Nagtataka ang Ina dahil Madalas na Hindi Nagpaparamdam ang Anak na nasa Ibang Bansa; Pag-uwi ng Dalaga ay Surpresa ang Dala Nito

“Anak, kumusta ka na ba riyan sa Korea? Nakakakain ka ba nang maayos? Kumusta ang mga kasamahan mo sa bar? Hindi ka naman ba nila inaapi? Naku, anak! Kung alam mo lang ang pag-aalala namin sa iyo ng tatay mo!” sunud-sunod na tanong ng inang si Lina sa kaniyang anak na si Marie.

“‘Nay, ilang beses ko po bang sasabihin sa inyo na huwag na kayong mag-alala sa akin at ayos lang po ako! Mababait po ang mga kasamahan ko rito at maganda po ang pakikitungo nila sa akin. Minsan lang po talaga ay paguran dito sa bar pero nakakayanan naman po. ‘Ika nga ni tatay, wala talagang madaling trabaho!” wika pa ng anak. 

“Kung p’wede lang, anak, na mag-aral ka na lang at huwag nang magtrabaho. Pasensiya ka na sa amin ng tatay mo. Hayaan mo at gagawin ko ang lahat para mabilis nang bumuti ang kalagayan ng Tatay Hector mo. Nang sa gayon ay makapag-ipon ka na rin at makabalik sa pag-aaral. Kami itong mga magulang pero kami pa itong binubuhay mo,” muling sambit ng ina.

“Ayos lang po, ‘nay! Lahat po ay gagawin ko para sa inyo ni tatay. Ako na po ang bahala sa inyo. Pagpasensiyahan n’yo na lang po at madalas ay sakto lang ang pinapadala ko. Sisikapin ko pong kumita pa nang malaki rito para makaluwag din tayo,” saad ni Marie. 

“Maraming salamat, anak. Napakabuti mo talaga. Sana ay makapagtapos ka ng pag-aaral. Iyan ang pangarap namin sa iyo ng tatay mo,” dagdag pa ng ina.

Napilitan si Marie na hindi na magtuloy pa ng kolehiyo para maging waitress sa isang bar sa Korea. Kailangan niya kasing magtrabaho dahil naaksidente ang kaniyang ama na isang drayber ng pampasaherong dyip. Malaki ang naging pinsala nito sa kaniyang ama. Mabuti na lang at nabuhay pa ito.

Ngunit dahil matindi rin ang kinailangang gamutan ay nabaon sa utang ang kanilang pamilya. Hindi makakayanan ni Aling Lina na bayaran ito mag-isa sa pamamagitan lang ng magiging manikurista niya. Isa pa, kailangan niya ring alagaan ang baldadong asawa. Hindi naman nagdalawang-isip itong si Marie na tulungan ang kaniyang mga magulang. 

Noong maayos pa ang kalagayan ng kaniyang ama ay wala itong bukambibig kung hindi ang pag-iipon niya para sa pagkokolehiyo ng kaniyang anak. Ngunit dahil nga sa aksidente ay hindi na ito maisasakatuparan.

Advertisement

Naisin man ni Marie na bumalik sa pag-aaral ay kailangan niyang unahin ang mga gastusin at ang gamutan ng kaniyang ama.

“Hector, tulungan mo ang sarili mo na gumaling kaagad. Naaawa na ako sa anak nating si Marie. Hindi na nga nagkolehiyo ay pinapasan na niya ngayon ang lahat ng responsibilidad sa pamilyang ito,” sambit ni Lina sa asawa.

Bahagyang nalungkot si Hector. Pakiramdam niya marahil ay isa siyang malaking pabigat.

“Pero, hindi ko sinasabing kasalan mo ang lahat ng ito. Ang sa akin lang ay ginagawa ng anak natin ang lahat para gumaling ka. Kaya sana ay tulungan mo rin ang sarili mo. Ayaw kong mauwi lang rin sa wala ang pagsasakripisyo ni Marie.”

Dahil sa sinabing ito ng misis at pinilit ni Hector na umayos ang kaniyang kalagayan. Hindi na ito tumatanggi kapag pinapainom ng gamot o pinapakain.

Isang araw ay tinawagan ni Lina ang anak upang magpasalamat sa padala nito. Ngunit nagtataka siya kung bakit mabagal nang sagutin ng anak ang kaniyang mga tawag gayong tanghaling tapat naman sa Korea. 

“Ano kayang ginagawa ng batang iyon? Siguro ay maagang pumasok sa bar kaya hindi na masagot ang tawag ko. O siya, padadalhan ko na nga lang ng mensahe na tawagan ako,” sambit ni Lina sa sarili.

Ngunit lumipas ang araw at walang tawag o text man lang si Marie.

Advertisement

Lumipas ang tatlong araw at saka lamang nakapagparamdam ang dalaga. Ngunit nagmamadali ito.

“Pasensiya na po, ‘nay, kung ngayon lang po ako nakatawag. Ang dami po kasing inaasikaso sa bar. Basta, ‘nay, kung hindi po ako nakakatawag ay huwag po kayong mag-aalala dahil ayos lang po ako,” saad ng dalaga.

Nagpatuloy ang ganitong pag-uusap ng mag-ina. Kahit na nakakausap ni Lina ang dalaga ay lagi naman itong nagmamadali. Minsan pa nga ay nahahalata niyang salita lang siya nang salita ngunit hindi na nakikinig ang anak. 

“Sa tingin ko ay may inililihim sa atin si Marie. Baka mamaya ay kung ano na ang ginagawa ng anak natin, lalo pa at sa bar siya nagtatrabaho. Pero tinanong ko naman siya noong isang araw sabi niya ay waitress lang daw talaga siya sa bar,” kwento ni Lina sa asawa na bahagya nang bumubuti ang kalagayan. 

“Huwag ka nang mag-alala sa anak mo sapagkat alam niya ang ginagawa niya. Kilala ko si Marie, matatag siyang bata,” kahit na hirap sa pagsasalita si Hector ay pinilit niya maalo lang ang misis.

Ilang taon ang lumipas at sadyang nasanay na si Lina sa pakikipag-usap sa kaniya ng anak. Madalas nga ay nag-iiwan na lang siya ng mensahe sa anak. Ayaw na rin naman niyang bigyan ng alalahanin at sakit ng ulo itong si Marie kung kokomprontahin pa niya.

Ngunit isang araw ay hindi na talaga sumasagot si Marie sa kaniyang mga mensahe. Ni hindi rin ito sumasagot sa kaniyang mga tawag.

“Dalawang araw nang nakasarado ang selpon niya. Naiinis na ako sa batang ito dahil parang binabalewala na niya ang pag-aalala natin!” saad ni Lina kay Hector.

Advertisement

“Kapag nakausap ko talaga itong si Marie ay kagagalitan ko na! Hindi tama ang ginagawa niya! Nais ko lang naman siyang kumustahin at gusto kong sabihin na nakakaupo ka na ngayon at nakakapagsalita,” dagdag pang ginang.

“Tigilan mo na ang pag-aalala mo. Hayaan mo at kapag nakausap natin siya ay ako na ang makikiusap sa kaniya na laging sasagutin ang mga text at tawag mo dahil nag-aalala ka. Huminahon ka lang at baka may mangyari pang masama sa iyo,” sambit naman ni Hector.

Isang katok sa pinto ng bahay ang saglit na nagpatigil sa pag-uusap ng mag-asawa. 

“Sino kaya ito? May inaasahan ka bang bisita?” tanong pa ng ginang.

Nang buksan nila ang pinto ay laking gulat nilang makita ang kaisa-isang anak.

“Marie! Totoo bang narito ka? Ano’ng ginagawa mo rito? Bakit hindi ka man lang nagsabi?!” sumisigaw na wika ni Lina. 

“Gusto ko lang po kayong surpresahin, ‘nay at ‘tay! Saka alam ko namang hindi n’yo na rin ako masusundo sa airport. Kaya dumeretso na akong umuwi dito sa bahay. Kumusta po kayo? Miss na miss ko na po kayo at ang mga luto n’yo!” tugon naman ni Marie.

Saka nilapitan ni Marie ang kaniyang ama.

Advertisement

“‘Tay, ikaw po? Kumusta ka na po? Masaya akong makita na bumubuti na po ang lagay n’yo. Sana ay magtuloy-tuloy na po ‘yan!” wika pa ng dalaga.

“Marie, ano ba talaga ang ginagawa mo rito? Nagbakasyon ka lang ba o natapos na talaga ang kontrata mo? May nangyari bang hindi maganda sa iyo sa Korea? Tinanggal ka ba sa trabaho?” sunud-sunod na namang tanong ni Lina.

“Hindi po ako natanggal sa trabaho ko sa bar. Ako po ang umalis, ‘nay. Pero magbabakasyon lang din po ako rito bago po ako tumahak sa bago kong trabaho. Saka isang dahilan po ng pag-uwi ko dahil may nais po akong ibigay sa inyong regalo,” wika pa ni Marie.

Iniabot ni Marie ang isang envelope sa kaniyang ina.

“A-ano naman ito, anak?” saad ni Lina.

“Buksan n’yo po nang makita n’yo, ‘nay. Para po sa inyo ‘yan ni tatay. Tiyak akong magiging masaya kayo d’yan,” nakangiting sambit ni Marie.

Dahan-dahang binuksan ni Lina ang iniabot na envelope sa kaniya ng anak. Nang makita niya ang laman nito ay labis siyang nabigla.

“Diploma? Nakapagtapos ka na ng pag-aaral, anak? Totoo ba ito? Tingnan mo, Hector! Nakapagtapos na ng kolehiyo ang anak natin!” naluluha sa galak si Lina.

Advertisement

“Opo, ‘nay, nakapagtapos na po ako ng pag-aaral. Alam ko po kasi na ‘yan talaga ang pangarap ninyo para sa akin. Pasensiya na po kung sa tingin n’yo ay palagi akong hindi makausap nang maayos. Pinagsasabay ko po kasi ang pag-aaral at pagtatrabaho. Kumuha pa rin ako ng isa pang trabaho para makadagdag sa gastusin. Umalis na po ako sa bar at dahil natanggap na po ako bilang isang flight attendant sa isang paliparan sa Saudi. Kahit na malalayo ako, ‘nay, sisikapin ko po na makauwi minsan isang buwan!” pahayag ni Marie. 

Walang mapagsidlan ang kaligayahan ng mga magulang ni Marie. Hindi sila makapaniwala na nagawa ng dalaga na matupad ang kanilang mga pangarap.

“Ngayon ay hindi na kami mag-aalala ng tatay mo. Dahil alam namin na ang edukasyon ang susi para makamit mo ang magandang buhay. Maraming salamat sa pagsisikap mo, anak! Napakaswerte namin at ikaw ang ibinigay sa amin ng Panginoon,” saad naman ni Hector.

Isang mahigpit na yakap ang pumawi sa lahat ng mga taong hindi magkasama ang pamilya. Habang nasa Pilipinas pa si Marie ay sinulit na ng mag-asawa ang mga oras na kasama nila ang kanilang nag-iisang anak.