
Kinukutya at Inaalipusta ang Isang Bata dahil Wala Itong Ama; Babaguhin ng Diyos ang Takbo ng Kaniyang Buhay
“Hoy! Bakit mo raw pinakikialaman itong anak ko? Gusto mong patulan din kita kagaya ng ginawa mo sa kaniya?” sambit ng isang ginoo sa batang si Jonathan.
“H-hindi ko naman po siya pinatulan. Pinagsasabihan ko lang po na huwag niyang asarin itong aso ko kasi baka mamaya ay kagatin siya. Mahirap lang po kami at wala kaming pangpapagamot sa kaniya,” tugon naman ng bata.
“Sumasagot ka pa! Bakit kasi iginagala mo ang aso mo dito sa daan? Dapat iyan ay nasa bahay n’yo at nakatali! Huwag mong masaktan-saktan ang anak ko kung hindi ako ang makakalaban mo! Sino ba ang tatay mong bata ka nang makausap ko?” bulyaw pa ng ginoo.
“W-wala po akong tatay. A-anak po ako ni L-lisa,” na-uutal na sagot naman ni Jonathan.
“Kaya ganiyan pala ang asal mo dahil walang tatay na sumusweto sa masama mong ugali! Tandaan mo ang sinabi ko, lagot ka sa akin kapag nagsumbong pa itong anak ko na ginugulo mo siya!” sambit pa ng lalaki.
Napayuko na lamang si Jonathan. Sa puntong iyon ay hindi niya maiwasan na mag-isip. Kung sana’y may tatay siya ay may magtatanggol din sa kaniya nang ganoon. Ngunit tanging ang ina lamang niya ang kaniyang kasama. Ayaw pa niya itong bigyan ng ikasasama ng loob.
Bata pa lamang ay hindi na nakagisnan ni Jonathan ang kaniyang ama. Ang sabi ng kaniyang inang si Lisa ay hindi pa raw siya isinisilang ay iniwan na sila nito. Kahit kailan ay hindi na sila nito binalikan pa. Ang huling balita nila ay mayroon na raw itong ibang pamilya.
Kahit na puno ng pagmamahal galing sa kaniyang ina ay hindi pa rin maiwasang makaramdam ni Jonathan ng kakulangan. Madalas din kasi siyang makutya dahil wala siyang tinatawag na tatay.
Isang araw ay sinama si Jonathan ng inang si Lisa upang tumanggap ng labada sa tiyahing niyang si Alona. Malaki ang utang na loob ng mag-ina kay Alona dahil madalas itong magbigay ng kanilang panggastos. Nag-aabot din ito para sa pagpaaral ni Jonathan.
Tinawag ni Alona si Jonathan upang utusan.
“Ilipat mo nga ang mga paso na ‘yan, Jonathan! Ingatan mo dahil mahal ‘yan. Wala kang pambayad diyan!” sambit ng tiyahin.
“Tiya, hindi ko po ata kaya ‘yan.” sambit ni Jonathan. Pero pinilit pa rin niyang tulungan ang tiyahin.
Sa kasamaang palad ay nabitawan niya nga ang paso. Mabuti na lamang ay hindi ito nabiyak.
“Napakalampa mo talagang bata ka! Wala kang silbi. Umalis ka na nga riyan at nabubwisit na ako sa’yo! Simpleng gawain ay hindi mo kayang gawin!” naiinis na sigaw ni Alona.
Humingi ng tawad si Jonathan at nakayukong bumalik sa kaniyang ina. Pinipigilan nito ang kaniyang pag-iyak upang hindi na mahalata ni Lisa.
Habang lumalaki si Jonathan ay lalong pabigat nang pabigat ang kanilang mga suliranin. Matapos kasi siyang makapag-aral sa hayskul ay tinigilan na ni Alona ang pagbibigay sa kanila ng tulong para sa pag-aaral ni Jonathan.
“Pagtrabahuhin mo na ‘yan! Dapat ay siya na ang magbanat ng buto ngayon. Huwag mo nang pag-aralin ng kolehiyo dahil magbubulakbol lang ‘yan! Baka mamaya ay masayang din ang hirap mo dahil baka nagmana lang iyan sa kaniyang ama. Nasadlak na kayo sa hirap at lahat ay hindi na talaga bumalik,” sambit ni Alona sa nakikiusap na si Lisa.
Dahil napapagod na si Jonathan sa lahat ng pang-aalipustang natatanggap nilang mag-ina ay hindi na niya napigilan pang sumagot.
“‘Nay, tara na po at umuwi na tayo. Bakit pa po ba kayo lumalapit sa babaeng iyan? Wala namang ginawa ‘yan kung hindi isumbat ang mga binibigay niya sa atin kahit na pinaghihirapan natin ‘yun! Pagod na pagod na po ako sa lahat ng pang-aapi nila sa atin. Ako na po ang bahala, ‘nay! Umuwi na tayo,” wika naman ni Jonathan.
“Nagmamalaki ka? Wala ka pa ngang naaabot sa buhay ay ganiyan ka nang magmalaki. Kung hindi dahil sa akin ay hindi ka makakatapos ng hayskul!” sigaw ni Alona.
“Ginawa n’yo kaming alipin ng nanay ko sa mahabang panahon kapalit ng kaunting pera! Pinaghirapan namin ang lahat ng iyon! Wala kaming utang na loob sa inyo!” pabalang na sagot pa ni Jonathan.
“Tumigil ka na, anak, huwag ka nang sumagot pa!” pag-awat naman ni Lisa.
“Bastos ka pala, e! Sabagay hindi na ako nagtataka dahil wala kang tatay! Kaya siguro hindi na kayo binalikan ng tatay mo dahil alam niyang lalaki ka nang ganiyan!” bulyaw pa ng kaniyang tiyahin.
Pilit na inawat ni Lisa ang anak. Inaya na niya itong umuwi. Sa sobrang inis ni Jonathan ay nasagot na rin niya ang kaniyang ina.“Tama na, ‘nay! Hindi ko na po maatim na maliitin tayo ng kahit sino. Buong buhay ko ay lagi na lang akong kinukutya dahil wala akong ama! Hindi ko naman kasalanan ‘yun! Kaya ngayon ay bigyan n’yo naman ako ng dignidad. Ako naman ang kampihan n’yo,” umiiyak na sambit ni Jonathan.
Nang gabing iyon ay mag-isang nakaupo si Jonathan sa bubungan ng kanilang bahay. Umiiyak at nananalangin habang nakatingin sa kalangitan.
“Diyos ko, Kayo lang po ang makakapagpabago ng buhay namin. Gusto ko pong bigyan ng magandang buhay ang nanay ko. Sa Inyo na lang po ako humuhugot ng pag-asa,” pagtangis ni Jonathan.
“Buong buhay ko hindi ko naramdaman ang magkaroon ng isang ama. May isa akong hihilingin sa Iyo, Panginoon. Pwede po bang Kayo na lang ang tatay ko? Pwede bang Ikaw na lang ang magpuno ng lahat ng kulang dito sa puso ko?” walang patid sa pagluha ang binata.
Nakaramdam ng gaan sa kalooban itong si Jonathan matapos niyang manalangin.
Kinabukasan ay pilit siyang naghahanap ng trabaho upang makatulong sa kaniyang ina. Nais din kasi niyang makapag-ipon para sa kaniyang pagkokolehiyo.
Nakakuha siya ng trabaho sa isang hardware store. Doon ay nagbubuhat siya ng mga kahoy, buhangin, at iba pang materyales.
Nakita ng may-ari ang kasipagan at pagiging matiyaga ni Jonathan. Hanggang sa inalok nito na pag-aralin ang binata. Hindi maipaliwanag ni Jonathan ang saya na kaniyang nararamdaman.
“Nakikita ko sa iyo ang aking sarili. Galing din ako sa hirap at wala rin akong ama. Kung anu-ano rin ang pinasok kong trabaho, humingi ng tulong kung kani-kanino. Pero nagtiyaga ako at hindi ako nawalan ng pag-asa. Ngayon, heto na ako, isang matagumpay na negosyante,” wika ng ginoo sa binata.
“Nais kong tumulong hanggang sa kaya ko, Jonathan. Sa ganitong paraan ay maibabalik ko rin ang kabutihan na ginawa sa akin ng ibang tao noon. Pagbutihin mo ang pag-aaral mo at magsikap ka. Huwag kang mawawalan ng pag-asa dahil may awa ang Diyos,” dagdag pa ng butihing amo.
Pinagsabay ni Jonathan ang pagtatrabaho at ang pag-aaral. Higit niyang ginalingan sa eskwela dahil alam niyang ito lamang ang tanging susi para maiahon niya ang kaniyang ina sa kahirapan.
Hindi nagtagal ay nakatapos din siya nang may karangalan at naging isang magaling na arkitekto. Hindi naging hadlang sa kaniya ang kahirapan at ang hindi pagkakaroon ng ama upang maabot niya ang kaniyang inaasam
Lahat ng nang-aapi sa kanila noon ay tinitingala na sila ngayon dahil sa ganda ng kanilang buhay.
Lubos ang pasasalamat ni Jonathan sa among tumulong sa kaniya at sa Diyos na hindi siya pinabayaan. Ngayon ay nagpaaparal din si Jonathan ng mga kabataang kapos sa buhay.
Hangad niya na makatulong din sa mga taong tulad niyang mataas ang pangarap ngunit nasa laylayan ng lipunan.