Sa Pagnanais na Maregaluhan ng Manika ang Anak ay Nagnakaw ang Gipit na Ama, Natutunan Niya ang Isang Mahalagang Aral
Mag-isang itinataguyod ni Gardo ang dalawa niyang anak na si Chari at Chelsy. Kaya naman lahat ng maari niyang pagkakitaan ay ginawa na niya, mula sa pangangalakal hanggang sa paglalako ng balut tuwing gabi.
“Pasensya na kayo mga anak ha, tuyo nanaman ang ulam natin.”
“Okay lang po yun tay, ang sarap nga eh.” wika ni Chari.
“Wag kayong mag-alala, sa kaarawan ni Chelsy masarap ang ulam natin.”
Batid ni Gardo na sa murang edad ng kaniyang mga anak ay naiintindihan ng mga ito ang kalagayan nila. Kaya naman ipinangako niya sa sarili na igagapang niya ang pag-aaral ng mga ito anuman ang mangyari.
“Ang aga mo yata ngayon Gardo, napakasipag mo talaga.” wika ni Aling Lilia, ang matanda nilang kapitbahay.
“Kailangan ho eh, kaarawan ni Chelsy bukas, gusto ko sana siyang maipaghanda kahit pansit man lang.” sagot niya.
“Sige mag-iingat ka, ako ng bahala tumingin sa mga anak mo.”
Sa katirikan ng araw ay nangolekta siya ng dyaryo, bote, mga plastik at kung ano pang maari niyang ibenta sa junk shop, pagsapit ng hapon ay kinuha naman niya ang basket ng balut na ibebenta.
Sa kaniyang paglalakad ay nadaanan niya ang isang tindahan ng mga laruan, pumasok siya rito upang tingnan ang isang manika.
“Ang ganda nito, kaso kukulangin na ang pera ko.” bulong niya sa sarili.
Ibinalik niya ito sa lalagyan at itinuloy ang paglalako, hindi niya maiwasang alalahanin ang manikang nais iregalo para sa anak. Nakikita na ni Gardo ang matamis na ngiti ni Chelsy kung sakaling maibigay niya rito ang laruan.
Kaya naman binalikan niya ito matapos ang paglalako, nang magbabayad na siya ay nakita niyang walang tao sa kahera, wala ring bantay sa labas ng tindahan. Isang masamang bagay ang bigla na lamang pumasok sa isip niya at itinakbo niya ang manika.
Sakto namang sa paglabas niya ay pumasok ang may-ari ng tindahan.
“Magnanakaw!” Sigaw nito.
“Hindi! wag po maawa kayo.”
“Sa presinto ka na magdahilan!” sabay hablot sa manika at dinala siya sa pulis.
Kahit anong pagmamakaawa niya ay hindi nagpatinag ang lalaki at sinampahan siya nito ng reklamo. Magdamag siyang nakakulong ngunit kinabukasan ay dumating si Aling Lilia at sinundo siya.
“Ano ka ba naman Gardo, isipin mo nalang ang magiging lagay ng mga anak mo oras na makulong ka!” wika nito.
“Hindi ko din maintindihan kung bakit nagawa ko iyon, gusto ko lang naman regaluhan si Chelsy. Paano niyo pala ako nahanap?”
Napag alaman niyang kakilala pala ni Aling Lilia ang may-ari ng tindahan at pinakiusapan niya ito. Ipinaliwanag niya sa lalaki ang tunay na lagay ng mag-aama at hindi naman talaga masamang tao si Gardo, sa huli ay napapayag niya itong iurong ang reklamo.
Umuwi si Gardo matapos ang kanilang pag-uusap at agad siyang sinalubong ng mga anak.
“Tay! bakit ngayon ka lang umuwi?” tanong ni Chelsy.
“Sorry anak, naligaw kasi ang tatay kagabi. Happy birthday Chelsy!” Sagot niya.
Ipinagluto niya ng fried chicken ang mga anak at pinagmasdan niyang mabuti kung gaano kasaya ang mga ito sa simpleng pagsasalo nilang tatlo. Napagtanto ni Gardo na hindi mga materyal na bagay ang magpapaligaya sa kanila kundi ang pagiging kompleto at masaya ng kanilang pamilya.
Pinuntahan niya rin si Aling Lilia upang magpasalamat.
“Maraming salamt ho pala sa pagtulong niyo sa akin, malaki ang utang na loob ko sa inyo.”
“Wala kang utang sa akin Gardo, pero sana ay wag mo ng uulitin iyon, palakinhin mo sa tamang paraan ang dalawa mong anak.” wika nito.
“Makakaasa kayo Aling Lilia.”
Makalipas ang ilang taon ay natanggap na mga scholar si Chari at Chelsy, pareho silang nakapag-aral sa kolehiyo ng libre. Labis ang pasasalamat nila kay Gardo para sa mga sakripisyo nito kaya naman nang makapag simula ng trabaho ay pinahinto na nila ito sa pagbabanat ng buto.
“Tay tama na ang pangangalakal niyo, kami na po ni ate Chari ang bahala sa inyo.”
“Oo nga po tay, pati yang pagtitinda ng balut, nananakit ng ang likuran ninyo eh. Hayaan niyo pong kami naman ang mag-alaga sa inyo.” sagot ni Chari.
Laking pasasalamat ni Gardo sa pagkakaroon ng mabubuti at mapagmahal na anak at masaya silang namuhay hanggang sa unti-unti ng lumaki ang kanilang pamilya. Nakapag-asawa na ang dalawa niyang anak ngunit ni minsan ay hindi siya pinabayaan ng mga ito.
Wala ng mas hihigit pa sa pagmamahal ng isang magulang, kaya naman kapag nagigipit na ay hindi naiiwasang makagawa sila ng pagkakamali.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!