Inday TrendingInday Trending
Lumayas ang Binata dahil sa Pagtutol ng Ama sa Kaniyang Pangarap; Pag-Uwi Niya ay Ito ang Kaniyang Matutunghayan

Lumayas ang Binata dahil sa Pagtutol ng Ama sa Kaniyang Pangarap; Pag-Uwi Niya ay Ito ang Kaniyang Matutunghayan

“Anong pumasok sa kokote mo para mag-iba ng kurso? Anong magagawa ng pagpipinta mo? Mapapakain ka ba niyan? Ni hindi nga gano’n kaganda ang mga gawa mo, e! Bakit kasi hindi ka na lang makinig sa amin ng mama mo? Magiging doktor ka tulad namin!” halos mapatid ang litid ni Dok Joel sa kaniyang anak na si Ken.

“Pinilit ko naman, dad. Ilang taon nga ako sa pre-med. Pero tingnan niyo naman, may napala ba ako? Hindi ko gusto na maging isang doktor. Bakit hindi niyo na lang kasi tanggapin na hindi ako kasing talino niyo ni mommy!” sagot naman ni Ken sa ama.

“At sumasagot ka pa?! Ano ang gusto mo? Maging isang pintor? Hindi propesyon ang isang pagguhit lamang! Ano na lamang ang sasabihin ng mga tao? Parehas kaming doktor ng mommy mo kaya kailangan ay maging doktor ka rin! Sino ang magmamana ng lahat ng sinimulan namin ng mommy mo, Ken? Mag-isip ka naman nang hindi para sa sarili mo lang!” sigaw muli ng ama.

Galit nagalit ni Dok Joel nang malaman kasi niyang tuluyang nagshift na ng kurso ang kaniyang anak mula sa pagdodoktor patungong fine arts. Labag kasi talaga sa kalooban ng binata na mag-aral ng medisina. Ngunit dahil sa parehas na doktor ang kaniyang mga magulang ay inaasahan ng lahat na magiging isang magaling na doktor din siya tulad ng mga ito.

Ngunit ang tanging pangarap lamang ni Joel ay maging isang pintor ngunit mariin itong tinututulan ng kaniyang ama.

“Ma, bakit ba hindi magawa ni daddy na tanggapin kung ano talaga ang gusto ko. Ang daya niyo naman, e. Buhay ko ito, sana ay may karapatan akong magdesisyon sa kung ano ang nais kong gawin,” umiiyak na sambit ni Ken sa kaniyang inang si Dok Riza.

“Pasensiyahan mo na ang ama mo. Iniisip lang din niya ang kinabukasan mo, anak. Alam naman natin na mas may magandang hinaharap ka kung ikaw ay magiging katulad namin ng daddy mo. Kung nahihirapan ka sa mga asignatura mo, anak, narito kami at tuturuan ka namin,” saad naman ng ina.

“Pero hindi po pagdodoktor talaga ang nais ko. Ang gusto ko ay maging isang pintor. Sa tuwing gumuguhit ako ay doon ko lamang nararamdaman na tunay akong malaya, na hawak ko talaga ang buhay ko. Ma, parang awa mo na, kausapin mo si daddy sapagkat kahit anong mangyari ay hindi na ako babalik pa sa pag-aaral ng medisina,” sambit naman ng binata.

Kahit na pinaliwanagan ng asawa ay matigas pa rin ang puso ni Dok Joel. Naninindigan siyang walang magandang hinaharap ang anak sa pagpipinta.

“Kung hindi ka susunod sa amin ng mommy mo’y mabuti pa ay tumigil ka na sa pag-aaral. Kung itutuloy mo pa ang kahibangan mong iyan ay maluwag ang pinto at maaari ka nang umalis sa poder namin. Tutal, nais mo nang paghawakan ang buhay mo, hindi ba? Tingnan natin kung kayanin mo!” mariing sambit ng ama.

Nagulat ang mag-asawa na mas pinili ni Ken na lisanin ang kanilang tahanan at ipursige ang kaniyang pangarap na maging isang pintor.

Kahit mahirap ay nagtrabaho siya upang maipagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral.

“Darating ang panahon ay babalik ako sa inyo, mommy at daddy. Makikita niyo na hindi mali ang pangarap ko!” bulong ng binata sa sarili.

Lumipas ang taon at wala na ngang naging komunikasyon si Ken sa kaniyang mga magulang. Nakikibalita na lamang siya sa mga naririnig niya tungkol sa kaniyang mommy at daddy. Tinapos niya ang kaniyang kurso at gumawa siya ng maraming obra upang patunayan ang kaniyang sarili.

Ngunit tila hindi umaayon sa kaniya ang kapalaran. Nilangaw ang kaniyang exhibit at walang bumili ng kaniyang mga obra. Lubhang nalungkot si Ken.

“Siguro nga ay wala akong kinabukasan sa larangang ito. Baka nga tulad ng sabi ng daddy ay hindi ako magaling,” sambit niya sa sarili.

Dahil pinanghihinaan ng loob ay titigil na sana siya sa pagpipinta ngunit may isang tawag ang nagpabago ng kaniyang isipan. May bumibili ng kaniyang pinakamahal na gawa.

Hindi siya makapaniwala. Dahan-dahang bumalik sa kaniya ang paghahangad muli sa pangarap hanggang sa maibenta niya ang lahat ng kaniyang likha.

Naging tanyag si Ken sa larangan ng pagguhit. Ngunit hanggang sa kaniyang pagsikat ay hindi na niya nagawa pang kausapin at balikan ang kaniyang mga magulang. Gusto sana niyang isambulat sa harapan ng kaniyang ama ang lahat ng kaniyang naabot dahil hindi ito naniwala sa kaniya kahit minsan.

Isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang ina. Mahina na raw ang ama dahil sa isang karamdaman. Nais nito na makita ang anak sa huling pagkakataon.

Agad na umuwi si Ken sa kanilang tahanan. Pagpasok pa lamang ng pinto ay agad na bumungad sa kaniya ang isang kilalang iginuhit na larawan. Ito ang pinakauna at pinakamahal niyang obra.

“P-paanong napunta sa inyo ang likha ko, ma?” tanong niya sa ina.

“Ilang taon na ang nakakalipas at nabalitaan ng daddy mo na pinanghihinaan ka raw ng loob at nais mo nang tumigil sa paggawa ng mga obra. Kaya ang ginawa niya ay binili niya ang iba sa iyong mga likha at iniregalo sa kaniyang mga kaibigan. Hanggang sa marami na ang nakapansin na maganda ang gawa mo. Iniwan niya ang obrang iyan bilang alaala mo. Hindi mo lang alam kung gaano ka ipinagmamalaki ng daddy mo, Ken,” sambit ng ina.

Napaluhod at napaluha na lamang ang binata sa kaniyang narinig. Agad niyang tinungo ang mahinang ama at agad siyang humingi ng tawad para sa paglisan niya ng maraming taon.

“Wala kang dapat ihingi ng tawad, anak. Kung hindi ka umalis ay marahil nakakulong ka pa rin sa anino namin ng iyong ina. Ako ang dapat na humingi sa iyo ng tawad sapagkat pilit kong ginagapos ang mga pakpak mo noong ang gusto mo lang ay lumipad nang mataas. Natatakot kasi ako, anak, na baka malalim ang bagsak mo at hindi ko makakayanan kung makikita kitang nahihirapan. Pero, ipinagmamalaki kita. Napakahusay mo, anak,” sambit ni Dok Joel sa binata.

Isang mahigpit na yakap ang pumawi sa lahat ng pangungulila ng mag-anak sa isa’t isa.

Mula noon ay nagbalik na si Ken sa kanilang tahanan at binuno ang mga araw na wala siya sa piling ng kaniyang mga magulang. Inalagaan niya ang kaniyang ama hanggang sa huling hininga nito. Nagagalak si Ken na sa huling pagkakataon ay nalaman niyang ipinagmamalaki siya ng kaniyang ama.

Advertisement