Pinakain ng Lalaking ito ang Isang Matanda sa Isang Kainan Ngunit Pinagmalupitan Sila ng May-ari; Isang Himala ang Kanila’y Masasaksihan

Bagong sahod si Roy. Dahil doon ay masaya niyang binabagtas ang kahabaan ng kalsadang iyon, habang siya ay pauwi sa kanilang tahanan. Natuwa ang kanilang bossing sa mabilis at maayos nilang pagtatrabaho sa talyer kaya naman kanina ay binigyan sila nito ng bonus. Siguradong matutuwa ang kaniyang ina dahil malaki-laki ang perang maibibigay niya rito ngayon.

Binata pa si Roy at wala pang sariling pamilya ngunit napakabait nitong anak. Dahil siya ang panganay sa apat na anak ng kanilang mga magulang ay lumaki siyang masipag at itinatatak sa kaniyang isip ang responsibilidad na tulungan ang mga ito na makaahon sa buhay.

Sa kalagitnaan ng kaniyang paglalakad ay nagutom si Roy kaya naman nagpasya siyang kumain muna sa isa sa mga kainang nadaraanan niya rin naman. Ngunit bago pa siya makapasok doon ay namataan niya sa ’di kalayuan ang isang matandang uugod-ugod na at tila nagugutom. Nakatingin kasi ito sa mga kumakain sa loob ng naturang kainan ngunit hindi naman ito nanlilimos o nanghihingi. Naawa si Roy sa kalagayan ng matanda lalo na at nakita niyang butas ang suot nitong t-shirt na natatakpan lang naman ng jacket na bagama’t luma na at may mantsa’y maayos pa namang gamitin.

Nagpasya siyang lapitan ang naturang matanda upang ito ay tanungin. “Tatay, nagugutom ho ba kayo? Gusto n’yong kumain?”

Nilingon naman siyang agad nito nang may pagkasabik. “Oo, anak,” sabi nito, suot ang matamis na ngiti nito sa kaniyang labi.

“Kung gan’on po’y halina kayo, ’tay!” Inakay ni Roy ang matanda papasok at in-order-an ito ng sarili nitong pagkain.

Kauumpisa pa lang ng dalawa sa pagkain, nang maya-maya ay bigla na lang silang lapitan ng mismong may-ari ng kainan, at ikinagulat ni Roy ang sunod nitong ginawa.

“Sir, pasensya na ho pero kailangan n’yong palabasin ang kasama n’yo dahil marami sa mga customers namin ang hindi komportableng kumain, kasabay ang isang pulubi,” sabi nito kay Roy na agad namang ikinangiwi ng binata.

Advertisement

“Teka, hindi naman ho yata tama ’yan? Kumakain lang naman ho siya, a! Isa pa, ako naman ang magbabayad ng kinain niya,” katuwiran naman niya.

“Kung gusto niya ho, sa labas na lamang niya kainin ang pagkain niya para wala nang gulo,” ngunit muli ay giit pa rin ng may-ari.

“Napakapangit naman ng pamamalakad ng kainang ’to! Mga wala kayong puso! Hindi ba kayo naaawa sa matanda?” Napatayo na si Roy sa kaniyang kinauupuan at nakipagtalo sa may-ari ng kainan. Ngunit talagang nagmamatigas ang kaniyang kausap.

“Paalisin mo na ang kasama mo, sir, kung ayaw n’yong pati kayo ay—” Hindi na pinatapos pa ni Roy ang sinasabi ng may-ari at mabilis na niya itong pinutol.

“Talagang aalis na ako! Tandaan n’yo, hindi magtatagal at malulugi ang kainang ito dahil ito ay pinatatakbo gamit ang diskriminasyon. Balang araw, magtatayo rin ako ng negosyo at sisiguraduhin kong hinding-hindi ko tutularan ang ginagawa n’yo ngayon!” sabi pa ni Roy bago akmang aayain sa ibang kainan ang matanda. “Tatay, halina ho, sa iba na lang ho tayo—”

Ngunit sa paglingon ni Roy sa pwesto ng matanda ay nagulat siya nang hindi niya ito makita roon. Nagpalinga-linga na siya sa paligid at ganoon din ang may-ari ng kainan ngunit talagang hindi nila matagpuan ang matanda. Sa pwestong inokupa nito kanina ay natagpuan nila ang bill ng kinain nilang dalawa na mayroong lamang pera bilang kabayaran. Ang nakapagtataka pa ay nag-iwan din ng tip ang matanda na malaki-laki rin ang halaga!

Nagtaka si Roy, lalong-lalo na ang may-ari kaya naman muli nilang hinanap ang matanda. Nang lumingon sila sa labas ay nakita nila itong nakatayo sa tapat ng kainan ngunit sa pagkakataong ito wala na ang kanina’y butas, luma at marumi nitong damit. Nakasuot na ito ngayon ng purong puting kasuotan habang kumakaway sa kanila nang nakangiti! Akmang hahabulin ito ni Roy ngunit ganoon na lang ang pagtataka nila nang bigla na lang maglaho nang parang bula ang matanda!

Isang malaking palaisipan ang iniwan nito hanggang sa makauwi na si Roy sa kanilang tahanan. Hindi alam ng binata kung anong swerte ba ang dumapo sa kanila ngunit ipinagpapasalamat na lang niya, dahil nang gabing iyon ay nagulat na lang siya nang makatanggap ng tawag mula sa kaniyang boss na siya raw ay ipo-promote nito bilang manager ng kanilang talyer.

Advertisement

Kasabay niyon ang sunod-sunod na swerte sa buhay ni Roy hanggang sa siya ay makaipon ng pera bilang pang-umpisa ng sariling negosyo ng kanilang pamilya.

Sa kabilang banda naman, ang may-ari ng kainang iyon ay unti-unting minalas sa buhay at nagkaroon ng napakaraming pagsubok na naging dahilan ng pagkalugi ng kanilang negosyo. Dahil doon ay napilitan nitong isara ang kainan at ibenta na lang iyon sa iba, na tiyempo namang kay Roy napunta.

Natupad ang noon ay sinabi ni Roy at wala nang mukhang maiharap ang may-ari ng kainan na ngayon ay puno ng pagsisisi. Hindi na muling nagpakita sa kanila ang matandang naghihimala ngunit malaki ang iniwan nitong leksyon na kailan man ay siguradong hindi nila malilimutan.