
Napakalupit sa Kaniya ng Among Babae Pagkatapos ay Darating pa ang Stepdaughter Nito; Magugulat Siya sa Sasapitin Niya sa Kamay Nito
Sariwa pa ang mga pasa at sugat na tinamo ni Pilar sa kamay ng ikalawang asawa ng kaniyang among lalaki na si Mrs. Victorina Fernandez, ngunit napipilitan na siyang magtrabaho agad nang ganoon kabigat dahil darating daw ang nag-iisang tagapagmana ng pamilya ng mga ito… walang iba kundi ang anak ng kaniyang among si Mr. Joaquin Fernandez sa una nitong asawa na nagngangalang Joana.
Ang totoo ay kinakabahan nga si Pilar sa maaaring mangyari sa kaniya at sa kaniyang mga kapwa katulong sa bahay na ’yon dahil ayon sa usap-usapan, kung malupit ang kanilang Madam Victorina ay mas malupit daw dito si Joana. Hindi alam ni Pilar kung kakayanin pa ba niya kung pati ito ay pagmamalupitan sila. Hindi naman kasi nila magawang umalis na lang basta sa pangangamuhan doon dahil sa laki ng sweldo’t mga benepisyong maaari nilang makuha sa pagtatrabaho sa pamilya ng mga Fernandez, lalo pa at malaki ang pagkakautang ni Pilar sa mga ito. Sila kasi ang sumagot sa pagpapagamot sa kaniyang kapatid nang magkasakit ito nang malubha kaya naman ngayon ay tila wala na siyang kawala pa sa kanila. Tuloy, kahit halos lagnatin na si Pilar dahil sa lumalalang lagay ng kaniyang mga sugat ay hindi niya magawang tumigil at magpahinga dahil alam niyang siya rin ang malilintikan.
Eksaktong katatapos lamang nilang maglinis ng bahay nang biglang ianunsyo ng guwardiya na nariyan na raw si Miss Joana kaya naman hindi na nakahuma pa ang mga katulong na sina Pilar at yumukod na lang hanggang sa ito ay makapasok na ng bahay… ngunit tila pinaglalaruan ng tadhana si Pilar, dahil sa mismong pagpasok pa ng kaniyang bagong amo ay bigla siyang nabuwal sa kinatatayuan niya at unti-unti siyang nawalan ng malay.
Nagising na lamang si Pilar na siya ay nasa isang silid na narerekognisa niyang silid sa ospital dahil sa mga aparatong naroon at sa amoy ng paligid. Gusto niya sanang tumayo sa kinahihigaan ngunit hindi niya magawa dahil sa nararamdamang pagkirot ng kaniyang mga pasa at sugat. Nagpalinga-linga na lamang siya sa paligid at ganoon na lang ang gulat niya nang sa isang maliit na parte ng pinto na natatakpan ng salamin ay mayroon siyang namataang mga pigura ng pulis sa labas ng kaniyang silid!
Agad na rumagasa ang takot sa damdamin ni Pilar. Alam niya kung gaano kalawak ang koneksyon ng kaniyang mga amo kaya naman kinakabahan siyang isipin na baka ipahuhuli siya ng mga ito sa anumang dahilang maisip nila at alam niyang wala siyang ilalaban doon. Kaya naman bigla siyang nataranta. Nasa ganoong sitwasyon siya nang biglang pumasok sa kaniyang silid ang bagong among si Miss Joana at nagulat ito nang makitang gising na siya.
“Oh my gosh, Pilar, gising ka na!” sabi nito. Ipinagtaka pa ni Pilar ang nakitang pag-aalala sa mukha ng amo, lalo na nang lumapit ito sa tabi niya. “Kumusta ang pakiramdam mo? Ayos ka na ba?”
Tumango siya bilang tugon sa amo. “M-madam, bakit po may mga pulis sa labas? I-ipapahuli n’yo po ba ako dahil hindi ko nagawa nang maayos ang trabaho ko? N-nakikiusap po ako, huwag po—”
“Ano kamo? Bakit ko naman gagawin ’yon?” Nabigla siya sa isinagot ni Miss Joana. “Ang mga pulis na ’yan ay ipinatawag ko para makuhanan ka nila ng statement dahil sasampahan ko ng kaso ang madrasta ko dahil sa ginawa niya sa ’yo at sa iba pang kasambahay sa mansyon ng papa ko. Ikaw ang naagrabyado, Pilar, kaya bakit naman kita ipakukulong?” dagdag pa nito na halos magpalaglag ng panga ni Pilar.
“Naiintindihan ko ang takot na nararamdaman mo sa mga miyembro ng pamilya namin, Pilar, pero ipinapangako ko sa ’yong iba ako. Kung ano man ang balitang narinig n’yo tungkol sa akin ay siguradong pakana lang ’yon ng madrasta ko,” saad pa nito at doon ay naliwanagan naman si Pilar.
Naging kakampi nilang mga kasambahay si Miss Joana sa laban nila kay Madam Victorina at sa tulong nito ay nakamit nila ang tamang hustisya. Simula noon ay hindi na nila naranasan pang muli ang pagmamalupit na dinanas nila sa kanilang dating amo na sa kabutihang palad, ngayon ay nakapiit na sa likod ng bakal na selda at pinagbabayaran ang lahat ng kasalanang ginawa nito sa kanila, lalong-lalo na kay Joana.