Inday TrendingInday Trending
Ubod nang Sama ang Ugali ng Dalagita; Isang Katotohahan ang Naglugar sa Kaniya

Ubod nang Sama ang Ugali ng Dalagita; Isang Katotohahan ang Naglugar sa Kaniya

“Maring!” tili ni Claudine nang makita ang sunog sa paborito niyang bestida.

“Ma’am, ano po ‘yun?” natatarantang sumilip sa kaniyang kwarto ang katulong nilang si Maring.

“Sinong may gawa nito?!” nagpupuyos sa galit na tanong ng dalagita.

Lumikot ang mata ni Maring. “Naku, Ma’am, pasensiya na ho talaga at hindi ko ho sadya!” hintakot na paliwanag ng babae.

Uminit ang tainga ni Claudine sa narinig. Sa dinami-rami ng damit niya na pwedeng masira, bakit ang bestida pa na iyon, na bigay ng kaniyang mommy?

“P-palitan ko na lang po, Ma’am!” maya maya ay alok ng katulong.

Pagak na natawa si Claudine. “Papalitan? Saan ka kukuha ng pera? Baka nga mas mahal pa ang damit na ‘to sa isang taon mong sweldo rito!”

Walang ibang nagawa ang pobreng katulong kundi ang yumuko at tanggapin ang masasakit na salitang ibinato dito ng matapobreng dalagita.

Nahinto lamang sa pagtalak ang malditang dalaga nang pumasok ang ina nito sa loob ng kwarto.

“Anak, anong problema? Bakit ang aga aga ay nakabusangot ang mukha mo?” nagtatakang tanong ng kaniyang ina.

“Mommy kasi, si Maring, tat*nga t*nga! Nasunog niya ba naman yung dress na paborito ko! ‘Yung binigay mo nung birthday ko last year?” nagsusumbong na kumapit siya sa braso ng ina.

Tumingin ang kaniyang ina sa katulong. Tila humihingi ng pang-unawa.

“Anak, ano ka ba naman? Hindi tamang sinasabihan mo ng ganyan si Maring. Hindi ba kita tinuruan na gumalang sa nakatatanda sa’yo? E halos magkaedad lang kami pero hindi mo siya iginagalang,” kastigo ng kaniyang ina.

Napalabi si Claudine sa sinabi nito. Madalas kasi siya nitong pagalitan ukol sa pagtrato niya hindi lang kay Maring kundi maging sa ibang katulong nila. Bagay na madalas niya lang ipagkibit balikat.

Nakangusong tumango lamang siya sa ina tanda ng pagsang-ayon sa sinabi nito. Kapagkuwan ay pinukol niya ng matalim na tingin ang pobreng katulong na tahimik lang na nagmamasid sa kanila.

“Ibibili na lang kita ng kaparehong damit, o ‘yung mas maganda pa, ‘wag ka nang magmukmok diyan. Magbihis ka na at pupunta tayo sa mall ngayon din,” dagdag ng kaniyang ina.

Unti-unting sumilay ang matamis na ngiti sa mukha ng dalagita.

“Yehey! Thank you, Mommy! The best ka talaga!” naglalambing na hinalikan niya sa pisngi ang ina bago patakbo niyang tinungo ang banyo upang maghanda sa pag-alis.

Hindi niya na tuloy napansin ang makahulugang palitan ng tingin ng kaniyang ina at ni Maring.

Tinupad ng kaniyang ina ang pangako nito. Hindi lamang bagong damit ang ibinili nito sa kaniya. Napilit niya rin ang ina na ibili siya ng bagong sapatos at bag.

Kaya ganun na lamang ang sigla ni Claudine nang makauwi sa kanilang bahay.

Excited siyang pumasok sa kwarto upang kalkalin ang mga pinamili nang maagaw ng kung ano ang kaniyang atensiyon.

Sa kama niya kasi ay may isang bestidang pulang nakaladlad.

Hinawakan niya ang damit. Nadismaya siya nang masuri ang mumurahin nitong tela. Noon ay nasiguro niya na hindi niya pagmamay-ari ang damit na iyon.

Isang tao lamang ang naisip niya.

“Maring!” malakas na sigaw niya.

Kagaya ng dati, ilang segundo lang ang lumipas ay sumungaw na sa kaniyang pinto si Maring.

“Ano pong kailangan niyo, Ma’am Claudine?” Hinihingal pa ang babae na nanggaling yata sa pagtakbo.

“Ano naman ‘to? Saan galing ‘to?” taas kilay na usisa niya sa katulong.

Kiming ngumiti ang babae. “Ah, ibinili ko ‘yan para sa’yo, Ma’am. Kapalit sana nung nasira mong damit,” tila nahihiyang wika ng babae.

“Nakita ko ho kasi sa palengke. Alam kong babagay sa’yo ‘yan,” dagdag pa ng katulong.

Nawala ang malaking ngiti sa mukha ng katulong nang humalakhak nang malakas ang dalagita.

“Sa tingin mo magsusuot ako ng kung anong basura mula sa’yo? Itapon mo nga ‘yan, at baka magkaroon pa ako ng sakit sa balat ‘pag sinuot ko ‘yan!” mataray na wika niya sa babae bago inihagis dito ang pulang damit.

Naging abala na si Claudine sa pangangalkal ng mga mamahaling bagay na pinamili kaya naman hindi niya na nakita ang pagtulo ng luha mula sa mga mata ng kanilang katulong.

Excited si Claudine. Isang araw na lang kasi ay magdiriwang na siya ng ika-labingwalong kaarawan niya.

Abalang abala ang lahat sa paghahanda nila para sa malaking party na idaraos sa malawak nilang hardin.

“Maring, ingatan mo ang damit na isusuot ko bukas, ha! Ewan ko ba kung bakit sa’yo pa ipinagkatiwala ni Mommy ‘yan, eh may pagkat*nga ka pa naman!” naiinis na paalala ni Claudine sa katulong nila na kasalukuyang pinaplantsa ang pulang gown na susuotin niya.

Hindi kumibo ang babae. Tahimik lamang ito habang marahang hinahagod ng plantsa ang kaniyang damit. Tila malalim ang iniisip ng matanda.

“Hoy! Maring! Kinakausap kita!” pagkuha niya sa atensiyon ng katulong.

“Ay!”

Sa gulat nito ay aksidente nitong naidiin ang plantsa sa sensitibong tela ng kaniyang gown. Sinubukan nitong angatin ang plantsa subalit dumikit na rito ang tela.

Nanlaki ang mata ni Claudine lalo pa’t naamoy niya ang nasusunog na damit.

Malakas siyang napatili sa sobrang galit. Napakamahal ng gown na iyon!

Hindi niya napigilan ang sarili at kinuha ang mainit na plantsa.

Nagdidilim ang paningin na lumapit siya sa natatarantang katulong.

Napaurong ito nang makita ang galit sa kaniyang mata. Tila nahuhulaan na nito ang susunod niyang gagawin.

Hintakot na napatakbo ito sa sulok. Bago niya naisagawa ang plano ay narinig niya ang malakas na sigaw ng kaniyang ina.

“Claudine! Itigil mo ‘yan! Pagsisisihan mo ‘yan!”

Ngunit sarado na ang isip ni Claudine. Bago pa makalapit ang kaniyang ina ay naidikit niya na sa braso ng pobreng katulong ang mainit na plantsa.

“Aray!” malakas na palahaw nito. Namilipit sa hapdi ang kaawa-awang katulong.

Ang ina naman ni Claudine ay hindi malaman kung paano pakakalmahin ang dalagita. Iyon ang unang beses niyang nakita na naging bayolente ang anak.

Pikit mata niyang isinigaw ang isang lihim na alam niyang magpapakalma sa dalaga.

“Claudine! ‘Wag mong saktan ang sarili mong ina!”

Tila nabingi si Claudine sa sinabi ng ina.

“A-ano? P-paanong?” naguguluhang wika nito.

“Pinaampon ka sa amin ni Maring dahil hindi namin kaya magkaanak ng Daddy mo. Si Maring naman ay hirap sa buhay at alam niya na mas mabibigyan ka namin ng magandang buhay.” May tumulong luha mula sa mga mata ng kaniyang itinuturing na ina.

“Nakiusap si Maring na kung maaari ay dito siya magtrabaho para masubaybayan niya ang paglaki mo,” pagpapatuloy ng kaniyang ina.

Gimbal na gimbal si Claudine sa mga natuklasan. Ang katulong pala na minamaltr@to niya ay ang kaniyang ina!

Kaya pala ganun na lamang ang pangangaral ng kaniyang Mommy sa tuwing sinisigaw-sigawan niya ang katulong.

Nag-aalalang nilingon niya ang babae. Halata sa mukha nito ang iniindang sakit mula sa malaking paso na walang iba kundi si Claudine ang may sala.

Umiiyak na napalupasay siya sa tabi ng tunay na ina.

Gusto niyang humingi ng tawad dito subalit tila walang kapatawaran ang nagawa niya sa ina.

Gusto man niyang magsalita ay puro hikbi lamang ang lumalabas sa kaniyang mga labi.

“Ayos lang ako, Claudine. Wala akong kahit na anong hinanakit sa’yo. Masaya lang ako na maayos ang buhay mo, at nakukuha mo ang lahat ng bagay na gusto mo,” malumanay na wika ni Maring.

Hindi maampat ang luha ni Claudine. Inaalala niya ang lahat ng masasakit na salita na nasabi niya sa tunay na ina.

“Claudine… alam ko na nagulat ka na malaman ang totoo. Pero hindi ko kasi alam kung paano ka patitigilin kanina,” maya maya ay wika ng Mommy niya.

Tila nagsisisi rin ito na sinabi nito sa kaniya ang totoo.

Matagal bago napatawad ni Claudine ang kaniyang sarili. Marami rin kasi siyang nagawang kasamaan kay Maring.

Nang balikan niya ang alaala, simula pagkabata ay inaalagaan na siya nito. At napakabait nito kahit na ubod nang sama ang ugali niya.

Ngunit maunawain at tunay na mahal na mahal siya ng kaniyang ina. Sa kabila ng lahat ng kaniyang nagawa, ni isang sumbat o masakit na salita ay wala siyang narinig dito.

Isang araw, habang nagdidilig ng halaman si Maring ay ginawa ni Claudine ang isang bagay na matagal niya na gustong gawin.

Niyakap niya ang ina. Na sinuklian naman nito ng mas mahigpit na yakap.

“Sorry po sa lahat. Maraming salamat sa pagdadala sa akin sa mundong ito… Nanay,” nangingilid ang luhang wika niya sa ina.

Naramdaman niya ang pagtulo ng mainit na luha nito sa kaniyang balikat.

“Babawi ako, Nanay,” pangako niya pa.

Siniguro ni Claudine na mababawi niya ang mga panahong nawala sa kanila ni Maring. At simula noon, natuto na rin si Claudine na pakitunguhan nang maayos ang bawat taong nakakasalamuha niya.

Namuhay siya nang masaya kasama ang pamilya na kumupkop sa kaniya at ang kaniyang ina na naging kasama niya simula pagkabata.

Advertisement