Tapat ang Sekyu sa Kaniyang Prinsipyo; Ikapapahamak Niya ba Ito?

Unang araw ni Roger sa bago niyang trabaho. Matapos ang matagal-tagal niyang paghahanap nito, sa wakas ay natanggap siya bilang isang security guard sa isang tindahan ng alahas.

Dahil popular ang naturang tindahan, halos walang pahinga si Roger. Dagsa rin kasi ang mga tao marahil dahil malapit na ang araw ng mga puso. Marami ang nagnanais na bumili ng pangregalo sa kani-kanilang mga minamahal.

Gayunpaman ay malaki ang pasasalamat niya. Bagaman pagod, masaya siya dahil alam niya na maraming nagnanais makakuha ng trabaho, at hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon.

“Roger, merienda!” ani Carmen, isa sa mga tindera, bago siya inabutan ng kape at tinapay.

“Naku, salamat! Kanina pa nga ako antok na antok,” aniya sa kasamahan.

“Kakapagod ba? Hayaan mo, maya-maya dadalang din ang kustomer,” nakangiting sagot naman ng babae.

Totoo naman ang sinabi nito. Nang magdidilim na ay dumalang na ang mga tao.

Isang oras bago nila isara ang tindahan ay paisa-isa na lang ang pumapasok sa tindahan.

Advertisement

Maya-maya ay isang sopistikadang babae ang dumating. Halos sabay-sabay pa ang mga tindera na bumati.

Nang tila makita ni Carmen ang pagtataka niya ay ito na mismo ang sumagot sa tanong isip niya.

“Si Miss Emily ‘yun, VIP natin. Madalas ‘yun dito,” anito.

Napatango si Roger. Kaya naman pala kung itrato ito ay tila isang importanteng bisita.

Ilang minuto pa lang lumipas ay may komosyon na naganap sa loob.

“May nawawalang alahas, may nawawala!” sigaw ni Rina, isa rin sa mga tindera.

Inipon nila ang mga kustomer sa loob. Dalawa lamang ang naroon. Isang dalagita, at ang babaeng tinawag na VIP.

“Roger, tingnan mo ang mga gamit ng kustomer bago palabasin,” udyok ni Carmen.

Advertisement

Sa kabutihang palad ay pumayag naman ang dalagita.

Nang suriin nila ang gamit nito ay wala silang nakita liban sa mga kolorete, cellphone, at pitaka.

“Ma’am, makakauwi na po kayo, pasensya na po sa abala,” aniya sa dalagita nang mapatunayan na hindi ito ang magnanakaw.

Bumaling siya sa VIP.

“Ma’am, ‘yung bag niyo po, i-inspeksyunin ko lang sana,” magalang na pakiusap niya sa babae.

Agad-agad ay sinaway siya ng mga tindera. Magkasabay pa ang dalawa!

“Roger, hindi na kailangan! Pwede mo nang pauwiin si Miss Emily! Wala siyang kinalaman dito!” sabat ni Rina.

Awtomatikong kumunot ang noo ni Roger.

Advertisement

“Bakit ‘yung kustomer kanina, kinapkapan natin? Lahat naman suspek dito, kasi lahat tayo narito noong nawala ang alahas,” katwiran niya.

“Imposible na si Ma’am Emily, hayaan mo na lang,” sabi pa ni Carmen.

Ngunit hindi siya papayag. Bilang nagbabantay sa lugar na iyon, trabaho niya na siguraduhing maayos ang lahat.

“Ayoko!” matigas na tanggi rin ng VIP.

“Hindi mo ba narinig? VIP ako, marami akong pera, hindi ako magnanakaw! Gusto mo bang isumbong ko sa iba kong kakilala ang ginagawa mo? Mawawalan kayo ng benta, at mawawalan ka ng trabaho!” pananakot pa ng babae.

Ngunit buo ng isip Roger. Alam niya kasi na mahalaga na maging pantay ang tingin niya sa lahat ng kustomer, mukhang mayaman man o hindi.

“Kapag hindi po kayo pumayag, pwede naman po na magtawag na lang kami ng pulis,” magalang na suhestyon niya.

Sa sinabi niya ay bahagyang nanlaki ang mata ng babae bago dahan-dahang inilapag ang bag nito na mukhang mamahalin.

Advertisement

Nang buksan niya iyon ay nanlaki ang mata niya. Pagbukas pa lamang kasi ay halos sabay-sabay silang napasinghap nang makita nila sa loob ang mamahaling relo na nawawala.

“B-baka nahulog sa bag ko nang hindi ko namamalayan,” namumutlang pagkakaila ng babae.

Sa huli ay ipinadampot nila ito sa pulis sa salang pagnanakaw.

Nang makaalis ang mga pulis kasama ang salarin ay saka lang sila nakahinga nang maluwag.

“Grabe! Naalala ko noon, pumunta rin si Miss Emily dito, may isang pares ng kwintas na nawala! Siya rin siguro ‘yun!” nanlalaki ang matang kwento ni Carmen.

“Oo nga, hindi natin siya pinaghinalaan noon kasi ‘di ba marami naman siyang pera. Nakakaloka!” ani Rina.

Abot-abot ang pasasalamat ng mga ito kay Roger.

“Buti nahanap natin, kung hindi bawas ‘yun sa sweldo natin!” ani Rina.

Advertisement

Napangiti na lamang si Roger. Pakiramdam niya ay naging makabuluhan ang unang araw niya sa trabaho.

Nang malaman nang may-ari ang nangyari ay labis rin ang tuwa at papuri nito sa ginawa niya.

Bilang ganti ay itataas nito ang sweldo niya!

Walang pagsidlan ang saya ni Roger. Ginawa niya lang naman ang tama, pero may dumating na biyaya.

Ipinapangako niya na mas lalo niya pang gagalingan sa trabaho. Hindi siya mamimili ng kustomer at ituturing niyang pantay ang lahat!