Pangarap ng Amang Maging Isang PBA Player ang Anak Ngunit Maisakatuparan Kaya Ito ng Binatang May Itinatagong Lihim?
Isang masugid na tagahanga ng basketball ang amang si Homer. Kaya’t noong nalaman niya na lalake ang magiging unang anak nila ng asawa niya ay tuwang-tuwa ito. Tuwing kalong-kalong niya ito noong maliit pa ay lagi nitong kinakausap ang anak. “Nak, paglaki mo ay magiging sikat na basketball player ka, nakikita ko sa mga mata at tindig mo.”
Makaraan ang 15 taon…
“Diretso mo ‘nak, ‘yon pasok!” Hiyawan ang mga tao sa buong gym.
“Anak ko yan, galing ‘di ba?!” Pagmamayabang nito sa mga katabing magulang. Isa nang sikat at mahusay na manlalaro ng basketball ang anak nito sa kolehiyo.
Matapos ang laro…
“Nikko, pa autograph naman dito!”
“Idol pa-picture naman!” Kaliwa’t kanan ang dumadagsa sa kinatatayuan ng binata upang malapitan ito. Hindi na mapigilan ang biglang bulusok ng kanyang popularidad.
“Oh anak, wag mong kakalimutang may practice kayo bukas ng maaga kaya magpahinga ka na pag-uwi natin, yung pagkain mo sundin mo ‘yong diet plan. Bawal ang mga junk food at fast food masisira ang timbang mo, bawasan mo din muna ang lumabas. Ang importante ay mag pokus ka sa pagbabasketball mo. Balakid lang ‘yang barkada, mapapasama lang ‘yan sa karir mo.” Mahigpit na bilin ng ama.
Hindi lang ipinapahalata ng anak ang nakasimangot na mukha at sumang-ayon na lang sa tatay niya para manahimik ito. “Okay pa, no problem. Basta ikaw.”
Ganito kabusisi ang kanyang ama, bata pa lang siya napansin na ng tatay niya ang angking talento sa pagbabasketball at simula noon ay hindi nito tinantanan sa pag-eensayo ang anak upang mas lumakas at gumaling.
Ngunit sa loob loob ng binata ay hindi niya ito talaga gusto, natatakot siya na malaman ng ama niya ang tunay na inaasam nito dahil ayaw niyang maging isang walang utang na loob na anak. Ang totoo’y iba ang ninanais ng binata.
Habang nakaharap sa salamin, “Yan, perfect! Kabog sila sa beauty ko.”
“Nikko, magprapractice na tayo bilisan mo diyan!” Sigaw ng ama. Dali dali nitong hinugasan ang mukha at nagmamadaling itago ang mga gamit nito sa pagmamake-up.
“Nandyan na po, saglit lang.” Mababang boses na hirit ng lalake.
“Bakit ba ang tagal mo? Tsaka bakit ang pula ng labi mo?” Pagtataka ni Homer.
“Nasiko po ‘yan sa laro namin kahapon medyo masakit pa nga po.”
“Eh dapat binawian mo rin, huwag kang papayag na maisahan.” Hikayat ng ama.
Sa eskuwela’y tanging ang bestfriend nitong si Ronald na isang binabae rin na hindi pa makapaglantad ang may alam ng sikreto niya. Parehas silang naglalaro sa varsity team.
Kaya sila sumali ng team ay para mas hindi mahalata ng kanilang magulang ang tunay na kulay nila at isa pa’y para mas mapalapit sa mga machong lalake na kasama nila sa team.
“Naku beks, hindi ko na rin matiis yung sitwasyon ko sa papa ko, sobrang nasasakal na ‘ko kasi lahat ng galaw ko pinakikialaman niya eh ayaw ko naman na ma-disappoint din siya at malaman niya na make-up queen talaga ako baka biglang atakihin sa puso ‘yon, kalurkey!” Problemadong kwento ni Nikko.
“Ako nga rin, buti si mommy ko tanggap niya pero natatakot kami kay daddy ko baka jombagin niya ‘ko.” Sagot ng kaibigan.
“Kung buhay pa sana ang mama ko baka natulungan niya ‘ko kay papa.” Saad ni Nikko.
“Well, that’s our life baklush, magkunwari hanggang kaya ng powers natin.” Hindi na maikubli ni Nikko ang tunay na nararamdaman nito sa totoong pagkatao niya, parang hindi niya alam kung kakayanin pa niyang magpanggap sa ama nito at sa lahat ng taong nakakakilala sa kanya bilang isang mahusay na manlalaro. Natatakot siya kung ano ang sasabihin ng mundo kapag nalaman kung ano ba talaga siya.
Matapos ang isang matinding practice para sa paghahanda nina Nikko sa nalalapit na kampeonato ay dumiretso na ito pauwi, pagdating ay wala doon ang ama. “Bonggaa, habang wala pa si Papa.” Nagmamadali nitong nilabas ang make-up kit at nagsimulang humarap sa salamin.
“Kailangan nang malaman ng mundo kung sino talaga ako, sana lang matanggap ni papa kung ano talaga ako, lakasan mo ang loob mo, bakla! Kaya mo ito.” Bulong ng binata sa sarili habang inaayos ang kilay niya.
Championship game ng araw na iyon, halos buong bansa ay nakatutok sa pinakaantay na bakbakan ng magkaribal na eskuwela. “Anak, mukhang balisa ka diyan, kinakabahan ka ba?”
“Ayos lang po ako, pa.” Saad ng binata habang tumatango ito.
“Di ka dapat kabahan, importante’y magpakatotoo ka!” Kumunot bigla ang noo ng anak.
“Ang ibig kong sabihin just play your game and be yourself sa court.”
Nanaig sa huli ang koponan nila Nikko dahil sa kanyang huling tira na nagpapanalo sa kanila, siya din ang hinirang na MVP ng laban. Dinumog siya ng mga naka-antabay na reporter, isang babae kaagad ang nagtanong sa kanya.
“Nikko, walang duda na ikaw na ang susunod na future superstar! May balak ka na bang sumali sa PBA, ano na ang plano mo? Nag-isip ng ilang minuto bago magsalita ang binata, “Bahala na pero oras na.” Bulong nito sabay hinga ng malalim.
Gulantang ang lahat sa nasaksihan nilang pag-amin ng binata ng kanyang tunay na pagkatao, madami kaagad ang nang-bash at kung ano-anong masasakit na salita ang binato kay Nikko matapos nitong ilahad na isa siyang bakla. Kahit ang mga kakampi at coach niya ay dinuraan pa siya dahil nandidiri sa kanya, maliban sa kaibigan na si Ronald na dinepensahan siya sa mga haters nito.
Hinanap kaagad ng umiiyak na anak ang ama pero wala na ito sa court, inisip nito na baka sumama ng sobra ang loob ng ama at bugbugin siya pag-uwi niya.
Nilakasan ng binatilyo ang loob niya at umuwi ito, pagdating niya ay wala ang ama sa kuwarto nito ngunit pagbukas niya sa kanyang kwarto ay laking gulat niya.
“Bagay ba, anak?” Habang naglalagay ng powder sa mukha.
“Pa, baklush ka rin?” Naiiyak na may halong ngiti na tanong nito.
“Hindi anak, gusto ko lang ipakita sa iyo na tanggap kita. Sa totoo lang bilib na bilib ako sa tapang na pinakita mo kanina, ipinamukha mo sa buong mundo ang tunay na sukatan ng pagkalalake at iyon ay ang magpakatotoo ka sa sarili mo.”
Niyakap ng mahigpit ng ama ang anak niya habang sila’y nagpatuloy sa pagme-make up. Ipinadama ng isang ama sa kanyang anak ang tunay na pagmamahal at hindi kailanman magwawagi ang mga taong nanghuhusga ng kapwa.
Hanggang pagtanda ay nanatiling nakaalalay si Nikko sa ama.