Biglaan ang Pagnanais ng Anak ng Ginang na Lumipat ng Bahay, Natulala ang Babae sa Dahilan Nito

“O, anak, ang aga mo namang umuwi. Anong mayroon?” tanong ni Desa sa kaniyang anak, isang hapon nang makita niya itong papalapit sa kaniya habang siya’y nakikipagkwentuhan sa kanilang kapitbahay.

“Ah, eh, wala po, mama. Pupwede ko po ba kayong makausap doon sa bahay? May ipagpapaalam lang po ako,” sagot nito.

“Ay, oo naman, walang problema, anak,” tugon niya, saka agad na tumayo sa inuupuang bangkito, “D’yan ka muna, mare, ha,” paalam niya sa kapitbahay na kausap saka kinuha ang upuang kaniyang dala-dala.

“Mama, parang gusto ko na kasing lumipat ng bahay. May nakita akong magandang paupahan sa kabilang munisipalidad. Mura na, pupwede ka pang magtinda-tinda sa harapan!” pangungumbinsi nito sa kaniya, habang papasok sa kanilang bahay.

“Naku, anak, bakit naman biglaan? Naengganyo ka na naman ng kaibigan mong pulis, ano? Doon nakatira ‘yon, hindi ba?” tanong niya rito.

“Opo, mama, doon nga, pero ako po ang nakahanap noon, hindi po siya,” tugon nito saka ibinaba ang dalang bag pangtrabaho.

“Ayoko, malalayo ako sa mga kaanak natin. Saka, wala namang palengke roon, dadayo pa ako rito para mamalengke!” tanggi niya rito.

“Mama, sige na, para malapit na rin ako sa trabaho ko,” pangungumbinsi pa nito habang naglalambing sa kaniya.

Advertisement

“Pag-iisipan ko!” sigaw niya rito saka muling lumabas ng bahay upang bumalik sa kakwentuhang kapitbahay.

Mag-iisang dekada nang naninirahan ang mag-anak ng ginang na si Desa sa isang barangay malapit sa dagat. Simula nang iwan sila ng kaniyang asawang walang ginawa kung hindi ang mangbabae, napilitan siyang itira ang tatlo niyang mga anak dito.

Nais man niyang itira ang mga ito sa maayos na bahay at kapaligiran, hindi niya magawa dahil sa mahal ng upa. Hindi katulad sa mga barung-barong na bahay na paupahan sa lugar na ito na mura na, marami pa siyang nakakausap na mga kapitbahay dahilan upang siya’y labis na mawili sa buhay habang hinihilom ang sugat na bigay ng dating asawa.

Siya’y naglalako ng mga isda sa kanilang buong barangay na inaangkat niya sa palengke tuwing madaling araw habang nag-aaral sa kolehiyo ang kaniyang panganay na anak.

Mahirap man ang buhay nila noon, hindi sumagi sa isip niya ang pagsuko alang-alang sa kinabukasan ng kaniyang mga anak.

Kaya naman ganoon na lang ang tuwa niya nang makapagtapos na ng pag-aaral ang kaniyang panganay anak at tuluyang maging manager ng isang sikat na restawran sa Maynila. Doon na nagsimulang umalwan ang buhay nila, pinatagil din siya nito sa paglalako dahilan upang matutukan niya ang dalawa niyang pang anak na pawang nag-aaral sa hayskul at elementarya. 

Dahil nga nasanay na siya sa buhay niya sa lugar na ito, ganoon na lang siya nabigla nang sabihin ng kaniyang anak na sila’y lilipat na ng bahay. 

Buong magdamag niya itong pinag-isipan. Wika niya, “Baka malungkot lang ako roon, malalayo na ako sa mga amiga ko!” 

Advertisement

Ngunit maya-maya, tinabihan siya ng kaniyang panganay na anak at siya’y labis na pinilit na lumipat ng bahay. Pinangakuan pa siya nitong ibibili ng bisikletang pangarap niya noon pa man dahilan upang ganoon na lang siya pumayag sa kagustuhan ng kaniyang anak. 

Isang linggo pa ang lumipas, tuluyan na nga silang naglipat ng kaniyang mga anak. Katulad ng sinabi ng panganay niyang anak, maganda ang bahay na nakita nito. Bato ang dingding, maaliwalas at may maayos na banyo at silid, ibang-iba sa bahay nila sa dagat dahilan upang labis siyang magpasalamat dito.

Habang nag-aayos sila ng mga gamit, naisipan niyang usisain ang kaniyang panganay na anak kung ano ba talaga ang dahilan nito ng kanilang paglipat. Pakiramdam niya kasi, may iba pa itong dahilan.

“May gagawing operasyon ngayon doon ang mga pulis, mama, dahil talamak na ang ipinagbabawal na gamot sa lugar natin at ang pinakautak noon, ‘yong kapitbahay natin na lagi mong kausap. Binalaan ako ng kaibigan ko dahil armado raw ang mga iyon ng baril at baka malagay pa tayong lahat sa kapahamakan,” bulong nito sa kaniya. 

“Diyos ko, bakit hindi mo agad sinabi sa akin?” wika niya at tila natulala dahil sa pagkagulat.

“Sikreto lang po kasi ‘yon, mama, sinabi lang sa akin ng kaibigan kong pulis para masiguro niyang hindi tayo madadamay,” tugon pa nito dahilan upang ganoon na lang siya magpasalamat at sila’y nakaiwas sa tiyak na kapahamakan.

Ilang oras lang ang lumipas, pumutok na nga balitang ito sa kanilang bagong barangay na kinabibilangan. Marami raw ang nadamay sa operasyong ito dahil nanlaban ang mga tulak ng masamang gamot.

“Diyos ko, higit pa sa magandang buhay ang bigay Mo sa amin, salamat po,” panalangin niya habang pinapanuod sa telebisyon ang sandamakmak na taong nawalan ng buhay dahil sa operasyong ito. 

Advertisement

Wala man siyang natanggap na bisikleta sa anak, laking pasasalamat niya sa magandang desisyong nagawa nito para sa kanilang pamilya.