Inday TrendingInday Trending
Hiniwalayan ng Babae ang Asawang Humihingi ng Bakasyon sa Trabaho; Sa Huli’y Pagsisisihan Niya ang Pagmamalaking Ito

Hiniwalayan ng Babae ang Asawang Humihingi ng Bakasyon sa Trabaho; Sa Huli’y Pagsisisihan Niya ang Pagmamalaking Ito

“George, nakikinig ka ba sa akin? Kanina pa ko salita nang salita dito pero parang hindi ka naman nakikinig. Ano ba ang tinitingnan mo d’yan sa laptop mo?” tanong ni Abby sa kaniyang mister nang mapansin n’yang wala sa kaniya ang atensyon nito.

“Pasensiya ka na. May nakita lang akong larawan. Ano nga ulit ang pinag-uusapan natin?” tugon naman ni George.

“Iyan ang hirap sa’yo, George. Parang wala kang interes sa mga sinasabi ko. Para ito sa expansion ng kompanya natin. Kung makakakuha pa tayo ng mas maraming investor ay mas yayabong pa itong kompanya,” sambit pa ng kaniyang misis.

“Ayos naman ang lagay ng negosyo natin, Abby. Hindi ba masyadong mabilis ang gusto mong pag-angat? Mas maayos sana kung hindi tayo magmamadali. Hayaan muna nating umangat ang kompanya sa sarili natin,” wika muli ni George.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Hindi ba maganda kung mas lumaki pa itong kompanya natin? Maraming investor ang nag-aabang sa atin, George. Bakit hindi pa natin sila sunggaban?” giit pa ng asawa.

“Pag-isipan muna natin itong maigi, Abby. Masyado na nating ginugugol ang buhay natin sa kompanyang ito. Nakalimutan na nating magsimula ng sarili nating pamilya. Minsan ay napapagod na rin ako,” pahayag pa ng mister.

“Bakit hindi muna tayo magbakasyon? Huwag muna tayong makisabay sa gulo ng mundo ng negosyo. Kahit ilang buwan lang. Nang sa gayon ay matuon natin ang sarili natin sa pagkakaroon ng anak,” dagdag pa ni George.

“Sa tingin mo talaga ay ngayon ang tamang panahon para tumunganga? Mauungusan tayo ng ibang kompanya! Pag-isipan mong maigi ang sinasabi mo, George! Malapit na tayo sa tuktok, ngayon ka pa titigil!” naiinis na sambit ng asawa sabay alis sa opisina.

Laki sa hirap itong si George. Magsasaka lamang ang kaniyang ama at ang ina naman niya’y gumagawa lamang ng tinapa. Hirap man ay nairaraos nila ang pang-araw-araw nilang pamumuhay. Simple man ang buhay ay masaya ang kanilang pamilya.

Nagnais si George na maiba ang takbo ng kaniyang buhay kaya lumuwas siya pa-Maynila at humanap ng trabaho habang ipinagpapatuloy ang kolehiyo. Nang makatapos ay nakakuha ng mas magandang trabaho hanggang sa nakaipon at nagsimula ng maliit na negosyo.

Doon na niya nakilala ang asawa na niyang ngayong si Abby. Mataas ang kanilang pangarap at unti-unti na nila itong nakukuha. Ngunit sa puso ni George ay may hinahanap-hanap siya.

Kaya ganun na lamang napukaw ang atensyon ni George sa isang larawan na nakita niya sa kaniyang kompyuter. Larawan ito ng bukirin tulad ng kaniyang kinalakihan. Sa kabila ng yaman na kaniyang tinatamasa ay hinahanap-hanap pa rin niya ang simpleng buhay na mayroon sila noon.

Nais na ni George na magkaroon ng sariling pamilya ngunit malaki ang pagtutol dito ni Abby. Tila ito ang huli sa listahan ng kaniyang misis. Ang tanging nais lamang nito ay palaguin ang kompanya.

Isang araw ay galit na galit si Abby na kinumpronta ang kaniyang asawa.

“Ano itong sinasabi ng sekretarya mo na liliban ka raw ng dalawang linggo sa trabaho? Paano ka nagdesisyon ng ganito nang hindi man lamang kumukunsulta sa akin?” naiinis na sambit ng asawa.

“Hindi ba nagsabi na ako sa’yo pero ayaw mo? Niyaya pa nga kita. Kailangan ko ito, Abby. Nagpapasalamat ako sa buhay na mayroon tayo. Pero sana ay matuto ka ring makuntento. Bigyan mo muna ng panahon ang mga sarili natin. Sa sobrang pagkaabala natin sa kompanyang ito ay parang hindi na tayo mag-asawa. Kung hindi ka sasama ay ako na lang ang uuwi ng probinsya,” pahayag pa ni George.

Labis ang inis na nararamdaman ni Abby sa desisyon ng kaniyang asawa. Kaya habang wala ito ay siya na ang nagdesisyon tungkol sa mga investors. Nagulat din si George nang makatanggap siya ng liham mula sa mga abogado na nais nang makipaghiwalay sa kaniya ng kaniyang asawa.

“Anong ibig sabihin ng lahat ng ito, Abby. Bakit ka nakikipaghiwalay sa akin?” lubusang pagtataka ng ginoo.

“Bakit hindi, George? Hindi na ikaw ang asawang nais kong makasama. Ibang-iba ka na! Nitong mga nakaraang buwan ay hindi na tayo nagkakaunawaan. At isa pa, ayaw kong magkaroon ng asawang hindi tugma sa gusto ko! Hahatiin natin ang kumpanya at ibibigay ko sa’yo ang parte mo! Tutal, nakausap ko na ang ibang investors at nais nilang mag-invest sa kompanya na ako ang namamalakad,” pahayag naman ni Abby.

“Wala akong pakialam sa kompanya, Abby! Sa iyo na iyan kung gusto mo, bakit mo magagawa ito sa ating relasyon? Parang wala na lang sa iyo ang lahat ng pagsasama natin!” sambit pa ni George.

“Hindi ko na kayang makisama sa iyo, George. Diyan ka na lang sa probinsya kung saan ka naman talaga nararapat. Pirmahan mo na ang mga papeles na ‘yan para matapos na ang lahat ng ito. Huwag kang mag-alala ibibigay ko ang parte mo sa kompanyang ito!” pagtatapos ni Abby.

Magkahalong lungkot at sama ng loob ang naramdaman ni George. Mula nang araw na iyon ay nagsimula nang umandar ang proseso ng paghihiwalay nilang mag-asawa. Tinanggalan na rin ni Abby si George ng karapatan sa kompanya ngunit ibinigay naman nito ang halagang nararapat sa ginoo.

Mula sa perang iyon ay bumili ng ektaryang lupa si George. Nang makita niya na malaki ang potensyal ng kanilang lugar upang dayuhin ng turista ay nagtayo siya ng isang simpleng resort.

“Nais kong maging lugar ito kung saan makikita ng mga bisita ang katahimikan at kapayapaan sa kanilang puso. Nais kong maging lugar ito kung saan maikokonekta muli nila ang kanilang mga sarili buhat sa pagtatrabaho o sa anumang problema,” sambit ni George.

Naging tanyag at matagumpay ang resort ni George. Marami ang nagpupunta dito upang makapagpahinga at magbakasyon.

Sa kasamaang palad naman ay kasalungat nito ang nangyari sa negosyong pinapatakbo ng dating asawa niyang si Abby. Niloko ito ng mga investors at tuluyang bumagsak ang kompanya nito. Nalugi ang kaniyang negosyo hanggang sa wala nang matira sa kaniya.

Nang makita niya ang magandang nangyari sa dating asawang si George ay lubusan ang kaniyang inggit at pagsisisi. Tinawagan niya ito upang makausap.

“Patawarin mo ako sa lahat ng ginawa ko sa iyo noon. Hindi ako nakinig sa’yo. Hindi ako naging mabuting asawa. Sana ay bigyan mo pa ako ng pangalawang pagkakataon. Ayusin natin ang lahat. Ibalik natin ang nakaraan noong masaya pa tayo. Hindi pa naman huli ang lahat, hindi ba?” lumuluhang sambit ni Abby.

“Ikinalulungkot ko ang nangyari sa iyo, Abby. Pero malabo ang gusto mong mangyari,” wika ni George sa dating asawa.

“Natagpuan ko na ang babaeng magpapasaya sa akin habang buhay at malapit na kaming ikasal. Isang babaeng umuunawa sa nais ko at sa aking damdamin. Hangad ko ang kaligayahan mo. Sana’y makita mo na rin ang lalaking kapareho mo ng nais. Patawad pero alam kong hindi ako ‘yun,” wika pa ni George.

Napaluha na lamang sa pagsisisi si Abby. Hindi alam ni George kung gaano kanais ni Abby na muling bumalik sa kaniya.

Ngunit anuman ang gawin ni Abby ay huli na ang lahat. Pinakawalan niya ang isang lalaking sana’y makakasama at makakasangga niya habambuhay.

Advertisement