Inday TrendingInday Trending
Hanapbuhay na ng Lalaking Ito ang Manloko ng Ibang Tao; Paano Kaya Siya Babalikan ng Karma?

Hanapbuhay na ng Lalaking Ito ang Manloko ng Ibang Tao; Paano Kaya Siya Babalikan ng Karma?

“Heto po ang bangko ma’am, mayroon lamang po kaming ilang katanungan dahil may nakita kaming anumalya sa inyong account. Una po, ano po ang buo ninyong pangalan? Saan po kayo nakatira at ano pong pangalan ng inyong alagang aso?” sunod sunod na katanungan ni Andres habang nakatutok sa kaniyang computer.

Agad siyang sinagot ng lalaking kausap sa telepono at matapos niyang makuha ang mga sagot agad niya itong binaba. Ilang saglit lamang at malaking ngiti ang makikita sa mga mukha ni Andres- hudyat na matagumpay niyang nakuha ang password ng bank account at kinuha ang malaking halaga na nasa loob nito. Natigil ang kaniyang maikling selebrasyon nang kumatok sa pinto ng kaniyang opisina ang may bahay niyang si Angela.

“Oh, bakit mahal ko, may problema ba?” tanong niya.

“Wala naman, heto’t may binili akong ginatang bilo-bilo. Mag-meryenda ka muna kanina ka pa nandiyan sa opisina mo,” malambing na tono naman ang tugon ni Angela habang iniabot ang isang tasa ng ginataan at isang baso ng tubig.

“Saglit na lamang, may pinapatapos lang ang boss ko sa akin. Hindi na ako mag overtime ngayong araw para makasabay ko kayo ni Bri sa hapunan,” tugon naman ni Andres sa kaniyang asawa sabay halik at yakap.

Bumalik si Andres sa kaniyang computer at kaagad na binura ang bakas ng kaniyang panghihimasok sa bank account ng isang mayamang tao. Hindi kasi maaaring matagpuan sila dahil tiyak na sa kulungan ang kaniyang kahahantungan. Lingid sa kaalaman ng kaniyang asawa’t anak ang tunay na trabaho ni Andres. Ang akala lamang ni Angela ay patuloy ang trabaho ni Andres sa dati niyang kumpanya. Subalit nang dahil sa pandemya, natanggal siya, at sinubukan ang panloloko ng tao upang makapagnakaw sa mga ito.

Isang gabi, nag-aalala si Angela dahil sa kalagayan ng kanilang limang taong gulang na anak na si Bri. Napapansin kasi nito na hindi siya nito pinapansin, hindi na nakikipag-usap at hindi na rin ito nakikipaglaro sa mga kapwa niya bata sa tuwing iimbitahan niya ang mga ito sa kanilang bahay.

“Ipa-check na kaya natin si Bri? Para kasing lumalaki siya na may sariling mundo. Natatakot ako na baka-”

“Ssh. Hindi. Walang mangyayaring ganiyan. Normal ang anak natin. Kasama lang talaga iyon sa pagtanda,” pagpuputol ni Andres sa pag-aalala ng kaniyang asawa. Niyakap niya ang asawa upang kahit papaano ay mapawi ang pag-iisip nito sa kanilang anak.

Hindi nagtagal, nagpatuloy ang pagsususpetsa ni Angela sa kalagayan ng anak. Habang abala si Andres sa kaniyang opisina, abala rin si Angela na maintindihan kung ano nga ba ang nangyayari sa kanilang anak. Nagtanong tanong siya kung kani-kanino at naghahanap sa internet ng mga sintomas ng mga batang may espesyal na kalagayan sa pag-iisip. Subalit sa bawat kasagutan na kaniyang nahahanap ay ang lalong pag-aalala dahil tumutugma ito sa kinikilos ng kaniyang anak.

Sa kanilang paggising, isang umaga, muling tinanong ni Angela ang kaniyang mister kung kailan ito magiging libre upang samahan siya na ipakonsulta ang anak.

“Sa tingin ko kailangan na talaga nating ipatingin si Bri-”

“Ssh-” muli sanang puputulin ni Andres ang nais sabihin ni Angela subalit hindi na makapagpigil pa sa pag-aalala ang ina.

“Nagtingin tingin kasi ako at tugma lahat ng kinikilos ng bata sa mga sintomas. Kaya hangga’t maaga pa dapat mapatignan na natin kaagad si Bri, Andres. Please!” paliwanag ng misis sa kaniyang mister.

“Okay, okay. Pero kailangan ako ang makapansin ng mga kinikilos niya. Kasi kagabi lang nagkukwentuhan pa kami ni Bri. Ibang iba sa sinasabi mo sa akin. Baka naman kailangan lang kausapin mo siya nang maayos dahil baka may sama lang ng loob sa’yo,” tugon naman ni Andres sa asawa. Ngunit gawa-gawa lamang niya ito para lamang tumigil na sa pangungulit si Angela. Hindi kasi maaaring mawala siya kahit isang araw sa opisina.

Ilang araw pa ang lumipas, nagpatuloy si Andres na maging abala sa pagnanakaw ng pera ng ibang tao. Habang siya ay masayang nagpapayaman, naiwan naman si Angela na napupuno na ng pag-aalala para sa kanilang anak. Naramdaman tuloy niya na parang walang pakialam si Andres sa kanila. Kung kaya naman, upang mawala na ang kaniyang iniisip, sinikreto ni Angela ang balak na magpa-iskedyul sa doktor upang mapatignan ang anak.

Isang tanghali, matapos mananghalian, agad na pumasok si Andres sa kaniyang opisina at sinarado ang pinto’t bintana. Nang masiguro ni Angela na pansamantalang mawawala ang asawa, kaagad niyang kinuha ang telepono ngunit putol pala ang linya nito. Mayroon lamang telepono ngunit ito ay nasa opisina ni Andres.

Hinintay ni Angela ang tamang pagkakataon na lumabas si Andres upang saglit na makigamit ng telepono nito sa opisina. Ilang oras lamang ang lumipas, kumakaripas si Andres na lumabas ng opisina upang magtungo sa banyo dahil sumasakit daw ang tiyan nito. Hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Angela at mabilis din siyang pumasok at ginamit ang telepono na nasa opisina.

Hanggang sa muling bumalik si Andres sa kaniyang opisina at gulat na makita ang kaniyang asawa na ginagamit ang teleponong ginagamit niya sa panloloko ng mga tao. Nanlaki ang kaniyang mga mata at agad na hinila ang telepono na labis namang ikinagulat ni Angela.

“Hindi ba’t sinabi kong wala kang gagalawin kahit isa dito sa opisina ko?!” malakas na sigaw ni Andres sa misis.

“Telepono lang naman yan, mahal. Kailangang kailangan ko lang talaga mapatignan si Bri,” tugon naman ni Angela.

“Lumabas ka na! Nababaliw ka na! Labas!” galit na sigaw muli ni Andres at agad na tinanggal ang mga linya na nakakabit sa telepono.

Nang gabi na iyon, kahit na sigurado si Andres na hindi na siya matutunton, hindi pa rin ito mapakali. Sa saglit na minuto kasing ginagamit ni Angela ang telepono, maaaring natunton na ng mga pulis ang kaniyang lokasiyon. Buong gabing hindi nakatulog si Andres at tumigil lamang sa kaniyang opisina.

Kinaumagahan, isang katok ang narinig ni Andres mula sa kaniyang pinto.

“Mahal? Mahal?” malambing na tawag ni Angela. Agad na nakahinga nang maluwag si Andres nang marinig na si Angela lamang ang nakatok sa kaniyang pinto. Nang maalala niya ang nagawa niya kahapon, agad niya itong binuksan upang humingi ng kapatawaran. Ngunit labis ang kaniyang pagkagulat nang makita ang mga baril na nakatutok sa kaniya kasama na ang mga pulis na nakapalibot. Hindi siya nakagalaw at agad siyang pinosasan ng mga ito.

Ilang araw ang hinintay ni Andres sa piitan upang makapagpaliwanag sana sa kaniyang asawa. Subalit walang Angela na dumating. Nabalitaan na lamang niya na lumipat na raw ng bahay ang kaniyang mag-ina at labis labis ang kahihiyan ng kaniyang misis sa ginawa ng mister. Naiwan naman si Andres na nagdurusa sa piitan dahil sa kaniyang maling ginawa.

Advertisement