Akala Niya ay Nakatagpo na Siya ng Tunay na Kaibigan; Ngunit Bakit tila Hindi yata Tapat ang Intensyon Nito?
Mag-isang nakaupo at tahimik na nagbabasa si Erika sa pinakadulong parte ng library kung saan walang makakakita sa kaniya.
“Hi, Erika! Bakit mo naman ako tinakasan?” Nasira ang tahimik na atmospera sa paligid nang marinig na naman ni Erika ang matinis na boses ng kaklase niyang si Pia.
Mabuti na lang ay hindi ito naririnig ng librarian dahil malayong bahagi sila ng library.
“Sinundan mo na naman ba ako?” mataray na tanong ni Erika na inangat ang tingin sa babae.
“Bakit naman kita susundan?” bakas ang pagsisinungaling sa mukha at tinig ng makulit na babae habang nagsasalita ito. Umupo ito at nagsimula ring magbasa.
Napabuntong-hininga na lamang si Erika dahil sa kakulitan ng kaklaseng si Pia.
Palagi siyang kinukulit ni Pia at sinasabing gusto siya nitong maging kaibigan. Simula pa lamang ng unang pasukan ay nagpakilala na ito sa kaniya. Magkasabay kasi silang nalipat sa school na iyon.
Pareho raw kasi silang bagong salta nito kaya tiyak daw nito na magkakasundo sila. Hindi naman iyon pinaniwalaan ni Erika kaya patuloy niya na iniwasan si Pia.
Tumayo na si Erika at nagsimulang maglakad palabas ng library. Napabungtong hininga na lamang siya nang maramdaman ang presensya ni Pia na sumusunod sa kaniya.
Nagulat na lang siya nang bigla na lang humarang sa daraanan niya sina Chloe at Cindy, ang mga pahirap sa buhay niya.
Kunwa’y aksidenteng natapunan siya ng tubig na hawak ni Chloe.
Iba’t ibang klase ng reaksyon ang narinig niya mula sa nga nakakita ng kamalditahan ng dalawa, subalit walang ni isa mang nagtanggol sa kaniya. Marahil ay takot ang mga ito na mapag-initan ng dalawa.
“Ay! Sorry, hindi kita nakita e,” maarteng wika ni Chloe na sinundan ng tawa ni Cindy.
“Anong klaseng katangahan ‘yon?” nagulantang ang lahat kay Pia na masama ang tingin sa dalawang babae.
“Sino ka ba? Paano ka napadpad na school na ‘to? Mukha ka namang mahirap,” nandidiring tiningnan ni Cindy si Pia.
“Ang papangit talaga ng mga ugali ninyo,” pasaring ni Pia saka hinigit ang kamay ni Erika palayo sa lugar na iyon.
Matapos magpalit ng damit ni Erika ay dinala siya ni Pia sa garden ng kanilang eskwelahan. Naupo sa damuhan si Pia ngunit hindi gumagalaw si Erika at pinagmamasdan lamang ang mga bulaklak.
“‘Di mo alam na may ganito sa school, ‘no?” pagyayabang ni Pia nang lingunin nito si Erika.
Hindi ito pinansin ng dalaga kaya napanguso ang babae. Nanatili lamang si Erika na nakatitig sa naggagandahang mga bulaklak.
“Dito ako lagi nakatambay simula nang malaman kong may ganito palang lugar dito. Presko, mahangin, ang ganda pa ng mga halaman. Saka walang mga malditang mambubulabog,” pagbasag ni Pia sa katahimikan.
“Mahilig ka ba sa halaman?” tanong ni Erika saka mahinhin na umupo sa damuhan katabi ni Pia.
“Hindi masyado. Nag-aalaga kasi ang lola ko ng maraming halaman, mas mahal niya pa yata sila kaysa sa akin,” pagbibiro ni Pia, dahilan upang mapangiti si Erika.
Agad ring tinanggal ni Erika ang ngiti sa kaniyang labi dahil baka kulitin pa siya ni Pia.
Ngunit nakita na pala nito.
“Uy! Nakita ko ‘yun, friends na ba tayo niyan?” pambubuska sa kaniya ni Pia.
“‘Wag ka ngang maingay,” irap ni Erika sa babaeng nagpipigil na tawa.
Napangiti sa sarili si Pia dahil hindi man ito kinumpirma ni Erika, hindi niya rin ito itinanggi.
Iyon ang naging simula nang unti unting pagkatunaw ng yelong bumabalot sa puso ni Erika. Unti-unti niyang napagtanto sa sarili na gusto niyang maging kaibigan si Pia, ang nag-iisang taong nagtanggol sa kaniya.
Komportable siya kapag kasama niya si Pia. Nakukuha niyang tumawa dahil dito.
Simula kasi nang mamat*y ang nag-iisang kapatid ni Erika ay nagtago siya sa mundo sa matagal na panahon. Nagbago rin ang pakikitungo niya sa tao.
Kaya naman masaya siya sa pagdating ni Pia sa kaniyang mundo. Nakuha niya pa nga itong ikuwento kay Pia dahil itinuturing niya itong nag-iisang kaibigan.
Sa wakas ay nagkaroon na ng kulay muli ang mundo ni Erika. Hindi na siya nag-iisa.
Isang araw ay inaya ni Erika si Pia sa bahay nila para ipakilala niya ito sa pamilya niya.
Masaya si Erika dahil napakaganda ng pakikitungo ng mga ito kay Pia. Halatang gusto ng mga ito ang bago niyang kaibigan.
“Sa susunod ay ako naman ang pupunta sa inyo, Pia. Kasama sila Daddy at Mommy,” masiglang sambit ni Erika sa kalagitnaan ng pagkain.
Biglang nasamid si Pia sa iniinom.
“Ayos lang ako, pasensiya na po,” natatawang sambit ni Pia.
“Hindi ba’t sabi mo ay malapit lang naman ang bahay mo? Gusto kong makita kung gaano kalaki ang kwarto mo, doon tayo matutulog sa inyo,” excited na wika ni Erika.
Tumango-tango lamang si Pia sa kaniya at tahimik na kumain muli.
Buong gabi na magkasama sila ay para bang nagpalit sila ng pagkatao dahil sa biglang pananahimik ni Pia.
Hanggang sa paghatid ni Erika kay Pia palabas ay hindi din ito masyadong nagsalita at ngumiti lamang kay Erika saka sumakay sa kaniyang lumang bisikleta.
Kinabukasan ay magkasama silang kumain ngunit sandaling nagpaalam upang magbanyo si Pia.
Nakita niya na papalapit si Chloe at Cindy. Hinanap agad ng paningin niya ang kaibigan.
“Sigurado ka bang kilala mo ‘yang bestfriend mo, Erika?” misteryosong tanong ni Chloe sa kaniya.
Kumunot ang noo ni Erika.
Inilabas ni Cindy ang isang litrato nito at nakita niya doon ang kaniyang Mommy at Daddy na may inaabot na isang makapal na sobre kay Erika.
“Hindi ka naman itinuturing na tunay na kaibigan ni Pia e. Kinaibigan ka lang niya para sa pera. Siguro naawa sa’yo ang parents mo dahil nawalan ka ng kasama nang mamat*y ang kapatid mo!” nang-uuyam na bulong ni Cindy bago umalis na ang mga ito.
Natulala si Erika. Hindi niya alam aano nakarating sa dalawa ang nakaraang tinatakasan niya.
Sakto namang nakita niya ang kaibigan.
“Totoo ba na binayaran ka ng magulang ko para makipagkaibigan sa’kin?” umiiyak na kompronta niya sa kaibigan.
Namutla si Pia. Hindi ito nakapagsalita. Hindi nito ikinaila ang kaniyang alegasyon.
Doon niya nakumpirma ang hinala. Umiiyak na iniwan niya ang taong akala niya ay magiging tunay niyang kasangga sa buhay.
Bumalik ang dating Erika na walang buhay at walang pakialam sa paligid.
Dinadaan daanan niya lang ang dating kaibigan na parang hangin. Masakit para sa kaniya ang nagawa nito.
“Erika, kausapin mo naman ako,” nagmamakaawa ang boses ni Pia.
Nagulat siya nang lumuhod ito sa kaniyang harapan.
Naisip ni Erika na oras na siguro para masagot na rin ang kaniyang mga tanong. Kung bakit ito nagawa ni Pia sa kaniya.
“Bakit? Pia, itinuring naman tunay na kaibigan, ikaw lang ang nag-iisa kong kaibigan,” tanong ni Erika gamit ang mahina niyang boses.
“Erika, dapat ay hindi ka naniwala sa kanila. Oo, noong una ay sinabi ng magulang mo na babayaran nila ako kapag kinaibigan kita dahil nangangailangan din ako ng pera. Hindi kami mayaman, Erika. Pasensiya na dahil nagsinungaling ako,” pagsisimula ni Pia. Hinawakan nito nang mahigpit ang kamay ni Erika.
“Iyong litratong iyon ay nakuhanan noong ibinabalik ko ang pera ng Mommy mo. Ayoko nang lokohin ka kasi itinuring na rin kita na totoong kaibigan!”
Umiiyak na ang magkaibigan.
“‘Wag mong sisisihin ang mga magulang mo, ha? Gusto lamang nila na hindi ka nag-iisa, masaya, at nasa maayos na lagay ka,” unti-unting bumitaw si Pia sa kamay ni Erika at tumayo.
“Ayos lang kung magagalit ka sa akin, gusto ko lamang magpaliwanag. Sana ay mapatawad mo ako, Erika,” pakiusap ni Pia bago ito naglakad palayo.
Naiwang lumuluha si Erika. Nakapagdesisyon na siya.
“Pia, may naghahanap sa’yo!” sigaw ng Lola ni Pia nang hanapin niya ito.
“E-erika! Bakit ka nandito?” bulalas ng nagulat na si Pia nang mabungaran siya. Natatarantang pinapasok siya nito sa maliit na bahay.
“Hija, ikaw pala si Erika, buti na lamang at bumisita ka. Palagi na lang kasi busangot ang mukha niyan ni Pia dahil miss ka na raw niya,” natutuwang pahayag na matanda.
Napangiti si Erika sa narinig. “Na-miss ko rin po ang kaibigan ko.”
Nagkatinginan ang magkaibigan at sabay na lumapit sa isa’t-isa upang magyakap.
“Kaibigan pa rin kita, Pia. Naniniwala ako na totoong gusto mong maging kaibigan ko. Hindi man naging maganda ang simula natin ay pwede naman tayo bumawi,” hinawakan niya ang kamay ng kaibigan.
Ang pangyayaring iyon ay nagpatibay sa pagkakaibigan ng dalawa. Naging kasama nila ang isa’t isa sa oras ng lungkot at ligaya.
Tunay ngang mas maligaya ang buhay sa piling ng mga tunay na kaibigan.