Natakot ang Bata na Sabihin sa Kaniyang Ama na Hindi Siya Nakakuha ng Mataas na Marka sa Eskuwela; Ikabibigla Niya ang Magiging Reaksyon Nito

“O, bakit malungkot ka, Gio?” tanong ng kaniyang kaklase kay Gio habang naglalakad sila palabas ng kanilang eskuwelahan, matapos ang kanilang klase. Hawak pa nila ang kanilang report card na kanina ay ibinigay ng kanilang guro upang ipakita nila sa kanilang mga magulang, ngunit hindi alam ni Gio kung paano ’yon gagawin.

“Gawa kasi ng grades ko,” sagot niya sa kaibigan na bigla namang nag-alala.

“Bakit, Gio? Bagsak ka ba?” tanong pa nito na mabilis naman niyang inilingan bilang tugon.

“Hindi naman. Kaya lang ay hindi ako kasama sa top, hindi katulad nina ate at kuya,” muli ay malungkot na ani Gio.

Doon ay nakahinga nang maluwag ang kaibigan niyang si Fatima. “Sus, akala ko naman kung ano! Okay lang ’yan. Maiintindihan ’yan ng parents mo,” sabi pa nito ngunit hindi iyon nagustuhan ni Gio.

“Nasasabi mo lang ’yan kasi kasama ka sa top,” naiiyak pang aniya.

“Hindi naman ako palaging kasama sa top, a! Ngayon nga lang ako nakasali, e,” sagot naman nito. “Pero kahit kailan naman hindi ako pinagalitan nina mama at papa dahil lang doon. Sa katunayan, palagi nilang sinasabi na may ibang pagkakataon pa naman para bumawi, kaya nga nagsipag ako sa markahang ito. Pinaghirapan ko itong pagiging top ko kahit hindi ako matalino at alam kong kaya mo rin ’yon, Gio,” pang-aalo pa nito sa kaniya.

“Natatakot kasi ako na baka magalit ang papa. Ako lang ang hindi kasali sa top sa aming magkakapatid.” Napayuko pa si Gio habang iniisip kung ano ang magiging reaksyon ng amang OFW na kauuwi lang galing sa ibang bansa. Gusto pa naman sana niyang maging proud ito sa kaniya lalo na at bihira lang niya itong nakasama dahil sanggol pa lang siya nang mangibang bansa ito. Dahil doon ay hindi niya tuloy alam kung paano ito magalit kaya naman malaki ang kabang nararamdaman niya ngayon.

Advertisement

“Subukan mo muna, Gio. Huwag kang masiyadong mag-isip, alam kong ’tulad ni tita ay maiintindihan ka rin ng papa mo,” pagpapalakas pa ng loob ni Fatima sa kaniya.

Nang makauwi sa kanilang bahay ay dahan-dahang lumapit si Gio sa ama upang magmano. Halatang-halata sa kaniyang mukha ang pagkabagabag, lalo na nang mapansin iyon ng kaniyang ama.

“May problema ba ang bunso ko? Bakit ganiyan ang hitsura mo, anak?” tanong nito. Hindi naman agad nakasagot si Gio, bagkus ay nakayuko niyang iniabot dito ang kaniyang card.

“S-sorry po, papa, pero wala po ako sa top…” nauutal na pag-amin niya.

Sinubukan niyang sulyapan ang reaksyon nito at ganoon na lang ang pagkalabog ng dibdib niya nang makitang biglang napakunot ang noo nito habang tinitingnan ang kaniyang report card.

“Sorry po talaga, papa kung hindi ako katulad nina ate at kuya na parehong matatalino. Promise po, pipiltin kong bumawi sa—” ngunit bago pa man maituloy ni Gio ang sasabihin ay pinutol na iyon ng kaniyang ama.

“Anak naman, akala ko kung napapaano ka!” tila nakakahinga nang maluwag na sabi nito. “Hindi ka naman pala bagsak at matataas pa rin naman ang nakuha mong marka. Masiyado mo namang pine-pressure ang sarili mo,” sabi pa nito na napahawak pa sa dibdib dahil sa pag-aalala sa anak.

“Anak, tatandaan mo sana na hindi basehan ang talino o grado sa eskuwela kung sino ang magiging paborito ko sa inyong magkakapatid dahil pantay-pantay kayo sa paningin ko. Mahal ko kayong tatlo, kahit pa hindi ko kayo laging nakakasama noon. Huwag mong iisiping magagalit ako dahil lang dito,” sabi pa ng kaniyang ama na ikinagulat ni Gio.

Advertisement

Agad na nangilid ang luha niya sa narinig na mga sinabi ng ama lalo na at hindi niya iyon inaasahan. Kinabahan lang pala siya para sa wala! Dahil doon ay napayakap siya dito at paulit-ulit na nagpasalamat.

“Maraming salamat po, papa. Akala ko po talaga, magagalit kayo,” sabi ni Gio na ikinatawa pa ng ama.

“Ang totoo n’yan, anak, balak ko pa nga kayong ayaing kumain sa labas dahil napakagagaling n’yong lahat. Ang tataas ng marka n’yo. Talong-talo n’yo ako noong ako’y estudyante pa lang dahil medyo mahina ako sa eskuwela. Palagi nga akong napapalo ng lolo n’yo,” tumatawa pang sabi nito, ngunit sa narinig ay nakaramdam ng awa si Gio sa ama.

Ngayon ay alam niya na kung bakit ganito ito sa kanilang magkakapatid. Iyon ay dahil naranasan nitong maikumpara at ayaw nitong maranasan nila iyon. Doon ay napagtanto ni Gio kung gaano sila kasuwerte sa ama, kaya naman ipinangako niya na lalo niya pang pagbubutihin ang pag-aaral at ipadarama niya rito kung gaano nila ito kamahal.