Panay ang Pagsisinungaling ng Dalaga sa Kanyang Boss Para Mapayagang Hindi Pumasok sa Trabaho; Laking Pagsisisi Niya Nang Magkatotoo ang Lahat ng Ito
Lunes na lunes ay nagtext si Vera sa kanyang team leader upang magpaalam na hindi makakapasok. “Boss! Di ako makakapasok ngayon. Sensiya na po, yung tatay ko kasi isinugod na naman sa ospital. Balitaan ko na lang po kayo.”
Sumunod na linggo, ganoon na naman ang paalam ng babae. “Boss. Sorry po talaga ha. Yung kapatid ko naman po ngayon. Ewan ko nga ho kung bakit nagkasunod-sunod ang sakit sa pamilya namin. Hindi ko nga ho alam kung bakit.”
Naging bisyo na ni Vera na isang call center agent ang magsinungaling sa kanyang boss upang makapagliwaliw sa buhay. Gusto niyang magamit ang mga natitirang sick leave upang kahit kung saan-saan lang siya pumupunta ay may sahod pa rin siya.
“Vera, makakapasok ka ba ngayon?”, text ng boss ni Vera sa kanya.
“Sorry boss, nabalian ho ako ng braso nang malaglag ako sa hagdan dito sa amin. Babawi na lang ho ako. Talagang sinunod-sunod lang ang kamalasan ko ngayon.”, muling pagsisinungaling ng babae.
“O tara, Tagaytay na tayo! Nakapagpaalam na ako!”, sigaw ng babae sa mga kabarkada nang makapagpaalam na sa kanyang team leader.
Hindi naman inutil ang boss ng babae upang hindi makahalata sa hindi makatotohanang pangyayari sa babae. Namamangha pa nga ito sa mga ibinibigay na medical certificate upang mapatunayan ang mga sinasabing kasinungalingan.
Nang isang araw, nagising ang babae sa ingay ng ambulansya sa kanilang tahanan. Magpapaalam pa lamang siya sa kanyang boss na may panibago na namang excuse dahil masakit pa ang ulo nito mula sa pag-inom ng alak kasama ang mga kaibigan kagabi.
Laking gulat niya paglabas ng kanyang kwarto. Bumulaga sa kanya ang amang halos hindi na makahinga dahil sa biglaang atake sa puso.
“Ate! Si Papa inaatake sa puso! Tapos si bunso naman panay ang suka kanina pang umaga!”, umiiyak na sambit ni Jimboy, pangalawa sa tatlong magkakapatid.
“Ha?! Bakit? Ano ang nangyari? Kagabi no’ng pag-uwi ko ayos pa sila ah?”, gulat na gulat na sabi ni Vera sa kapatid. Nagmadali na ang kapatid na magpatulong sa ambulansyang agad namang rumesponde sa tawag ni Jimboy.
Tumatawag sa cellphone ni Vera ang boss nito. Nang sagutin niya, seryoso ang tono at tila galit sa kanya.
“Vera, whatever is your excuse right now, you need to report to work tomorrow. Or else better find another job that will accept your lame excuses.”, bago pa man makapagpaliwanag si Vera sa sinapit ng kapatid at ama, binabaan na siya ni Robert.
Napuno na si Robert dahil siya na ang ginigisa ng manager niya nang mapatunayang peke ang mga medical certificate na ipinapasa ng dalaga. Kaya binigyan na niya ng huling warning ang dalaga na kapag hindi ito nakapagpakita sa trabaho kinabukasan ay tatanggalin na ito.
Hindi naman alam ng babae ang gagawin niya. Magmula nang mamatay ang nanay niya, siya na lang na panganay ang naiwan na nag-aalaga sa kanyang mga kapatid at ama. Kaya hindi niya magawang iwan ang mga ito nang mag-isa sa ospital.
Sinubukan niyang magpaliwanag sa text sa kanyang boss. “Sir Robert, alam ko pong mali ako sa mga ginawa kong pamemeke ng mga medical certificate. Pero maniwala po kayo, nasa ospital po si Tatay at si Bunso. Kahit pumunta pa po kayo dito.”, pagmamakaawa ng dalaga. Alam niyang hindi niya kakayanin ang gastusin kapag ngayon pa siya nawalan ng trabaho.
“Sorry, Vera. Pero napakaraming pagkakataon na niloko mo ako at ang management. Napaka-unprofessional ng iyong mga ginawa. Pasensiya ka na, pero kapag hindi ka nakapagpakita at nakapasok bukas, tanggal ka na sa trabaho.”, reply ng kanyang boss.
Wala nang nagawa ang babae kung hindi ipilit na makapasok kinabukasan. Ngunit papunta pa lamang siya ng trabaho ay agad tumawag sa kanya si Jimboy.
“Ate! Kailangan ka dito. Si Papa, inaatake na naman! Bumalik ka na dito please! Hindi ko alam ang gagawin!”, pagmamakaawa ng nakababatang kapatid.
Dahil sa takot na kung ano ang mangyari sa ama, hindi na nakapasok si Vera. At tulad ng sinabi ng kanyang boss, tuluyan na siyang natanggal sa trabaho. Nahirapan na rin siyang makapasok sa ibang kumpanya dahil sa pangit na record nito sa iniwang trabaho.
Nalubog sa utang ang dalaga sa pagpapagamot sa ama at kapatid. Tumatak sa kanyang isip na hinding hindi na muling magsisinungaling sa pinagtatrabahuhan at magiging tapat na sa lahat ng mga sasabihin.