
Iniahon ng Binata sa Hirap ang Amang Walang Pinag-Aralan; Nakakadurog ng Puso ang Ipapamana ng Tatay sa Anak
Abot tenga ang ngiti ni Mang Rogelio habang binibilang niya ang ilang baryang mailalaman niya sa kaniyang alkansya. Maingat niyang ipinasok ang bawat isang barya sa alkansya saka niya ito isinilid sa kaniyang tukador.
Pagkatapos ay lumabas siya sa kaniyang silid at naghain sa mesa. Lumabas siya ng bahay upang tawagin na ang kaniyang anak na si Buboy upang sila’y makakain na.
Habang hinahanap ang anak ay natagpuan niya ito na nakikipag-usap sa kaniyang mga kalaro.
“Ang sabi ng tatay ko ay ipapamana raw niya sa akin ang mga koleksyon niya ng plaka. Baka pagdating daw ng araw ay mahal na ang halaga nun!” sambit ng isang kalaro.
“Sabi naman sa akin ng mama ko, ako naman daw ang tagapagmana ng lupa namin sa probinsiya. Maliit lang daw iyon pero hitik daw sa mga puno ng mangga!” pagmamalaki naman ng isang bata.
“Ikaw, Buboy? Ano sa tingin mo ang ipapamana sa iyo ng tatay mo?” tanong muli ng kalaro.
“Baka naman ‘yung butas-butas na shorts na damit ng tatay niya ang ipapamana sa kaniya! Wala naman atang ibang ari-arian ang tatay niya kung hindi iyon,” natatawang pangungutya ng isa pang kalaro hanggang sa walang habas na ang tawanan ng lahat.
Nakikitawa man si Buboy ay mababanaag mo sa kaniyang mukha na napahiya siya.
Ilang sandali pa ay tinawag na siya ni Mang Rogelio upang umuwi. Agad siyang nagpaalam sa mga kaibigan at saka sumunod sa ama.
“Ang lakas ng tawanan niyo, anak. Ano ba ang pinag-uusapan niyong magkakaibigan?” tanong ni Mang Rogelio kay Buboy kahit na narinig naman niya ang lahat ng ito.
“Wala po, tatay. May nakakatawang kwento lang po ang kaibigan ko. Tara na po sa bahay at nagugutom na rin ako, tiyak kong masarap ang inihanda niyong ulam,” pag-iwas naman ng bata na pag-usapan pa ang tunay na nangyari.
Pagdating sa bahay ay agad na binuksan ni Buboy ang nakatakip na ulam. Nakita niya ang apat na pirasong tuyo na niluto ng kaniyang ama.
“Pasens’ya ka na, anak. Ayan lang ang nabili ko ngayon. Pupunta pa lang ako kay Mang Ambo para tingnan kung may tanggap na trabaho para maka-ekstra man lang,” wika pa ni Mang Rogelio.
“Ayos lang po ‘to, ‘tay. Sa katunayan nga po ay paborito ko ang tuyo. Lalo na kapag kayo ang nagluluto. Tustado, nakakain ko po lahat pati buntot at ulo!” tugon naman ng bata.
Halos dalawang dipa lamang ang laki ng barung-barong ng mag-amang sina Mang Rogelio at Buboy. Sumakabilang buhay ang asawa ng ginoo nang ipinanganak nito si Buboy. Mula noon ay mag-isa nang itinaguyod ni Mang Rogelio ang kaniyang anak.
Walang pinag-aralan itong si Mang Rogelio. Ikalawang baitang lamang sa elementarya ang kaniyang tinapos kaya hindi siya bihasa sa pagsulat at pagbasa. Madalas ay nangunguha na lamang ito ng basura at mga kalakal upang mayroon silang panggastos.
Minsan din ay nagkakarpintero ito at umeekstrang tagabuhat sa palengke. Lahat na yata ng trabahong mabigat ay pinasok na ni Mang Rogelio. Pilit niyang itinatawid ang pag-aaral ni Buboy upang hindi ito lumaking mangmang kagaya niya.
“Anak, paghusayan mo ang pag-aaral mo. Pasensiya ka dahil ito lamang ang buhay na kaya kong ibigay sa’yo,” malungkot na sambit ni Mang Rogelio.
“‘Tay, wala po iyon, nagpapasalamat nga po ako dahil lahat naman ay ginagawa n’yo para sa akin. Makakaasa po kayong magtatapos ako ng pag-aaral at hindi na kayo kailanman mahihirapan sa pagtatrabaho,” pangako ng anak.
Tampulan man ng tukso sa kanilang lugar dahil sila ang pinakamahirap ay hindi ininda ito ni Buboy. Hindi niya pinakinggan ang lahat ng pang-aalipusta at panlolokong ginagawa sa kaniya ng ilang kaedad niya.
“Buboy! Butas-butas na rin ang damit mo! Sabi na iyan ang ipapamana sa iyo ng tatay mo, e!” saad ng isang kapitbahay sabay hagalpakan.
“Oo nga, e. Isa lang kasi ang uniporme ko. Pero ayos lang, gwapo pa rin naman ako. Mamaya ay susulsihan ko na lang!” nakangiti nitong tugon.
Napahiya naman ang mga kabataang nagtatawanan dahil sa sinabi ni Buboy.
Hindi naglaon ay nakapagtapos na si Buboy ng pag-aaral. Hindi man naging madali ang lahat ay nagawa niya ito dahil sa kaniyang pagsisikap at talino. Nakahanap na rin siya ng magandang trabaho dahilan upang umalis na sila ng ama sa kaniyang tinutuluyang barung-barong.
“Tay, hindi n’yo na po kailangan pang magtrabaho. Ako na po ang bahala sa atin. Tutuparin ko po ang pangako ko sa inyo na magandang buhay,” saad ni Buboy.
Ngunit kahit anong paalala niya sa ama na huwag nang maghanapbuhay ay lagi pa rin itong umaalis ng kanilang tahanan upang humanap ng mapagkakakitaan.
Dahil tumatanda na rin si Mang Rogelio ay hindi na rin maganda ang lagay ng katawan nito. Minsan nang sinubukan niyang magbuhat ng kaban ng bigas para sa kaunting sweldo ay natumba siya. Mabuti na lamang ay hindi siya nabalian.
Nang malaman ito ni Buboy ay agad niyang kinumpronta ang ama.
“Tay, hindi ba sinabi ko na po sa’yo na huwag na kayong magtrabaho? Ako na po ang gagawa niyan para sa inyo! Huwag na po kayong makulit!” sambit ng nag-aalalang anak.
“Gusto ko lang kasing kumita kahit paano,” nakayukong tugon naman ni Mang Rogelio.
“Hindi pa po ba sapat ang lahat ng binibigay ko, ‘tay? Kung may kailangan pa kayo ay sabihin n’yo na lang sa akin! Paano kung nadisgrasya kayo? Magkano lang naman ang kinikita niyo sa pag-ekstra-ekstra niyong ganiyan!” naiinis na wika pa ni Buboy.
“Pasensiya ka na, anak. Nais ko lang kasing hulugan ang alkansya ko. Pasensiya na kung nag-alala ka,” patuloy sa paghingi ng paumanhin ang ama.
“Ano ba naman kasi ang pinag-iipunan niyo d’yan sa alkansya n’yo, ‘tay? Nasan ba iyan? Tutumbasan ko ang lahat ng laman niyan para itigil n’yo na ang katigasan ng ulo n’yo!” wika muli ng anak.
Hinalughog ni Buboy ang damitan ng kaniyang ama at doon ay nakakita siya ng ilang lumang bote na ginawang alkansya.
“Para saan po ba ang iniipon n’yong ito, ‘tay? Kung may pinag-iipunan kayo at nais na bilhin ay sabihin n’yo nalang sa akin!” saad pa ni Buboy.
“Ang pera sanang iyan ay iniipon ko para kahit paano ay may maiwan ako sa iyong pamana. Alam kong wala akong kahit anong ari-arian. Ni pinag-aralan ay wala ako. Hindi ako nakakuha ng magandang trabaho pero kahit na ganoon ay nais kong may iwanan ako sa iyo. Pasensiya ka na kung maliit lang ang kaya kong ipamana sa’yo, anak. Pasensiya ka na kung ‘yan lang nakayanan ko,” nangingilid ang luha ni Mang Rogelio habang sinasabi niya ito sa kaniyang anak.
Ang lahat ng inis at pag-aalala ni Buboy ay napalitan ng lubos na paghanga sa ama. Nilapitan niya ang matanda at saka niya hinawakan ang kamay nito.
“Hindi matutumbasan ng kahit anong pera o yaman sa mundo ang iiwan n’yo sa akin, ‘tay. Ibinigay n’yo ang buong puso at lakas niyo para sa akin upang itaguyod ako nang mag-isa. Hindi ko mararating ang lahat ng ito kung hindi dahil sa inyo. Ang pagmamahal, katatagan, at kabutihan niyo ang pinakamahalagang pamana na maiiwan niyo sa akin. At hinding-hindi ko po ito ipagpapalit sa kahit anong yaman sa mundo. Maswerte ako dahil kayo ang naging tatay ko,” naluluhang sambit ni Buboy.
Hindi na napigilan pa ni Mang Rogelio na hagkan ang anak. Labis ang kaniyang tuwa dahil napalaki niya ang anak na mayroong mabuting kalooban.
“Maraming salamat, anak. Maraming salamat din sa Diyos dahil ikaw ang binigay Niya sa akin. Lisanin ko man ang mundo ngayon ay panatag na ang aking kalooban. Ipinagmamalaki kita, anak. Mahal na mahal kita,” wika ni Mang Rogelio habang mahigpit na yakap ang kaisa-isang anak na si Buboy.