
Hindi na Makapaghintay ang Binata na Makita ang Pakakasalan; Lahat ay Napaluha sa Pagpasok sa Simbahan ng Babaeng Ikakasal
Pagtungtong pa lamang ng simbahan ay hindi na maiwasan ni Chris ang maluha. Matagal na kasi nilang pangarap ng kaniyang kasintahang si Eunice ang magpakasal sa simbahang iyon. Natatandaan niya ang eksaktong lugar kung saan niya unang nakita ang kaniyang nobya. Mula nang araw na iyon ay alam ni Chris na si Eunice na ang para sa kaniya.
Napuno ng pagkamangha si Chris nang makita ang disenyo ng simbahan ng araw na iyon. Lahat ng iyon kasi’y si Eunice ang nagplano. Mula sa mga bulaklak hanggang sa kulay ng temang gagamitin nila. Lahat ng detalye ay masinsin na inasikaso ni Eunice.
Naglakad patungong altar ang binata. Tumindig siya doon habang matiyagang hinihintay ang magiging kabiyak.
“Ilang oras na lang ay matutupad na rin ang hinahangad niyo ni Eunice,” sambit ng inang si Claudia.
“Opo, ‘ma. Ilang taon din naming pinag-ipunan ang lahat ng ito. Pangarap talaga ni Eunice na magkaroon ng napakagandang kasal. Ang sabi nga niya ay minsan lang siya ikakasal kaya gusto niyang maalala ang lahat ng ito nang ubod nang ganda,” tugon naman ni Chris ng may ngiti sa kaniyang mukha.
“Ilang sandali na lang, anak. Masaya akong makita ang katuparan ng pangarap n’yo,” naluluhang sambit naman ng ina.
Maya-maya ay tumunog na ang paboritong awitin ng magkasintahan. Pinili talaga ito ni Eunice dahil mahalaga raw ito para sa kaniya.
“Noon pa man niya sinasabi sa akin na kung ikakasal siya ay ito raw na kantang ito ang nais niya. Alam ko pinaparinggan lang niya ako nun para yayain ko na siya. Pero hindi lang niya alam na kanta ko rin ito para sa kaniya. Dahil mas gumanda talaga ang buhay ko nang makilala ko siya,” pag-alaala ni Chris.
Habang isa-isang pumapasok ang mga ninang at ninong sa kanilang kasal ay lalong nanlalamig ang mga kamay ni Chris.
Nang makita niya isa-isa ang mga abay na dala ang mga bulaklak na paborito ni Eunice ay bigla niyang naalala ang unang araw na niligawan niya ito.
“Napakaganda ng mga bulaklak na ito. Nakakatawa naman at isinama mo pa talaga ang paso. Maraming salamat sa iyo,” saad ni Eunice na tuwang-tuwa.
“Pasensiya ka na at ‘yan lang ang nakayanan ko. Hiningi ko lang ang mga bulaklak na iyan sa tiyahin ko. Ayaw niya kasing bunutin ko at kawawa daw ang mga bulaklak. Kaya pinasama niya sa akin ang paso. Sa susunod, kapag nakaipon ako ay bibigyan kita ng mga rosas,” nahihiyang sambit naman ni Chris.
“Naku, hindi na kailangan. Magaganda ang mga sariwang bulaklak at gusto ko sila. Maganda ang ideya ng tiya mo, Chris, mas tatagal ang buhay ng mga bulaklak na ito at mas matagal ko pa silang makikita,” wika pa ng dalaga.
Napapangiti na lamang si Chris sa mga alaalang ito. Nang tumunog na ang kampana, hudyat na sa pagpasok ni Eunice ay bumalik sa kasalukuyan si Chris.
Bumukas muli ang pinto ng simbahan. Mula sa liwanag sa labas ay pilit niyang tinatanaw ang mapapangasawa. Kanina pa iniisip ni Chris ang magiging itsura ng dalaga sa suot nitong trahe de boda.
Hindi na matigil pa ang pagpatak ng kaniyang mga luha nang makita niya ang mga magulang ng dalaga na naglalakad sa magkabilang gilid ni Eunice.
Ngunit lahat ng ngiti sa mukha ng mga tao sa loob ng simbahan ay napalitan ng lungkot nang unti-unting lumalapit ang kabaong sa altar.
Isang araw kasi bago ikasal ang magkasintahan ay tuluyan nang natalo sa pakikipaglaban sa kaniyang sakit itong si Eunice. Ilang taon ding hindi matuloy-tuloy ang kanilag kasal dahil nagpapagamot ang dalaga.
Ngunit sa pagkakataong ito ay nais na nilang ituloy ano pa man ang mangyari. Buo ang puso ni Chris na ibigay ang kaniyang sarili sa kaniyang mapapangasawa.
Habang papalapit ang kabaong kung nasaan si Eunice ay wala pa ring patid ang pag-iyak ni Chris. Sinalubong niya ang mapapangasawa nang buong ngiti.
Niyakap naman ng mga magulang ni Eunice ang binata.
“Maswerte si Eunice dahil ikaw ang lalaking minahal at nagmahal sa kaniya. Hindi man natin siya kapiling ngayon ay alam kong masaya siya. Salamat at binigyan mo ng kahulugan ang buhay ng anak ko, Chris. Tinupad mo ang mga pangarap niya,” wika ng ama ng dalaga.
Dahan-dahang binuksan ni Chris ang kabaong upang makita ang kasintahan. Lalo siyang napaluha nang makita niyang napakaganda pa rin nito tulad noong ito’y nabubuhay at malakas pa.
Hinawakan niya ang malamig na kamay ni Eunice at saka niya ito kinausap.
“Sa wakas ay ikakasal na tayo, mahal. Hindi ba’t matagal mo na itong inaasam? Ilang ulit mo ring sinabi sa akin kung gaano mo gusto ang ikasal sa simbahan kung saan tayo unang nagkita. Tinupad ko ang hiling mong patugtugin ang paborito mong kanta. Kahit ayaw kong pagupitan ang mahaba kong buhok ay ginawa ko dahil ang sabi mo’y gwapo ako kapag maayos ang gupit ko,” pilit na kinakausap ni Chris ang yumaong kasintahan.
“Napakasakit, Eunice, na sa araw ng pinakahihintay natin ay ang araw din kung kailan ka kukuhain sa akin ng Maykapal. Pero hindi kita pagmamay-ari kaya malaya na kitang ibinibigay sa Kaniya. Masaya ako sa mga taon na nakasama kita. Hindi mo alam kung gaano ako nasasabik sa mga ngiti at halakhak mo. Hindi mo lang alam kung gaano ko kagustong mahagkan ka at sabihin sa iyo kung gaano kita kamahal. Hanggang sa huli ay ikaw lang ang mamahalin ko,” patuloy sa pag-iyak ang binata.
Kahit na puno ng lumbay ang araw na iyon ay ipinagpatuloy pa rin nila ang kasal. Wala man si Eunice ay alam ni Chris na masaya na ito sa langit kung saan kapiling na siya ng Panginoon.
Ipinangako ni Chris na mananatili si Eunice sa kaniyang puso at isip habang siya ay nabubuhay.