
Nalugmok ang Ama Dahil Hindi Siya Makahanap ng Trabaho, Ito ang Ginawang Inspirasyon ng Kaniyang Binatang Anak
“Tatay! Kumusta ang paghahanap ng trabaho? May nahanap ka bang maswerteng kumpanyang magkakaroon ng isang masipag at gwapong empleyadong katulad mo?” masayang bungad ni Joby sa ama nang mapansin niya itong nagtatanggal na ng sapatos dahilan upang iwan niya pansamantala ang unipormeng nilalabhan.
“Pasensiya ka na, anak, hanggang ngayon, wala pa ring tumatanggap sa akin. Matanda na raw ako at siguradong magiging pabigat lang daw ako sa kumpanya nila. Hindi raw ako pupwede sa opisina dahil hindi ako marunong magkompyuter, hindi rin daw pwede sa mga restawran dahil mahina na ang katawan ko. Pasensiya ka na, anak, hindi ko na alam ang gagawin ko,” lugmok na lugmok na wika nito saka nasalampak sa silya nilang gawa sa kawayan.
“Bakit po kayo humihingi ng pasensiya, tatay? Wala po kayong kasalanan! Sadyang hindi lang nila makita ang malaking oportunidad na mayroon ka,” pagpapalubag loob niya rito saka ito tinapik-tapik sa likuran.
“Siyempre, wala akong maibibigay na pera sa’yo pangpaaral mo. Ayoko namang tumigil ka sa pag-aaral dahil ikaw na lang ang pag-asa ko,” maluha-luhang sambit nito dahilan upang agad niya itong yakapin.
“Sino naman pong nagsabing titigil ako sa pag-aaral dahil wala lang akong baon? Kahit wala pa tayong makain, mag-aaral pa rin po ako para sa inyo! Huwag na po kayong mag-alala sa akin, gagawa po ako ng paraan,” nakangiti niyang wika saka ito mariing na niyakap.
Sa piling ng ama lumaki ang binatang si Joby. Bata pa lamang siya nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang at simula noon, ito na ang humubog sa kaniyang pagkatao, nagtaguyod at naghirap upang siya’y makapag-aral lamang sa kabila ng kahirapan nila sa buhay.
Isang construction worker ang kaniyang ama noon pa man. Magaling ito sa paggawa ng bahay at pagguhit, kwento pa nga ito sa kaniya, pag-aarkitekto ang kinukuha nito sa kolehiyo noon dahil ito nga raw ang hilig nito ngunit dahil nga nagdalang-tao ang kaniyang ina, ito’y napilitang tumigil sa pag-aaral at agad na magtrabaho para sa kanila.
Hindi lubos akalain nito na iiwan sila ng kaniyang ina kasama ang kaniyang dalawa pang nakatatandang kapatid dahilan upang magpatuloy ito sa pagtatrabaho sa construction para lang siya’y mataguyod hanggang siya’y magbinata na.
Ngayong nasa kolehiyo na siya, sakto namang tinanggal na sa trabaho ang kaniyang ama dahil sa katandaan nito.
Anim na pung taong gulang na kasi ito at tila mahina na ang mga buto dahil sa maagang pagbabanat ng buto noon. Ngunit dahil nga gustong-gusto nito na makapagtapos siya, sinusuyod nito ang buo nilang lungsod araw-araw upang makahanap ng trabaho.
Ngunit dahil nga matanda na, walang kumpanya ang tumatanggap dito dahilan upang ganoon na lang siya maawa sa ama.
Simula noong makita niyang umiyak ang ama dahil dito, ipinangako niya sa sarili na magiging matagumpay ang kanilang buhay mag-ama.
Sinubsob niya ang sarili sa pag-aaral habang nagtatrabaho sa isang restawran malapit sa unibersidad na kaniyang pinapasukan upang may maiambag din sa gastusin nilang mag-ama na ngayo’y nagbebenta ng mga likhang sining nito sa palengke.
Hirap man at halos maiyak na lang siya sa bigat na pinapasan, hindi siya nawalan ng pag-asa upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang ama na tila nawawalan na ng pag-asa sa buhay.
Sa awa ng Diyos, ilang taon pa ang lumipas, tuluyan na siyang nagtapos ng kolehiyo at hindi kalaunan, naging isang ganap na propesor sa naturang unibersidad.
Doon na siya unti-unting nakaipon hanggang sa makapagpaggawa na siya ng kapehan sa tapat ng kanilang unibersidad.
“Anak, sa dinami-dami ng negosyo, bakit kapehan ang napusuan mo?” pang-uusisa ng kaniyang ama, isang araw habang pinipinturahan nito ang kaniyang pinapatayong kapehan.
“Hindi kasi mabigat ang trabaho rito, papa. Pwedeng-pwedeng magtrabaho rito ang mga matatandang gustong magtrabaho katulad mo. Pero siyempre, ikaw ang boss dito,” sagot niya dahilan upang mapaiyak ito sa tuwa.
Sinimulan nga nila ng kaniyang ama ang paghahanap sa mga matatandang empleyado habang siya’y nagtuturo sa katapat na unibersidad at halos isang buwan lang ang lumipas, tuluyan nang nagbukas ang kanilang kapehan na binubuo ng matatandang empleyado.
Wala nang mas sasaya pa sa kaniya sa tuwing makikitang puno ang kanilang kapehan. Lalo’t higit, ganoon na lang tumataba ang kaniyang puso sa tuwing nakikitang nakangiti ang noo’y lugmok niyang ama.
“Salamat, Panginoon, muli mong pinaliwanag ang mukha ng tatay ko,” panalangin niya habang pinagmamasdan ang amang ganadong-ganado sa pagseserbisyo sa mga estudyante nilang kustomer.