
Hindi Nakinig ang Binata sa Babala ng Kaibigan Tungkol sa Kasintahan; Masasaktan ang Kaniyang Kalooban sa Katotohanan
“Pare, totoo ba ang balita na nobya mo na talaga si Christine? Lahat dito sa opisina ay alam ang karakas niya! Halata namang gusto ka lang niya dahil sa posisyon mo at hindi dahil sa gusto ka talaga niya!” sambit ni Nick sa kaibigang manager na si Peter.
“Pare, hindi ko nagugustuhan ang timbre ng pananalita mo. Tandaan mo na kasintahan ko na ang tinutukoy mong babae. Kahit na mababaw ang tingin n’yo sa kaniya, ako naman ang nakakakilala talaga sa kaniya. May nakita ako kay Christine na wala sa ibang babae. Saka nararamdaman kong tunay niya akong mahal,” depensa naman ng ginoo.
“Ikaw ang bahala, pare, pero huwag mong sabihin sa aking hindi kita binalaan kapag niloko ka niyang si Christine. Ako naman ay nag-aalala lang sa iyo bilang kaibigan mo,” dagdag pa ni Nick.
Kalat na kasi sa opisina ang ugali nitong si Christine. Madalas kasi itong pabago-bago ng nobyo at ang lahat ay de-kotse at talagang magaganda ang posisyon sa trabaho. Kaya nag-aalala itong si Nick para sa kaniyang kaibigan nang mabalitaan niyang kumagat si Peter sa pang-aakit ng dalaga.
Hindi naiwasan ni Peter na kausapin si Christine tungkol sa balitang ito.
“Hayaan mo ‘yang si Nick. Sinisiraan lang ako niyang kaibigan mo sa iyo. Paano ba naman, nanligaw ‘yan sa akin noon. Pero hindi ko sinagot. Kaya siguro ay mapait ang mga sinasabi niya tungkol sa akin,” saad ni Christine sa nobyo.
“Hindi rin naman ako naniniwala sa kanila, love. Ramdam ko naman talaga na mahal mo ako. Saka hindi naman ako naakit talaga sa ganda mo kung hindi sa sobrang lambing mo at maalaga. Alam kong hindi lang tayo basta magkasintahan kung hindi magkatuwang na rin,” saad pa ng binata.
Lumipas ang mga araw at talagang hulog na hulog na itong si Peter kay Christine. Lahat ng gusto nito ay kaniyang ibinibigay. Madalas rin niya itong i-date at dalhin sa mamahaling restawran. Tuwang-tuwa naman ang dalaga dahil pakiramdam niya ay siya talaga ang prayoridad ng nobya.
“Pare, simula nang naging kasintahan mo si Christine ay hindi ka na sumasama sa amin ng barkada. Paano na ‘yung plano natin? Hindi na ba natin ‘yun itutuloy? Ikaw na lang ang hinihintay namin!” saad ni Nick kay Peter.
“Si Christine kasi, gusto niya’y palagi kaming magkasama. Hindi ko naman mahindian, kasi lagi akong bumabawi sa kaniya. Abala tayo masyado dito sa opisina at hindi ko na raw siya nabibigyan ng atensyon,” tugon naman ng kaibigan.
“Alam mo ang laki na talaga ng pinagbago mo simula nang mahumaling ka riyan kay Christine. Ingat ka pa rin sa kaniya, pare, huwag kang magpapalinlang sa magandang mukha niya,” saad pa ni Nick.
“Pare, dahil ba ‘to sa hindi ka sinagot ni Christine kaya sinisiraan mo siya sa akin? Huwag mong sabihing hanggang ngayon ay gusto mo pa rin siya?!” sita ni Peter.
“A-ako? May gusto kay Christine? ‘Yan ba ang sinabi n’ya sa iyo? Ibang klase talaga ang babaeng iyan! Kahit kailan ay hindi ko magugustuhan ang katulad niyang babae na nagpapasilaw lang sa pera,” wika ni Nick.
“Pare, bawiin mo ang sinasabi mo! Ayaw kong masira ang pagkakaibigan natin!” sambit muli ni Peter.
“Kung talagang malaki ang tiwala mo sa pagmamahal ni Christine ay bakit hindi mo siya subukan? Ituloy natin ang orihinal na plano! Pero huwag mong sabihin sa kaniya ang tunay na dahilan. Ikaw lang ang hinihintay namin, pare,” saad pa ng ginoo.
Nag-isip nang mabuti si Peter tungkol sa sinasabi ng kaniyang matalik na kaibigan. Naisip rin niya na kung hindi totoo ang mga kumakalat na balita ay bakit hindi ito maputol-putol.
Kaya isang araw ay tinuloy ni Peter ang plano. Nagbigay na siya ng kaniyang resignation letter sa kompanya na kanilang pinagtatrabahuhan. Nang malaman ito ni Christine ay lubos itong nagalit.
“Bakit ka aalis sa kompanya? Ang sabi pa ng iba ay binebenta mo rin ang isang sasakyan mo? Ano ba talaga ang nangyayari sa iyo?” saad ni Christine sa nobyo.
“May mga gusto kasi akong gawin, Christine. Pero malaking pagsubok itong tatahakin ko. Pero dahil alam kong nariyan ka sa tabi ko ay kakayanin ko! Magsisimula ako sa mababa muli, sana ay suportahan mo ako,” saad ni Peter.
“Nahihibang ka na, Peter?! Nasa iyo na ang lahat! Maganda ang posisyon mo sa kompanyang ito at maganda rin ang sahod mo! Bakit kailangan mo pang sumugal sa mga bagay na hindi ka sigurado?!” bulyaw pa ni Christine.
Pinipilit ni Peter na ipaunawa kay Christine ang mga susunod niyang hakbang ngunit ayaw nang makinig ng dalaga. Patuloy ang pagbubunganga nito at tinawag pa niya si Peter na nasisiraan ng ulo.
“Hindi ko kayang makipagrelasyon sa isang gaya mo! Sa totoo lang naman kaya kita sinagot ay dahil sa manager ka dito sa opisina! Pero ngayong hindi ka na manager ay wala na rin akong paki sa iyo. Huwag mo akong asahan sa mga pagsubok mo sa buhay dahil ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa iyo na tapos na ang relasyon na ito!” dagdag pa ng dalaga.
Dito na napatunayan ni Peter ang sinasabi sa kaniya ng matalik na kaibigan. Tunay ngang mapanlinlang ang kagandahan nitong si Christine at ginagamit lamang siya nito.
Tinuloy ni Peter ang kaniyang pareresign sa trabaho. Ang hindi alam ni Christine ay kaya umalis si Peter sa trabaho ay dahil nagsimula na sila ni Nick kasama ang ilang kaibigan na bumuo ng sariling kompanya.
Naging mabilis ang pag-unlad ng kompanya ni Peter kasama si Nick. Nang mabalitaan ito ni Christine ay labis ang kaniyang pagsisisi. Kinausap niya si Peter nang sa gayon ay magkabalikan sila.
“Hindi mo naman kasi sinasabi sa akin kung ano ang plano mo kaya talagang magagalit ako! Mahal talaga kita, Peter! Ramdam mo naman ‘yun, ‘di ba? Natakot lang ako na baka hindi maging maganda ang hinaharap ko kasama ka,” wika ni Christine.
“Alam mo, handa akong ibigay ang lahat sa iyo, Christine. Kaya nga sumugal ako sa isang negosyo kasama ang mga kaibigan ko dahil iniisip ko ang kinabukasan kasama ka. Pero hindi mo na ako maloloko, Christine. Matagal na dapat akong nakinig sa mga sinasabi ng ibang tao pero nagbulag-bulagan ako. Tunay nga na wala sa itsura ang ugali ng isang tao. Humanap ka na lang ng bago mong lolokohin, pero sinasabi ko sa iyo na wala ka nang aasahan sa akin,” paliwanag pa ni Peter.
Pahiyang-pahiya itong si Christine nang tanggihan siya ni Peter. Sa pagkakataong ito ay lumabas na talaga ang tunay niyang ugali.
Itinuon na lang ni Peter ang kaniyang isip sa pagpapalago ng sariling negosyo kasama ang kaibigan habang hinihintay niya ang babaeng tunay na magmamahal sa kaniya.