
Sinamantala ng Estudyanteng Ito ang Tulong ng mga Tao Upang Makalikom ng Pera; Malaki Pala ang Balik Nito sa Kaniya
“Okay, class, heto po ang mga bayarin natin ngayong darating na sem,” huling bitaw na paalala ng guro ni Minda bago ito magpaalam sa kanilang klase.
Naiwan naman si Minda na nag-iisip ng mga dapat na bayaran upang makapagtapos siya ng pag-aaral. Wala kasi sa kaniyang pagpipilian ang mga kapatid dahil pati ang mga iyon ay namomroblema din sa kani-kanilang mga pamilya. Ang ina naman niya ay nasa malayong lugar at hindi rin maasahan simula nang magkaroon ito ng bagong pamilya matapos mamayapa ng kaniyang ama. Nasa huling dalawang semestre na lamang at makakapagtapos na siya ng kolehiyo- bilang pinakauna sa kanilang sampung magkakapatid na makakapagtapos sa kolehiyo.
Kamot ulo at nakasalubong ang mga kilay ni Minda sa tuwing maaalala ang mga dapat niyang bayaran. Nakaupo siya sa kaniyang kama habang iniisip kung paano niya maiipon ang isang libong piso na kailangan niya. Nawala kasi ang mga scholarship na inaasahan sana niya dahil sa pandemya. Kung sa pagtatrabaho naman, hindi na rin ganoon kadali maghanap lalo na’t hindi maaari ang lumabas dahil din sa pandemya. Kung mangungutang naman siya, ayaw na siyang pahiramin ng sinumang kakilala niya dahil kahit isa ay wala pa siyang nababayaran sa mga nakaraang utang niya sa mga ito. Ngunit isang mensahe ang nagpabalik ng gana ng dalaga.
“Hi, Minda! Kumusta ka na?” mensahe ng kaniyang kasamahan sa simbahan. Dito ginanahan ang dalaga at nagsimulang makaisip kung makakahiram siya mula rito.
“Maayos naman po ako. Namomroblema lang po ako sa mga bayarin ko sa eskwelahan. Titigil na lang po siguro ako,” tugon niya sa mensahe ng kasamahan at kaagad siya nitong tinawagan. Kahit na dalawang taon na siyang tumigil sa pagsisimba doon, mabait at mainit pa rin ang naging pagtanggap sa kaniya ng babaeng kausap.
Sa haba ng kanilang pag-uusap, walang ibang ginawa si Minda kundi ang dumaing kung gaano kahirap ang kaniyang buhay. Ito ay sadya niyang ipinapakita upang maawa nang lubos ang babaeng kausap. Hanggang sa magbitiw ito ng pangako na tutulungan siya nito.
“Mission accomplished! May pera na ako!” pagsasaya ng dalaga habang yakap ang selpon niya sa kaniyang dibdib.
Maligaya ang dalaga nang marinig ang pangakong tutulungan siya ng simbahan. Naging kampante na si Minda dahil alam niyang hindi na niya poproblemahin ang bayarin. Ang mas masaya pa rito, kung may sobra man, makakabili na rin siya ng ninanais niyang selpon at laptop!
Ilang araw pa ang lumipas, naging masipag si Minda sa pag-aaral pati na sa pagsali sa mga pagsasama sama ng mga tao sa simbahan. Kahit para sa kaniya ay nakakabagot ang mga ito, kailangan niyang magmukhang nagbalik loob upang mas marami ang tumulong sa kaniya. Hindi rin naman nagtagal, nagkaroon siya ng pagkakataong ibahagi ang kwento ng buhay niya.
“Ako po si Minda at nakatira lang po kami sa ilalim ng tulay. Nagtatrabaho po dati ang tatay ko bilang tagatapon ng basura sa gobyerno subalit maliit pa lamang po ako, binawian na po siya ng buhay. Ang nanay ko naman po, iniwan kami matapos niyang sumama sa ibang lalaki. Ako na lang po ang naiwan sa buhay ko. Gusto ko man po pero hirap na hirap po akong makapagtapos at igapang ang sarili ko sa tagumpay…” pagkukunwari ni Minda sa mga tao. Marami ang nahabag sa kaniyang sitwasyon. Wala ni isa sa mga ito ang kumwestyon ng kaniyang pagsisinungaling. Noong gabi rin na iyon, agad na dumagsa ang tulong mula sa mga taong nakapakinig ng kaniyang kwento.
“Omg! Mayroon na akong labing limang libong piso!” muling pagsasaya ni Minda nang makita na malaki na ang nalikom niyang pera.
Dumaan pa ang mga araw, linggo at isang buwan, nanatiling aktibo si Minda sa gawain ng simbahan. Pinapakita niya lamang na malaki ang kaniyang pasasalamat. Subalit nang mapansin niyang wala ng nadadagdag sa laman ng kaniyang bangko, agad siyang nagpalit ng numero at sinarado ang anumang koneksiyon niya sa simbahan.
Ilang araw pa, agad na kinontak ni Minda ang kakilala niyang nagbebenta ng mamahaling selpon. Dahil tiwala siya rito, pinasa niya ang lahat ng pera mula sa kaniyang bangko patungo sa account ng kausap niya. Nangako naman itong bukas na bukas din ay matatanggap na niya ang ninanais na selpon. Katuwiran niya, maaari naman niyang ibenta ang bulok na selpon upang magbayad ng bayarin sa eskwela.
Dumating ang kinabukasan ngunit bigo siyang matanggap ang produkto. Lumipas pa ang isa pang araw, dalawa at tatlo ngunit wala pa rin ito. Pilit niyang kinontak ang kausap na tao subalit hindi na niya ito makausap. Nagreport na rin siya sa bangko subalit wala silang magawa dahil naipasa na ang pera.
Luhaan si Minda nang maisip kung gaano kalaking pera ang nawala sa kaniya. Bumalik sa kaniyang pag-iisip kung gaano kasama ang ginawa niya sa mga taong minsan ng nagtiwala sa kaniya. Hindi rin nagtagal, napilitan si Minda na itigil ang pag-aaral dahil wala na siyang makuhaan ng ipantutustos sa sarili. Katulad ng iba, bumagsak bilang empleyado sa isang pabrika si Minda habang iniisip kung gaano ang kaniyang pagkasiphayo sa sarili at gaano kalaking pagkakataon ang sinayang niya.