Sa Unang Araw ng Babae sa Trabaho ay Pagsubok na Kaagad ang Bubungad sa Kaniya, Ito Pala ang Babago sa Buong Karera Niya

Sa Unang Araw ng Babae sa Trabaho ay Pagsubok na Kaagad ang Bubungad sa Kaniya, Ito Pala ang Babago sa Buong Karera Niya

KarmaMysteryStories

“Number one tayo sa buong NCR! Kaya naman inaasahan ko na papanatilihin natin ang ganito kagandang performance!” bati ni Fatima ang pinakabatang branch manager sa bangkong pinagtatrabahuhan nito.

“Lalo ka na, bago ka lang sa branch ko at ayaw ko na makakarinig ako ng mali! Ayaw ko sa palpak, mabagal, at higit sa lahat ay ayaw ko sa bobo!” pagdidiin pang muli ni Fatima sa bagong kahera na napapunta sa kaniya na si Janela.

Hindi naman sumagot ang dalaga at tumango lamang ito ng kaunti habang patuloy pa rin sa pagsasalita si Fatima ng umagang iyon.

“Janela, ayos ka lang ba? Huwag mo masyadong isipin ‘yun si Ms. Fatima kasi ganun ‘yun sa lahat. Lahat kami ay dumaan sa ganiyang ugali niya,” tanong ni Eunice, kasamahang kahera nito.

“Ganun ba? Medyo masakit kasi siya magsalita para sa akin kahit na kakasimula ko pa lang. Ilang trabaho na ba ang dinaanan ko at siya lang ang bukod tangi na nag-welcome sa akin ng ganoon, bukod pa roon ay mas bata siya sa akin,” mahinang sagot ni Janela sa kaniya.

“Naku, [email protected]!w kasi ‘yan si Ms. Fatima sa pagiging number 1 kaya naman ganiyan siya. Pinakasalan na raw niya kasi itong trabaho niya sa bangko kaya ayaw niyang masira ang pinaghirapan niya, sarado na ang isip niya sa pag-aasawa at mas gusto raw niyang sumikat sa posisyon niya ngayon. Siya ang pinakabatang manager at wala ‘yang sinasanto, matanda o mas bata sa kanya ay sisigawan niya talaga,” wika pang muli ni Eunice sa kaniya sabay senyas na sikreto lamang ang sinabi niyang iyon.

Hanggang sa lumipas pa ang mga oras at masinsin lamang na nagmamanman si Fatima sa mga taong pumapasok sa bangko.

“Hija, pwede mo ba akong tulungan?” tanong ng matandang nakapila kay Janela.

“Magandang umaga po, ma’am, ano pong maipaglilingkod ko?” magiliw na tanong ni Janela rito.

“Ano kasi, hindi ko alam bakit hindi ako makapag-withdraw ng pera sa ATM niyo.  Paano ba ang gagawin ko?” tanong muli ng matanda.

“Magkano po ba ang gusto niyong kuhaning pera, ma’am, baka pwede po natin i-over-the-counter para mas madali sa inyo,” sagot ni Janela sa matanda.

“Sa pagkakaalala ko ay may 80 pesos pa ako sa ATM, pwede mo bang makuha iyon?” tanong muli ng matanda sa kaniya.

Kaagad na napatingin si Janela sa ale at saka pumilit ng ngiti sabay silip sa pila na naghihintay sa likod ng matanda.

“Wala na kasi akong pera, hija, ayang 80 pesos ay pambili ko na ng ulam kaya gusto ko talagang makuha,” sabi ulit ng matanda sa kaniya at pumilit pa ito ng ngiti kay Janela.

Kaagad na naawa si Janela at sumenyas siyang aalis siya sa kaniyang puwesto para kausapin sana sa labas ang matanda. Ngunit pagtayo pa lang niya ay kaagad na lumapit si Fatima.

“Anong eksena ‘to? Bakit kanina ka pa kay lola e alam mo namang ang dami nating tao ngayon?!” galit na bulong ni Fatima saka pumeke ng ngiti at kinausap ang matanda.

“Naku, lola, pasensiya na po kayo pero hindi po kasi makukuha ang pera na mababa sa isang daan lalo na sa mga ATM na katulad na hawak niyo. Kailangan niyo munang magdeposito ng pera kung gusto niyo talagang makuha ‘yung natitira,” mabilis na pagpapaliwanag ni Fatima sa matanda.

“Kung wala na po kayong kailangan ay maaari na po kayong tumabi sa pila kasi marami pa pong naghihintay,” sabi pang muli ni Fatima.

“Pero, iyon na lang ang pera ko, kailangan ko ‘yun,” naiiyak na sabi ng matanda sa kaniya. 

“Pasensiya na po kayo, lola, pero bangko po itong pinasukan niyo at hindi kami nagpapalimos ng pera,” natatawang baling ni Fatima muli sa matanda at inutusan niya ang guwardiya na palabasin na ito. Pilit niyang ipinakaladkad ang lola at humingi ng paumanhin sa mga taong nasa bangko.

“Sa susunod, ‘pag may ganun na wala namang pera tapos pampatagal lang ay paalisin mo na kaagad. Sayang ‘yung oras natin!” baling ni Fatima kay Janela.

“Pero nakakaawa kasi, ma’am, balak ko na lang sana bigyan siya ng pera kasi pambili raw nila iyon ng ulam,” paliwanag ni Janela rito.

“Ibig sabihin lahat ng matandang may below one hundred ang pera sa ATM ay bibigyan mo ng limos? Gumising ka nga, Janela, hindi ganoon ang mundo at mas lalong hindi rito sa branch ko. Kung gusto mo magpaka-hero ay sa ibang branch mo gawin! Sales and hinahabol ko at hindi points papunta kay San Pedro!” singhal ni Fatima sabay talikod sa kaniya.

Hindi nakapagsalita si Janela dahil pakiramdam niya ay napakalaki ng pagkakamaling nagawa sa pamamahiya na iyon ni Fatima. Buong araw na mabigat ang loob ng dalaga at tahimik na lamang na nagtrabaho habang iniisip na wala siyang magagawa dahil mas nakakataas ito sa kaniya ngunit bago pa man matapos ang araw nila ay biglang nanlumo si Fatima sa kaniyang opisina at kaagad na nagpatawag ng meeting bago sila umuwi.

“Bagsak tayo at hindi na tayo number 1 dahil sa [email protected] mystery client na ‘yan! ” mahinang sabi ni Fatima sa kanila na siyang ikinagulat ng lahat.

“It turns out na ‘yung lola kanina na gustong tulungan ni Janela is our mystery client! Kahit na sinunod natin ‘yung rules ng bangko ay bagsak tayo sa customer service. Sinabi pang masama raw ang ugali ko! Kung alam ko lang na siya ‘yung mystery client para sa ngayon buwan e ‘di sana binuhat ko pa ‘yung matanda kanina!” galit na galit na sabi ni Fatima sa kanilang lahat.

“Ngayon lang ako hindi sinabihan tungkol sa ipinadala nilang mystery client. Naiinis ako! Ang hirap talaga na walang koneksyon sa taas!” iritableng sigaw pang muli ni Fatima.

Ngayon lamang lumabas ang katotohanan na palagi palang nasasabihan noon si Fatima tungkol sa mga paparating na mystery client kaya naman palagi sila ang nasa top 1 kahit nga sa totoong buhay ay napakagaspang ng ugali ng babae sa mga kliyente at bagsak talaga ito sa customer service. Simula rin noon ay hindi na pumatong pa ang babae sa top 5 at mas lumalabas ngayon ang iba’t-ibang reklamo tungkol sa pakikitungo niya sa kaniyang tao at sa kaniyang kliyente.

Sa huli, hirap na hirap si Fatima kung paano pakikitunguhan ang mga tao niya dahil pakiramdam niya’y wala nang nakikinig pa sa mga sigaw niya. Habang si Janela naman ay unti-unting nagyayabong ang karera, mabagal man ngunit may puso naman.

More Stories