Inday TrendingInday Trending
Nagtanim Siya ng Galit sa Kaniyang Ama; May Tiyansa pa kaya Siyang Bumawi nang Mapagtanto Niya ang Pagkakamali?

Nagtanim Siya ng Galit sa Kaniyang Ama; May Tiyansa pa kaya Siyang Bumawi nang Mapagtanto Niya ang Pagkakamali?

“Charlize, bakit naman gabing gabi ka na nakakauwi? May problema ba sa opisina?” usisa ng kaniyang ama nang mabungaran niya ito na nanonood ng TV.

“‘Tay, pwede ba, matanda na ako, pwede ko na gawin ang lahat ng bagay na gusto ko,” irap ni Charlize sa ama.

Pinigil niya ang bugso ng awa na nadama nang makita ang malungkot na mukha ng kaniyang ama. Hindi naman ito nagsalita at ipinako lang ang mata nito sa TV.

“Kumain ka na ba, anak?” muling tanong ng ama. Nakita niya na iika-ika itong naglakad papuntang kusina.

“Sabayan mo ako, hinintay talaga kita,” nakangiting yaya nito.

“Hindi na ho, wala ho akong gana,” tanggi niya sa alok ng ama.

Narinig niya ang pagbuntong hininga ng ama.

Aakyat na sana si Charlize nang may maalala.

“‘Tay, nakainom ka na ba ng gamot mo ngayong araw?” lingon niya sa ama.

“Oo, anak. Hindi ko naman nakakalimutan–”

Hindi niya na tinapos ang sinasabi ng ama dahil tumalikod na siya at umakyat sa kaniyang silid.

Hanggang ngayon ay galit siya sa ama. Ito pa rin kasi ang sinisisi niya sa pagkawala ng kaniyang ina dalawang taon pa lang ang nakalilipas.

Ito ang nagmamaneho nang maaksidente ang sinasakyan nito at ng kaniyang ina.

Ang kaniyang ina ay agad na nasawi mula sa insidente. Sa kabutihang palad, nakaligtas ang kaniyang ama subalit simula noon ay iika-ika na itong maglakad.

Alam niya naman na hindi gugustuhin ng kaniyang ama na mapahamak ang kaniyang ina subalit hindi niya pa rin talaga matanggap na kahit kailan ay hindi niya na makikitang muli ang ina. Hindi na magiging buo pa muli ang kanilang pamilya.

“Miss na miss na kita, Nanay,” naluluha niyang minasdan ang larawang nakapatong sa tabi ng kaniyang kama. Makikita doon ang malaking ngiti niya, ng kaniyang ama, at ng kaniyang ina.

Nakatulugan na ni Charlize ang pag-iyak.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay bumangon na si Charlize upang maghanda ng pagkain para sa kaniyang ama na mag-isang maiiwan sa bahay.

Nakatulala niyang inuubos ang kaniyang kape nang pumasok ang kaniyang ama sa kusina.

“Magandang umaga, anak!” masiglang bati ng kaniyang ama.

Matabang na tinanguan niya lamang ang ama.

Umupo ito sa kaniyang harap.

“Anak, baka naman pwedeng itimpla mo ako ng kape? Miss na miss ko na ang kape na itinitimpla ng nanay mo. Naalala ko, masarap ka rin magtimpla ng kape, hindi ba?” paglalambing ng kaniyang ama.

May nadamang inis si Charlize nang marinig na binanggit ng kaniyang ama ang kaniyang nanay.

“Wala na si Nanay, kaya hindi mo na matitikman ang kape niya. Magtimpla ka ng sarili mong kape mo, papasok pa ako sa trabaho, Tatay!” pigil ang inis na iniwan niya ang ama mag-isa sa kusina.

Naiwang may malungkot na ngiti ang kaniyang ama sa kusina. Hindi kasi nito alam kung kailan siya mapapatawad ng anak dahil sa pagkawala ng ilaw ng kanilang tahanan.

Hindi nito alam kung maibabalik pa nito ang samahan nila ng anak na malaki na ang lamat.

Hanggang makapasok sa opisina ay nakasimangot pa rin si Charlize.

“Bakit simangot ka na naman, Charlize?” bungad sa kaniya ng kaibigang si Rose.

“Si Tatay kasi, binanggit si Nanay!” nakalabing sumbong niya sa kaibigan.

Kumunot ang noo ng kaibigan.

“At anong nakakagalit doon?” tanong nito.

Hindi nakapagsalita si Charlize. Napagtanto niya kasi na marahil kagaya niya, malamang ay namimiss na rin ng kaniyang ama ang kaniyang nanay.

“Charlize, nakita ko na ang pamilya mo bago pa pumanaw ang nanay mo. Nakita ko kung gaano siya kamahal ng tatay mo. Sigurado ako na hindi niya rin ginusto na mawala ang nanay mo. Walang may kasalanan sa nangyari, Charlize,” malumanay na paliwanag ng kaniyang kaibigan.

“Sigurado ako na miss na miss ka na ng tatay mo,” dagdag pa nito.

Naiwan si Charlize na nangingilid ang luha. Tama naman kasi ang kaibigan.

Kaya naman noon din ay napagdesisyunan niya na kalimutan na ang nangyari at muling ibalik ang dating samahan nila ng kaniyang ama. Miss na miss niya na ito. Hihingi siya ng tawad at babawi sa ama.

Nagtipa siya ng mensahe para sa ama.

“Tatay, ‘wag mo pong kalimutan inumin ang gamot mo.”

Naghintay siya ng mensahe mula sa ama subalit isang oras na ang lumipas ay hindi pa rin ito sumasagot.

Ipinagkibit balikat niya lamang iyon.

Kasalukuyang kumakain ng tanghalian si Charlize nang makitang tumatawag ang ama.

Malaki ang ngiting sinagot niya ang tawag.

“‘Tay, kumusta po? Kumain ka na ba ng tanghalian?” bungad niya sa ama.

Agad na napalis ang ngiti niya nang isang ‘di-kilalang lalaki ang sumagot.

“Kilala niyo ho ba ang pasyente? Kailangan niyo hong pumunta sa Ospital ng San Lazaro ngayon din!” nagmamadaling wika ng lalaki. Pagkatapos ay natapos na ang tawag.

Halos liparin ni Charlize ang daan papunta sa ospital.

Sa ospital ay sinalubong siya ng masamang balita.

Wala na raw ang kaniyang ama. Inatake raw ito sa puso habang naglalakad sa parke.

Sinubukan itong iligtas ng mga doktor subalit huli ang lahat.

Hindi na raw pala umeepekto ang mga gamot na iniinom nito.

Tila pinagsakluban ng langit at lupa si Charlize. Paano niya malalaman ang tunay na kondisyon ng ama gayong dalawang taon niya itong itinuring na parang hangin?

Magsisi man si Charlize ay huli na ang lahat. Hindi man lang siya nakahingi ng tawad at nakabawi sa kaniyang ama.

Matapos umiyak ng mahabang oras sa tabi ng kaniyang walang buhay na ama ay umuwi si Charlize upang asikasuhin ang burol ng ama.

Sa lamesa ay nakita niya ang isang tasa ng kape.

Malamig na iyon at halos hindi nabawasan. Nahinuha niya na ito ang kape na itinimpla ng kaniyang ama.

Nang tikman niya ang kape ay muli siyang napaluha. Masyado kasing mapait iyon para sa panlasa ng kaniyang ama. Gusto nito na manamis-namis ang kape nito.

Napaupo si Charlize. Naaala ang hiling ng kaniyang ama na ipagtimpla ito ng kape.

“Kung alam ko lang na huli na pala iyon, sana ay ipinagtimpla ko siya ng kapeng gustong gusto niya,” humihikbing wika ni Charlize.

Masakit para kay Charlize ang nangyari. Nawala ang kaniyang ama nang hindi man lang niya nasasabi kung gaano niya ito kamahal.

Ngunit isang mahalagang aral ang natutunan niya: hindi sigurado ang mga mangyayari sa bawat araw. Kaya naman sulitin ito kasama ang iyong mga mahal sa buhay.

Advertisement