Pilit na Inilulugmok ng mga Kasamahan ang Isang Lalaking OFW; Hindi Sila Makapaniwala sa Mararating Nito
“Kinakabahan ako, Jodie. Wala naman akong tinapos. Paano kung hindi ko pala kaya ang trabaho sa ibang bansa pagkatapos ay pauwiin lamang din ako ng kumpanya? Maraming utang ang hindi natin mababayaran,” saad ng nangangambang si Allan sa kaniyang misis.
“Ngayon ka pa ba aatras, mahal, kung kailan paalis ka na? Hindi naman natin malalaman kung hindi mo susubukan. Saka bakit ang baba ng tingin mo sa sarili mo? Kahit na hindi ka nakapagtapos ay kabisadong-kabisado mo ang trabaho mo. Magaling ka kaya at naniniwala ako na kayang-kaya mo ‘yan!” paninigurado naman ni Jodie sa mister.
Matagal na nagtrabaho si Allan bilang isang electrician. Ngunit dahil may mga araw na wala siyang makuhang kliyente at hindi rin naman ganoon kalaki ang binabayad sa kaniya ay kinailangan na niyang humanap ng trabaho sa ibang bansa.
Lumalaki na rin kasi ang tatlo niyang anak at ilang taon pa ay magsisipag-aral na ang mga ito. Nais ng mag-asawa na maibigay sa kanilang mga supling ang magandang buhay na kanilang inaasam. Ngunit hindi ito matutupad kung aasa lamang siya sa kaniyang sinusweldo sa panahon na ito.
Kaya nagbakasakali si Allan na magtrabaho sa ibang bansa. Upang makapag-ayos ng papeles ay kinailangan niyang dumaan sa butas ng karayom. Marami din silang naibenta at naisanla na mga gamit. Hindi rin maiwasan na lumobo ang kanilang utang. Kaya suntok sa buwan ang pag-alis na ito ng ginoo. Umaasa siya na sa kaniyang pagbabalik ay magandang buhay na ang kaniyang dala para sa maiiwang mag-anak.
“Basta pagbutihin mo lang ang trabaho mo, mahal. H’wag mo kami masyadong isipin at magiging ayos lamang kami. Ako na ang bahala sa mga bata. Nariyan naman ang nanay ko para makatuwang ko sa pag-aalaga,” sambit ni Jodie habang inihahatid ang mister sa paliparan.
“Pasensiya ka na kung hindi ko pa maibigay ang maginhawang buhay. Pero tandaan mo, Jodie, balang araw ay makakamit natin ang lahat ng ating pangarap. Maraming salamat sa pagtitiwala mo sa akin!” wika naman ni Allan.
Tuluyan nang umalis ang ginoo patungong ibang bansa. Kinakabahan at nangungulila man ay pilit niya itong nilalabanan para maitaguyod ang kaniyang pamilya.
Nang makarating sa ibang bansa ay natuwa si Allan sapagkat may mga kapwa Pilipino din siyang makakasama sa trabaho. Agad siyang nakipag-usap sa mga ito ngunit ang inaasahan niyang magiliw na pagtanggap ay hindi niya nakuha.
“Balita ko ni hindi ka raw nakatapos ng kolehiyo?” saad ni Bert, matagal nang nagtatrabaho sa kumpanyang iyon.
Napayuko si Allan sa sinambit ng lalaki. Tumango na lamang siya.
“Anong gagawin ng walang pinag-aralan sa isang kumpanyang tulad nito. Hindi talaga marunong magsala ang mga tauhan dito. Pupusta ako mga pare, hindi magtatagal ng isang buwan ‘to ay mapapauwi na rin,” natatawang sambit pa ng lalaki.
Pilit na binabalewala ni Allan ang panghahamak sa kaniya ng kaniyang mga kasamahan. Madalas nga ay sa kaniya iniaatas ang mabibigat na gawain. Madalas din ay pinararamdam sa kaniya na wala siyang bilang sa kumpanyang iyon.
“Nangangatog pa ang kamay mo sa pagkakabit ng kable na iyan. Naku, hindi ka talaga tatagal sa trabahong ‘to, Allan. Kung ako kasi sa’yo ay umuwi ka na!” sambit muli ni Bert.
“Hindi ko alam, pare, kung ano ang problema mo sa akin. Pero narito ako hindi para gumawa ng gulo. Narito ako para magtrabaho at may maipadala sa pamilya ko. Pare-pareho naman tayong gusto lamang ay bigyan ng magandang buhay ang pamilya natin. Kapwa Pinoy tayo pero kung tratuhin niyo ako ay masahol pa sa krim*nal. Wala naman akong ginagawa sa inyo,” sambit ni Allan na hindi na nakatiis as pang-aalipusta ng mga kasamahan.
“Ang tulad mo kasing mababa ang pinag-aralan ay hindi dapat naririto. Hindi porket naging isang pipitsuging electrician ka na sa ‘Pinas ay p’wede ka nang sumabak dito sa ibang bansa. Hinding-hindi mo kami mauungusan!” giit muli ni Bert.
“Hindi ako nakikipag-ungusan. Ang gusto ko lang ay magtrabaho nang maayos. Bahala kayo riyan kung ayaw niyo,” pahayag ni Allan sabay talikod sa mga ito at pinagpatuloy ang kaniyang ginagawa.
Isang araw ay may nakatakdang proyekto ang grupo nila Bert kasama si Allan. Hindi man lamang pinapaliwanag ng maayos ni Bert ang dapat gawin ng ginoo. Ang nais kasi nito ay maramdaman ni Allan na wala siyang halaga sa trabaho.
Ngunit may napansin si Allan sa plano ng proyekto.
“Hindi tama na dito nakalagay ang mga kuryenteng ito. Magiging delikado. Kailangan ay baguhin ang plano, may imumungkahi ako,” wika ni Allan.
Ngunit hindi man lamang ito pinansin ni Bert.
“H’wag kang magmagaling, Allan. Iba ang planong ito kaysa sa mga ginagawa mo sa Pilipinas. Manahimik ka na lamang diyan!” sambit ng kasamahan.
Dahil hindi makatiis si Allan na mali ang kanilang gagawin ay pilit niyang iniba ang plano nang hindi nakatingin ang mga ito.
Nang makita ng kanilang boss na naiba ang plano ay nagulat ito.
“Sino ang gumawa nito sa plano na idiniseniyo ko?” sigaw nito.
Lahat ay natahimik at napaatras. Napangiti si Bert dahil pagkakataon na niyang maidiin ang kawawang si Allan.
“Si Allan, boss. Siya lang naman ang kanina pa nangungulit na palitan ang plano. Pinigilan ko siya ngunit hindi siya nakikinig,” pahayag ni Bert.
“Allan, hindi ako makapaniwala na iniba mo ang plano ko. Umalis ka na sa pangkat na iyan!” wika ng kanilang amo.
Halos umabot hanggang tainga ang ngiti ni Bert sapagkat sa wakas ay napatunayan niyang wala talagang ibubuga itong si Allan.
“Umalis ka na sa pangkat na iyan dahil itinataas ko na ang iyong posisyon. Ikaw na ang magiging manager ng lahat ng pangkat,” dagdag pa ng banyagang amo.
“N-ngunit hindi ko po maintindihan,” gulat na pahayag ni Allan.
“Isa itong pagsubok para sa inyong lahat. Gusto ko kasing malaman kung gaano ba talaga kalawak ang inyong kaalaman pagdating sa inyong trabaho. Nagagalak ako na hindi mo lang basta alam ang trabaho mo, may malasakit ka pa sa iba,” tugon ng amo.
“Tama ang iyong naisip na gawin sapagkat magiging delikado talaga kung susundin ang disenyong ito. Dahil diyan ay itinataas ko na ang posisyon mo. At kayo naman, kay tatagal niyo na sa trabaho ninyo ay hindi niyo pa magawa-gawa ng maayos. Anong klase kayong trabahador?” wika pa ng ginoo.
Laking gulat ni Allan na sa maiksing panahon ay napatunayan niya ang kaniyang angking galing at tunay na kakayahan. Laking pagkapahiya at dismaya naman ang naramdaman ni Bert dahil sa nangyari.
Nang mabalitaan ni Jodie ang nangyari sa kaniyang asawa ay labis siyang natuwa. Sa pagtaas din kasi ng posisyon ng asawa ay pagtaas din ng sahod nito. Hindi kalaunan ay nakabayad na sila ng kanilang mga utang at nakapagpundar pa ng sariling bahay, sasakyan, at mga negosyo.
Napatunayan ni Allan na hindi hadlang ang antas ng pinag-aralan sa pagkamit ng mga pangarap sa buhay.