ama.

Isang matinding yakap ang isinukli ni Mang Domeng sa anak.

“Lahat ng iyon ay ginawa dahil sa lubos na pagmamahal ko sa inyo, mga anak. Handa akong tiisin muli ang gutom at pagod para lang mabigyan kayo ng magandang buhay,” saad naman ng ama.

Mula noon ay hindi na pinagtrabaho pa ni Nene ang kaniyang ama. Siya na ang naging bread winner sa kanilang pamilya. Dahil sa pagsisikap ay napagpatapos ni Nene ang kaniyang mga kapatid. Nakapagpagawa na rin siya ng bahay para sa kanilang mag-anak at higit pa roon ay nakakain na ng kanilang pamilya ang lahat ng pagkaing kanilang naisin.

Tunay ngang isusubo na lang ng mga magulang ay ipapakain pa sa kanilang mga anak. Mabuti na lamang at naging inspirasyon ito ni Nene para pagsumikapan niyang iahon ang pamilya sa kinasasadlakang kahirapan.