
Laging Iginuguhit ng Ama ang Itsura ng Kaniyang Kaisa-Isang Anak; Hindi Niya Akalaing Magiging Malaking Tulong Pala Ito sa Kaniya
“‘Tay, gumuguhit na naman po ba kayo? Sino naman po ang ginuguhit n’yo ngayon? Si nanay ba?” tanong ni Amir sa kaniyang amang si Cardo.
“Sino pa ba kung hindi ikaw. Alam mo namang ikaw ang paborito kong iguhit. Tingnan mo nga ito at ginawa kitang isang piloto. Aba’y bagay na bagay sa iyo, anak!” masayang sambit naman ni Cardo.
“Ang galing galing n’yo talagang gumuhit, itay. Sana ay mamana ko ang talentong iyan,” wika muli ni Amir sabay tabi sa kaniyang ama.
“Hindi mo na kailangan pang manahin ito, anak. Ang kailangan mo ay mag-ensayo. Lahat naman ay nadadala sa praktis! Sige at kumuha ka rin ng papel at saka gumuhit ka. Iguhit mo naman ako,” pahayag pa ng ama.
Masayang gumuhit ang mag-ama nang gabing iyon kahit na ang ilaw lamang nila ay gasera at tanging gamit ay ang kwaderno at ilang natitirang papel ni Amir sa eskwela. Habang pinagmamasdan ni Cardo ang larawan ng anak na kaniyang iginuhit at ang mismong si Amir ay batid niyang sa kaniya nakasalalay ang magandang kinabuksan nito. At hindi matutustusan ng trabaho niya sa bukid ang pag-aaral ng kaniyang anak sa kolehiyo.
Kaya ngayon pa lamang ay nag-isip na si Cardo ng paraan upang mapag-ipunan niya ang pagpasok sa kolehiyo ng batang si Amir.
“‘Tay, kailangan n’yo pa po ba talagang pumunta ng Maynila upang magtrabaho? Ayos naman po ang trabaho n’yo sa bukid, a!” naiiyak na sambit ni Amir sa kaniyang ama.
“Lahat ng ito ay gagawin ko para sa iyo, anak. Kailangan kong kumita ng mas malaki nang sa gayon ay hindi ka matigil sa pag-aaral. Huwag kang mag-alala dahil uuwi rin naman ako tuwing ika-tatlong buwan. Pansamantala ay doon ka na muna sa Tiya Belen mo manuluyan. Sa kaniya ako magpapadala ng panggastos mo,” paliwanag naman ni Cardo.
“Ayoko po kay Tiya Belen, itay! Noon pa man ay masungit na siya sa akin. Kapag nakaharap lang naman kayo saka siya mabait sa akin! Isama n’yo na lang ako, ‘tay, parang awa n’yo na po. Pangako ko sa inyo na hindi ako magiging pasaway!” giit pa ni Amir.
“Hindi talaga pwede, anak. Hindi ko pa nga rin natitiyak kung ano ang magiging kalagayan ko doon. Dito’y natitiyak kong may bubong kang mauuwian. Sige na, anak at kailangan ko nang umalis. Ihahatid na kita sa Tiya Belen mo. Magpapakabait ka do’n lagi,” sambit pa ng ama.
Bago umalis patungong Maynila ay hinatid muna ni Cardo ang anak niya sa Tiya Belen nito.
“Cardo, siguraduhin mong magpapadala ka ng para dito kay Amir dahil hindi ko na kayang sagutin pa ang pagkain nito. Alam mo naman ang buhay namin. Saka kung maaari ay sobrahan mo dahil hindi madali ang magpalaki at magbantay ng bata!” saad ni Belen sa kapatid.
“Ako na ang bahala, Ate Belen. Sa’yo ko naman ipapadala ang panggastos nitong si Amir. Pakiingatan ang anak ko at siguraduhin mong nakakakin siya sa tamang oras. Ikaw na rin ang bahala na ipaunawa sa kaniya kung bakit wala ako lagi sa tabi niya. Mag-iipon lang ako, ate, at kukunin ko rin si Amir,” wika naman ni Cardo.
Patuloy na lamang sa pag-iyak itong si Amir habang tinatanaw ang paglisan ng kaniyang ama. Unang pagkakataon kasi ito na mawawalay sila sa isa’t isa.
Nang makaalis si Cardo ay sinigawan na lamang ni Belen ang kawawang bata.
“Papasok ka ba o pagsasaraduhan na lang kita ng pinto? D’yan ka na sa labas hanggang sa lamukin ka! Ang arte-arte mo! Iyak ka nang iyak akala mo naman ay hindi ka na babalikan! Bahala ka nga riyan!” bulyaw ni Belen sa pamangkin.
Pansamantalang nanatili sa labas ng bahay itong si Amir. Umaasa siya na babalik ang kaniyang ama upang siya ay isama. Ngunit maghahating gabi na ay hindi na nagpakita pa si Cardo.
Samantala, maging si Cardo ay nalulungkot din sa kaniyang paglayo. Ngunit kailangan niya itong tiisin sa ngalan ng magandang kinabukasan ng anak.
Pumasok siya bilang isang pahinante sa isang kompanya. Dahil wala siyang baong larawan ng anak ay wala itong ginawa sa gabi kung hindi iguhit ang mukha ni Amir.
“Magaling pala ang kamay mo sa pagguhit, pare. Dapat ata ay hindi pagiging pahinante ang pinasok mo!” saad ng kasamahan ni Cardo sa kaniya.
“Wala naman akong tinapos sa pag-aaral. Pero noon pa man ay nais ko nang maging isang arkitekto. Kaya ito, sinisikap ko nang sa gayon ay matupad naman ng anak ko ang kahit ano mang pangarap niya,” tugon naman ng ginoo.
Upang maibsan din ang kalungkutan na nararamdaman nitong si Cardo ay patuloy ang kaniyang pagsulat sa anak. Sumusulat din namang pabalik itong si Amir. Tanging ito na lamang ang pinagkukuhaan ng ginoo ng lakas ng loob.
Ngunit sa paglipas ng mga araw ay napapansin niyang nag-iiba na ang sulat kamay ng kaniyang anak. Madalas na rin kung manghingi ito ng mga bagay na dati naman ay hindi nito hinihingi.
Masama man ang kutob ni Cardo ay ayaw niyang pag-isipan ng masama ang kaniyang kapatid.
Habang tumatagal ay lalong namimiss ni Cardo ang kaniyang anak. Halos naka isang dangkal na papel na ng mukha ni Amir ang kaniyang naguhit.
Hanggang sa hindi na niya talaga mapigilan ang pananabik na makapiling ang anak. Nagdesisyon siyang umuwi upang tuluyan na itong isama sa Maynila.
Ngunit pag-uwi niya ay labis niyang ikinagulat na wala na pala doon ang kaniyang anak na si Amir.
“Pasaway ang anak mong iyan! Nabarkada, e. Isang araw ay bigla na lang naglayas. Hindi ko naman alam paano sasabihin sa’yo dahil nagbabakasakali ako na isang araw ay babalik din!” depensa naman ni Belen.
Hindi pa tapos sa pagpapalusot ang nakatatandang kapatid ay umalis na agad si Cardo. Hindi man niya alam kung saan magsisimula ngunit hinanap na niya ang kaniyang anak na si Amir.
Hindi siya naniniwala na basta na lamang itong naglayas. Maaaring may ginawa ang kaniyang Ate Belen kaya umalis itong si Amir. At ang tanging alam lang ni Cardo na maaaring puntahan ni Amir ay kung nasaan siya — ang Maynila.
Agad na lumuwas si Cardo pabalik ng Maynila. Dahil wala nga siyang larawan ng kaniyang anak ay ginamit na lamang niya ang mga iginuhit niyang larawan upang ipaskil sa pader. Nilagay niya ang address ng lugar kung saan siya matatagpuan.
Lumipas ang ilang buwan ngunit hindi pa rin natatagpuan si Amir. Hanggang sa isang araw ay may isang matandang lalaki na nasa harap ng kaniyang tinutuluyan at hinahanap si Cardo.
“Nakita n’yo po ba ang batang iyan? Anak ko po ang nawawalang batang ‘yan!” wika ni Cardo sa matanda.
“Sana nga ay nakita ko ngunit hindi. Iba ang pinunta ko dito, Cardo,” saad ng matanda.
“Ako nga pala si Clemente. Napansin ko kasi na magaling kang gumuhit. Kailangan ko ang talento mo sa aking opisina. Baka nais mong magtrabaho sa akin,” saad pa ng matanda.
“Maraming salamat po sa alok n’yo pero abala po ako sa paghahanap ng anak ko at mayroon na po akong trabaho,” tugon naman ng ginoo.
“Paano kung sabihin ko sa’yo na sa trabaho mo ay lalo kang magkakaroon ng pag-asa na makita ang anak mo? Marami akong tauhan na mga private investigator. Maaari kitang tulungan,” saad muli ni Ginoong Clemente.
Dahil sa pagnanais na mahanap ang kaniyang anak ay agad na sinunggaban ni Cardo ang inalok na trabaho ng matanda. Totoo nga na mas malaki ang kaniyang sahod ngunit sa pagkaabala niya ay hindi na niya napagtuunan pa ang paghahanap sa kaniyang anak.
Sa tuwing sinasabi naman niya ang tungkol sa paghahanap sa anak sa kaniyang among si Ginoong Clemente ay sinasabi nitong gumagawa na siya ng paraan para makita ang bata. Ngunit hindi kumpansya si Cardo.
Dumaan pa ang ilang buwan at halos mawalan na ng pag-asa itong si Cardo. Nais na niyang komprontahin ang kaniyang amo tungkol sa pinangakong paghahanap sa kaniyang anak.
Bitbit ang iginuhit na larawan ni Amir ay nais na niyang mag-isang hanapin ang anak nang biglang dumating si Ginoong Clemente.
“Saan ka pupunta?” tanong ng ginoo.
“Aalis na ako at ako na ang gagawa ng paraan para mahanap ang anak ko! Habang tumatagal ay baka tuluyan ko nang hindi makita si Amir!” sambit naman ni Cardo.
Tumalikod na si Cardo sa kaniyang amo. Nang tangkang aalis na siya ay may isang pamilyar na tinig ang kaniyang narinig.
“Tatay, hindi n’yo na po ako kailangan pang hanapin dahil narito na po ako,” saad ng bata.
Paglingon ni Cardo ay napaluha na lamang siya nang makita ang anak sa kaniyang harapan.
“Tunay nga ba? Narito ka na sa piling ko, anak? Saan ka ba nagpuntang bata ka at alalang-alala ako sa’yo!” umiiyak na sambit ni Cardo.
“Pinalayas po ako ni Tiya Belen dahil ayaw ko raw po siyang sundin. Ang gusto po niya ay hingan ko kayo nang hingan ng pera. Hindi ko po iyon magagawa sa inyo, tatay. Madalas din niya po akong hindi pakainin at saka pagmalupitan!” kwento ni Amir.
Labis ang sama ng loob ni Cardo sa kaniyang ate sapagkat ipinagkatiwala niya dito ang kaisa-isa niyang anak.
“Mabuti na lamang at magaling gumuhit itong ama mo. Ito ang ginamit ng mga tauhan ko para makita ka. Wala dito sa Maynila ang anak mo. Sa isang lugar sa Bulacan namin siya natagpuan. Kung saan-saan na lamang siya nakikitulog. Mabuti na lamang ay may isang matandang babaeng nagmagandang loob sa kaniya,” pahayag ni Ginoong Clemente.
Lubos ang pasasalamat ni Cardo sa tulong na ginawa sa kaniya ni Ginoong Clemente. Simula noon ay hindi na ibinalik pa ni Cardo ang anak sa pangangalaga ng nakatatandang kapatid. Namuhay na lamang sila sa Maynila nang magkasama.
Dahil na rin sa tulong ni Ginoong Clemente ay nagpatuloy sa pag-aaral itong si Amir. Sinagot na rin ng matanda ang pag-aaral nito hanggang sa ito’y magkolehiyo. Hindi alam ni Cardo kung paano pasasalamatan ang matanda para sa lahat ng kabutihan na ginawa nito sa kanilang mag-ama.
“Ang lahat ng ito ay galing sa Panginoon. Nakita Niya kung gaano kabusilak ang puso mo at kung gaano mo kamahal ang iyong anak. Ginamit lang Niya akong instrumento upang tulungan kayo,” wika naman ni Ginoong Clemente sa mag-ama.