Nagkasakit ang Anak ng Albularyo at Ipinagpalagay Niyang Ginantihan Siya ng mga Mangkukulam na Nagapi Niya; Mapagaling Kaya Niya ang Kaisa-isang Anak?
Sikat na sikat si Mang Gusting bilang pinakamahusay na albularyo sa Baryo Baybay. Kayang-kayang pagalingin ni Mang Gusting ang mga nausog, ang mga nakulam at nabarang gamit lamang ang kaniyang mahiwagang langis, mga dasal, mga tapal-tapal na dahon, at iba pang mga orasyon. Natutuhan niya ito sa kaniyang mga ninuno, na nagpasa sa kaniya.
“Mang Gusting, lumaki po ang bibig ni Aling Alma, mukhang kinulam dahil sa pagiging mahadera at tsismosa…”
“Mang Gusting, may lumabas na daga sa mister ko…”
“Mang Gusting, gusto ko pong ipangulam ang kabit ng asawa ko…”
Hanggang sa isang araw, nagkasakit ang kaisa-isang anak nila ng kaniyang kabiyak na si Nana Olang na si Jepoy, 15 taong gulang. Isang umaga, nagising na lamang ito na masakit na masakit ang tiyan at namimilipit sa sakit. Mataas din ang lagnat nito. Nakailang tapal na siya ng dahon ng tuba sa tiyan at noo nito, subalit hindi pa rin talaga humuhupa ang sakit at taas ng lagnat.
“Baka nabati ito ng mga kaaway ko. Baka ginagantihan ako ng mga nagapi ko sa kulam,” nababahalang bulong ni Mang Gusting sa kaniyang kabiyak.
“Naaawa na ako sa ating anak, Gusting. Hindi kaya… baka kailangan na nating itakbo sa ospital?” naiiyak na payo ni Nana Olang sa kaniyang mister.
“Nahihibang ka na ba, Olang? Bakit kailangan nating dalhin sa ospital si Jepoy? Alam mo naman mula’t sapul na hindi ako bilib sa mga doktor na iyan. Sasaksakan lang nila ng kung ano-anong kemikal ang katawan ng anak natin, at alin? Tiyak bang gagaling? Baka mas mapahamak pa si Jepoy kaysa sa maging mabuti ang kalagayan,” tanggi ni Mang Gusting.
Hindi na lamang kumibo si Nana Olang. Sa kanilang sambahayan, nasusunod ang anumang sasabihin ni Mang Gusting. Konserbatibo ito sa maraming mga bagay, katulad na lamang ng pagpapadala ng isang maysakit na tao sa ospital. Naniniwala kasi siyang “pera-pera” lamang doon.
Malalim ang hugot dito ni Mang Gusting. Lumaki siyang walang tiwala sa mga doktor at hospital. Nawala sa mundo ang kaniyang nanay dahil sa nagkamali ang doktor sa naging pagsusuri sa karamdaman nito; palibhasa, sila ay walang pambayad sa bill. Hindi naasikaso nang maayos dahil sa kawalan ng salapi.
Niyakap na ni Nana Olang ang kanilang kaisa-isang anak na si Jepoy, na namumutla na at tinatakasan na ng kulay. Namimilipit na ito sa labis na sakit na nararamdaman sa kaniyang tiyan. Si Mang Gusting naman ay abala sa pag-usal ng isang natatanging orasyon pangontra sa mga nagtatangkang paghigantihan siya, dahil sa paglipol niya sa mga masasamang elemento ng pangungulam at pambabarang.
Hanggang sa…
“Gusting! Si Jepoy… nangingisay na! Itakbo na natin siya sa ospital!” lumuluhang pakiusap ni Nana Olang sa mister.
Hindi nagpatinag si Mang Gusting. Kinuha niya ang buntot-pagi.
“Kailangan ko nang gawin ito. Mukhang malakas ang kalaban natin at lubhang pinahihirapan ang ating anak,” sabi ni Mang Gusting. Nanlaki ang mga mata ni Nana Olang.
“Hindi ako papayag na gagawin mo ang bagay na iyan sa anak natin! Nasasaktan na nga siya, hahampasin mo pa niyan? Hindi nakukulam o sinasaniban ng masamang elemento si Jepoy. Itatakbo ko siya sa ospital kung ayaw mong gawin! Ako ang kikilos!” galit na galit na sabi ni Nana Olang. Humingi siya ng tulong sa kanilang kapitbahay na may pampasaherong jeepney. Walang nagawa si Mang Gusting.
Makalipas ang tatlong oras…
“Kasalanan mo ito, Gusting! Kasalanan mo ito! Kung naitakbo na sana natin si Jepoy sa ospital, sana’y naligtas natin siya sa epekto ng appendicitis! Dahil sa makaluma mong paniniwala at mataas na tingin mo sa sarili, napahamak mo ang kaisa-isa nating anak!”
Nakatulala lamang si Mang Gusting sa katawan ng anak, na ngayon ay natatakpan ng puting kumot. Narito siya sa lugar na pinakaayaw niyang mapuntahan at makita. Muling nanumbalik sa kaniya ang nakalipas. At ngayon, muli na naman siyang nawalan ng mahal sa buhay.
Appendicitis pala ang naging dahilan nang labis na sakit na nararamdaman ni Jepoy sa kaniyang tiyan. Hindi na ito naagapan pa. Dagling kumalat sa kaniyang katawan ang lason, at hindi na ito kinaya ng bata.
Habang ibinababa sa hukay ang kabao*ng ni Jepoy na dalawang araw lamang ibinurol, dito na bumuhos ang luha ni Mang Gusting. Dito na pumasok sa kaniyang isipan na wala na ang kaniyang bugtong na anak, ang unico hijo niya. Sinisi niya ang sarili sa mga nangyari.
Humingi siya ng tawad kay Nana Olang, at pinatawad naman siya ng kaniyang misis. Simula noon, tinalikuran ni Mang Gusting ang kaniyang trabaho bilang albularyo at nagbigay-tuon na lamang sa pagsasaka.