Inday TrendingInday Trending
Galit ang Ginoo sa Tunay na Ina Dahil Ipinamigay Raw Siya Nito Noon; Huli na ang Lahat nang Magising Siya sa Katotohanan

Galit ang Ginoo sa Tunay na Ina Dahil Ipinamigay Raw Siya Nito Noon; Huli na ang Lahat nang Magising Siya sa Katotohanan

“Carlos, tumawag ang kapatid mo. Nanghihingi ng tulong dahil daw kailangan magpatingin ng nanay mo sa doktor. Madalas daw kasing hinahapo at hirap sa paghinga,” sambit ni Noreen sa kaniyang mister.

“Kanina pa nga ‘yan tumatawag sa akin, hindi ko sinasagot. Sa iyo pala tumawag. Hayaan mo na muna sila at makakagawa din ‘yan ng paraan,” tugon naman ni Carlos na tila hindi nababahala at patuloy pa rin sa kaniyang pagtatrabaho.

“Bakit parang wala kang pakialam sa nanay mo, Carlos? Tawagan mo man lang para itanong kung ano talaga ang nangyayari. Hindi ka ba nag-aalala?” sambit pa ng ginang.

“Hayaan mo na sila. Ayokong isali pa ang sarili ko sa problema na nila. Saka hindi naman ako doktor, anong magagawa ko? Sila na ang bahala kay nanay. Malalaki na sila,” saad pa ng ginoo.

“Kailangan ng panggastos ng mga ‘yun kaya ka siguro tinatawagan. Bakit hindi mo man lang sila tulungan, Carlos? Tawagan mo ang kapatid mo at itanong kung ano pa ang kailangan,” giit ni Noreen.

“Huwag ka ngang makialam, Noreen! Hindi ba sinabi ko nang hayaan mo na sila? Kaya na nilang gawan ng paraan ‘yan! Ngayong kailangan lang nila ako saka nila ako maaalala!” iritableng tugon ni Carlos.

Palaki kasi ng tiyahin niyang si Dolores itong si Carlos. Dahil lima silang magkakapatid at hindi na kaya pa ng kaniyang inang si Belen na itaguyod silang lahat ay ipinagkatiwala na lamang niya ang anak na si Carlos sa kaniyang nakatatandang kapatid.

Simula noon ay itinuring na anak ni Dolores si Carlos. Siya na ang nagpalaki dito at nagpaaral. Labis naman itong ikinasasama ng loob ni Carlos. Para sa kaniya ay parang tuta lamang siyang basta ipinamigay ng kaniyang ina.

Nakatapos ng pag-aaral itong si Carlos at naging isang inhinyero. Sa kanilang magkakapatid ay tanging si Carlos lamang ang may pinag-aralan. Ang iba ay hindi man lamang nakatuntong ng kolehiyo o nakapagtapos man lamang ng hayskul.

Kaya siya ang laging nilalapitan ng kaniyang mga kapatid sa tuwing nangangailangan ang mga ito. Lubos naman niya itong ikinaiinis.

“Alam mo, Carlos, dapat kahit paano ay tumulong ka sa nanay at kapatid mo. Ikaw na lang ang maasahan nila,” saad ni Noreen sa asawa.

“Wala naman akong utang na loob sa kanila, Noreen. Hindi ba nila natatandaan na hindi man lamang ako naalagaan ng nanay ko dahil nga ipinamigay niya ako kay Mama Dolores? Siya ang nagpakananay sa akin!” tugon naman ni Carlos.

“May dahilan ang nanay mo kaya ibinigay ka niya kay Mama Dolores. Tawagan mo na sila, Carlos. Maayos naman ang buhay natin kaya makakapagbigay ka sa kanila,” dagdag pa ng misis.

Saglit na nakipag-usap si Carlos sa kaniyang kapatid upang alamin ang kalagayan ng kaniyang ina.

“Maraming salamat, Carlos, at nakatawag ka. Gustong-gusto ka na ring makausap kasi ni nanay. Heto, sandali lang at tatawagin ko para makausap mo,” wika ni Allen, nakatatandang kapatid ni Carlos.

“Hindi na, tumawag lang naman ako para itanong kung magkano ang kailangan n’yo. Ipapadala ko na lang,” tugon naman ni Carlos.

Ramdam ni Allen ang malamig na pakikitungo sa kanila ng kapatid kaya hindi na rin niya ito pinilit pang makausap ng ina. Tinanggap na lamang niya ang perang pinadala nito at agad na pinatingin sa doktor ang ina.

Samantala, nang hapong din iyon ay dumaing ng sakit kay Carlos ang kaniyang Mama Dolores. Alalang-alala ang ginoo at agad na nagtungo sa bahay ng tiyahin.

“Gusto n’yo po bang dalhin ko na kayo sa ospital upang ipasuri? Baka tumataas na naman ang presyon ng dugo n’yo.” natatarantang sambit ni Carlos.

“Nahihilo lang ako pero kinakabahan kasi ako, e. Huwag ka munang umalis dito,” wika naman ni Dolores.

Maya-maya ay tumawag muli ang kapatid ni Carlos na si Allen. Ipinapaalam ang nangyari sa kanilang ina.

“Marami pa raw kailangang gawing eksaminasyon sa dugo at baga ni nanay. Kailangan din daw tingnan ang iba pang parte ng kaniyang katawan. Kailangan pa ng dagdag na pera bukod sa gamot,” saad ni Allen.

“Sa susunod na tayo mag-usap, Kuya Allen. May sakit din ang Mama Dolores. Kailangan niya ako!” naiiritang sambit naman nI Carlos sabay baba ng telepono.

“S-sino ba ‘yung tumawag sa’yo? Kinukulit ka ba ng nanay at kapatid mo?” pagtataka ni Dolores.

“Huwag n’yo na po silang intindihin dahil baka lalo pang sumama ang pakiramdam n’yo. Ako na po ang bahala sa kanila. Ipahinga n’yo na lang ang isipan n’yo,” saad pa ng ginoo.

Dahil sa pag-aalala na baka kung ano ang mangyari sa kaniyang nanay-nanayan ay hindi na umalis pa ng tabi ni Dolores itong si Carlos. Inuwi na rin niya ito sa kaniyang bahay nang sa gayon ay maalagaan niya.

Samantala, patuloy ang pagtawag si Allen upang makausap si Carlos hinggil sa sakit ng kaniyang tunay na ina.

“Hindi pa rin kasi bumubuti ang kalagayan ni nanay. Hindi naman siya dumadaing pero ramdam namin sa kaniya na hirap siya,” pahayag ni Allen sa kapatid.

“Baka ayos na siya. Kayo na munang bahala riyan dahil nga inaasikaso ko rin itong si Mama Dolores,” sambit ni Carlos.

Mula noon ay lagi nang binabalewala ni Carlos ang mga tawag ng kaniyang Kuya Allen.

“Nakausap mo na ba ang kapatid mo, Carlos? Ilang beses na raw siyang tumatawag sa iyo pero hindi mo sinasagot,” saad ni Noreen sa asawa.

“Sila na ang umintindi sa nanay nila. Kita mo namang may iintindi ko si Mama Dolores,” naiinis na tugon ng mister.

“Ayos naman ang kalagayan ni Mama Dolores dito. Kumustahin mo naman ang Nanay Belen mo! Nanay mo pa rin siya, Carlos. Ang sabi ng kapatid mo ay may mga nasasalat daw silang bukol sa leeg ng nanay mo, baka kung ano na ‘yun,” paliwanag pa ni Noreen.

“Bakit ba palaging ako ang kinukulit nila? Hindi naman sila kinulit ng Mama Dolores nang mga panahon na kailangan ko ng isang ina, hindi ba? Bakit sa akin nila iyan pinapaproblema? Bakit palaging ako?” hindi na naiwasan pa ni Carlos na sumigaw.

“Sabihin mo sa kanila na tigilan na ang kakadaing sa akin at kakahingi ng tulong. Wala na silang mapapala pa sa akin kahit magkano. Sila naman ang gumawa ng paraan dahil sila naman ang nakinabang sa Nanay Belen nila!” sambit pa ng ginoo.

Dahil sa pagtatalong ito ay hindi na giniit pa ni Noreen ang kaniyang pinapayo sa asawa. Siya na lang mismo ang nagbigay ng tulong sa kapatid at ina ni Carlos.

Hanggang isang araw ay nakatanggap ng tawag si Carlos mula sa kaniyang kapatid.

“Hindi ba sinabi ko na sa inyo na kayo na ang bahala sa Nanay Belen n’yo? Ano pa ang nais mo sa akin?” bungad ni Carlos sa kaniyang kuya nang sagutin niya ang telepono.

“Pasensiya ka na kung naabala ka namin. Pero nais ko lang ipabatid sa iyo na wala na ang nanay. Tinatawagan ka namin kaninang madaling araw dahil puro pangalan mo ang sinasabi niya hanggang sa maubusan siya ng hininga. Wala siyang bukambibig kung hindi sana’y patawarin mo na raw siya,” umiiyak na sambit ng nakatatandang kapatid.

“Malala na kasi ang c@ncer ng nanay at umabot na ito sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan. Kaya palagi kitang tinatawagan ay nais ka kasi niyang makausap. Ang sabi niya sa akin ay kung makakausap daw kita’y ihingi ko ng tawad ang pagbibigay niya sa’yo kay Tiya Dolores. Pero, Carlos, ginawa lang naman iyon ni nanay upang iligtas ka. Malala ang sakit mo noong bata ka at wala tayong kapera-pera noon. Lumapit si Nanay kay Tiya Dolores ngunit ang nais ng tiya ay kapag tumulong siya sa pagpapagamot sa iyo’y tuluyan ka na niyang kukuhain at ilalayo sa amin. Nagkaroon din sila ng kasunduan na kung pilit kang kukunin ni nanay ay may karapatan si Tiya Dolores na ipakulong siya, ” bunyag ng kaniyang kuya.

“Inilihim ito lahat ni nanay dahil na rin sa kagustuhan niyang mapaayos ang buhay mo. Kaya sana sa huling sandali ay mapatawad mo na siya. Mahal na mahal ka ni nanay at walang araw na hindi ka niya binanggit. Ito na ang huling tawag ko sa’yo dahil sumakabilang buhay na rin naman ang taong nag-uugnay sa atin,” patuloy na pahayag ni Allen.

Labis na nagulantang si Carlos sa nalaman niyang katotohanan. Buong buhay niya ay labis ang kaniyang hinanakit sa kaniyang inang wala palang hangad kung hindi mapabuti lamang siya. Agad niyang kinompronta ang kaniyang Mama Dolores upang ipagtapat sa kaniya ang katotohanan.

Napaluhod na lamang si Carlos sa pagkagimbal. Nasayang na ang lahat ng taon na iginugol niya sa pagkapoot sa kaniyang ina.

Pinuntahan ni Carlos ang mga labi ni Aling Belen upang sa huling pagkakataon ay masilayan niya ang ina. Labis ang pag-agos ng kaniyang mga luha nang hagkan niya ito nang wala nang buhay.

“Sana pala’y hindi ako nagpatalo sa galit dito sa puso ko, ‘nay. Sana ay binigyan ko kayo ng pagkakataon para maging ina sa akin. Sana’y ipinaramdam ko sa inyo ang pagiging anak ko. Pero ngayon ay huli na ang lahat. Patawarin mo ako, ‘nay. Ako ang nagkulang!” pagtangis ni Carlos.

Labis ang pagsisisi ni Carlos dahil huli na nang kilalanin niya ang inang si Aling Belen. Patuloy man ang paghingi niya ng tawad at pagtulo ng kaniyang luha ay hindi na nito maibabalik pa ang buhay ng kaniyang tunay na ina.

Advertisement