Inday TrendingInday Trending
Pilit na Pinipigilan ng Ina ang Kanyang Anak sa Pangarap Nitong Pag-aartista, Laking Gulat Niya Nang Ito’y Sumikat at Nag-ahon sa Kanila sa Kahirapan

Pilit na Pinipigilan ng Ina ang Kanyang Anak sa Pangarap Nitong Pag-aartista, Laking Gulat Niya Nang Ito’y Sumikat at Nag-ahon sa Kanila sa Kahirapan

“Diyos ko! Sinasabi ko kasi sa’yo, huwag ka nang magsayang ng pera sa pag audition audition mo na ‘yan! Wala kang mapapala diyan. Nakikita mo ba ang mga artista ngayon? Ang gaganda’t ang popogi! Walang wala ka kung tutuusin. Sumuko ka na! Mag-aral ka na lang!”, pangbubunganga ni Ester sa kanyang bunsong anak na si Aika.

Umuwi nang luhaan si Aika dahil hindi natanggap sa isang role na labis niyang pinaghandaan. Isang taon na lamang ay makakapagtapos na ng pag-aaral sa kursong accountancy ang dalaga. Ngunit bata pa lamang siya ay talagang pangarap na niya ang maging isang artista.

“Mama, noong buhay pa si papa, todo suporta siya sa akin. Bakit po ba hindi niyo na lang ako suportahan kagaya niya?”, sagot ng umiiyak na anak.

“Papa mo? O tingnan mo nga. Siya, sinunod niya ang kagustuhan niya sa buhay. Pintor! Naging maganda ba ang buhay natin? Tingnan mo nga kung anong ipinamana niya sa atin nang mamatay siya. Walang iba kung hindi utang!”, gigil na sagot ni Ester sa anak.

“Tama na ‘yan, mama. Hayaan mo na si Aika. Nag-aaral naman siya ng maayos. Pabayaan niyo nang gawin niya ang mga gusto niya paminsan minsan.”, pagtatanggol ng panganay na anak na si Kenny.

“Bakit nga ba kasi hindi ka na lang tumulad sa kuya mo? Itigil mo na ‘yan, sinasabi ko sa’yo! Sa totoo lang, hindi ka kagandahan para maging artista!”, prangkang salita ng ina kay Aika.

Labis namang nasaktan ang dalaga. Hindi siya makapaniwalang sa sariling ina pa maririnig ang ganoong klase ng mga salita. Ngunit matibay ang kanyang pananalig, sa tulong ng paniniwala sa kanya ng amang yumao, na kung may gusto kang gawin sa buhay ay gawin mo ang lahat upang marating ito.

Kaya naman habang nag-aaral, hindi huminto si Aika sa pag audition sa mga maliliit na roles sa isang TV station. Ngunit sa kasamaang palad ay hanggang matapos siya ng pag-aaral ay hindi pa rin siya natatanggap sa kahit anong papel.

“Sinabi ko naman sa’yo, hindi ba? Ngayong naka-graduate ka na, magtrabaho ka na lamang ng maigi. Nang kahit papaano’y makatikim naman ako ng sarap sa buhay.”, bilin ng inang masaya sa kanyang pagtatapos sa pag-aaral.

Ginawa naman ni Aika ang sinabi ng ina. Ngunit paminsan minsa’y tumatakas ito upang patuloy na mag audition.

Dumating ang isang araw na nakatanggap siya ng tawag sa isang agency. Pinapapunta siya doon ng alas siyete ng gabi. Agad namang nabuhayan ng loob ang dalaga sa natanggap na balita. Agad-agad itong nag-ayos at naghanda.

Nang makarating, nakaramdam ng kakaiba ang dalaga. Tahimik ang lugar at tila wala masyadong nag-aaudition. Ngunit dahil sa matinding kagustuhang makapag-artista, patuloy na pumasok ang dalaga.

“Good evening, ma’am. Kayo po yung mag-aaudition? Sige po pasok na lang po kayo doon.”, turo ng isa sa mga staff sa lobby.

Pagpasok ni Aika sa silid, nakita niya ang isang matandang lalake na nag-hihintay sa kanya.

“Magandang gabi, Aika. Maupo ka.”, mahinahong sabi ng matandang lalake.

“Magandang gabi rin po. Magsisimula na po ako?”, sabi ni Aika habang hawak ang script sa kanyang kamay.

“Sa totoo lang, tatapatin na kita. Isa ako sa mga CEO ng isa sa mga TV stations dito sa atin. At napansin kong may angkin kang talento sa pag-arte. Alam mo naman siguro ang hirap ng kompetisyon ngayon sa pagpasok bilang artista, hindi ba?”, nakangising tanong ng matanda.

“Uhh, opo.”, nagdadalawang isip na sagot ng dalaga. Ramdam niyang may hindi tama sa mga nangyayari.

“Kaya aalukin kita. Isang gabi lamang, isa lang. Ikaw at ako lamang. Paligayahin mo ako, Aika. At kung matuwa ako sa ipakikita mo, sisiguraduhin kong magiging isa ka sa mga pinakasikat na artista sa industriya.”, alok ng matandang hukluban.

“Uh, uhm. Ganyan na ho ba ang kalakaran ngayon? Kung hindi na talento ang magiging sukatan ng pagiging artista, e hindi na lang ho ako interesado! Bastos!”, sigaw ni Aika.

Napabalikwas si Aika. Kinabahan siya sa mga narinig. Bigla niyang naalala ang lahat ng turo ng kanyang ama. Kaya nanindigan sa kanya ang pagiging maprinsipiyong tao.

Agad na tumayo si Aika at tumakbo palabas ng pintuan. Laking gulat niya nang may dalawang malalaking lalaki ang pumigil sa kanya sa paglabas. Nagsisigaw ang dalaga sa takot. Ngunit lalo pa itong nagulat nang biglang lumabas ang isang babaeng may hawak na mga papeles.

“Hi, Aika. Kumalma ka. Ang lahat ng ito ay pagsubok lamang. At congratulations, dahil naipasa mo ang unang pagsubok. Alam mo bang napakaraming nag-audition ang pumayag sa offer ng staff namin na kausap mo kanina?”, nakangiting sabi ng babae.

Nang mahimasmasan si Aika, napagtanto niya na ang lahat ay isa lamang pagsubok.

“Sa panahon ngayon, napakaraming tao ang handang ibenta ang mga sarili nila upang makamit lamang ang mga pangarap nila. Pero naiiba ka. Pinanindigan mo ang iyong prinsipyo. Kaya simula ngayon, kung tatanggapin mo ang aming offer, magte-training ka na upang maging isa sa mga bagong artista sa aming istasyon.”, paliwanag ng babaeng kumausap sa kanya kanina.

Agad namang binasa ni Aika ang kontrata na iniabot sa kanya. Matapos ay pinirmahan niya ito. At ito na nga ang naging simula ng magandang career ni Aika sa showbiz. Matapos ang lahat ng training, nakita ng lahat ang pinamalas nitong galing sa pag-arte. At unti-unting naiahon ni Aika sa hirap ang kanyang pamilya.

“Pasensiya ka na anak, kung hindi ako naniwala sa’yo. Natakot lang ako na magaya ka sa Papa mo. At isa pa, gusto ko’y makatapos ka ng pag-aaral, dahil iyan lang ang maipapamana ko sa iyo.”, sambit ng ina ni Aika.

“Mama, kalimutan na natin iyon. O ayan ha, makakapagbuhay mayaman ka na!”, pabirong sabi sa kanyang ina.

Natutunan ni Aika na maaaring makamit ang mga pangarap kung may sipag, paninindigan, at prinsipyo ka sa buhay. At natutunan naman ng kanyang ina na huwag hadlangan ang kanyang anak sa pagkamit nito sa kaniyang pangarap.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement