Inday TrendingInday Trending
Sinabi ng Amo sa Kasambahay Kung Nasaan ang Pinakaiingatang Kayamanan Nito; Manatili Kayang Tapat ang Babae sa Amo?

Sinabi ng Amo sa Kasambahay Kung Nasaan ang Pinakaiingatang Kayamanan Nito; Manatili Kayang Tapat ang Babae sa Amo?

“Naku Chai… kapag nalalapit nang matapos ang iyong buhay, doon mo talaga mapagtatanto kung ano ang pinakamahalaga sa buhay,” kwento ni Donya Carmen sa katulong na si Chai sabay buntong-hininga. Tatango-tango naman ang katulong dahil sanay na sa palakwentong amo.

“Tingnan mo, ako nga’y mayaman, napakalaki ng bahay na ito ngunit mag-isa naman ako. Ang mga anak ko’y may kaniya-kaniya nang buhay. Marami nga akong pera sa bangko, at ang pinakaiingatan kong kayamanan ay binaon ko pa sa hardin, ngunit heto’t nararamdaman kong binabawi na ang buhay na ipinahiram sa akin. Walang silbi ang lahat,” sabi ng Donya na halatang lugmok sa kalungkutan dahil sa dinaranas na sakit at sa kinahantungan ng buhay.

Wala namang maipayo si Chai dahil bente kwatro pa lang siya, hindi niya pa naiisip ang mga ganoong bagay. Kung baga eh nasa katanghalian pa lang siya ng buhay niya. Kung may magpapakain lang sa mga naiwang kapatid niya sa probinsya eh ‘di sana’y sarili niya naman ang inuna niya. Tumigil siyang mag-aral noon nang magkandautang-utang sila pampagamot ng kaniyang ina na kinalaunan ay pumanaw rin. Sa kaniya naiwan ang lahat ng bigat. Buti na lang ngayon ay nakahanap siya ng mabuting amo na katulad ni Donya Carmen.

“Naku Donya Carmen, huwag po kayong magsalita ng ganiyan…” tanging nasambit ng dalaga.

“Salamat, Chai. Isa ka sa mga kasambahay na tila anak na ang turing ko, dahil mapagkakatiwalaan ka,” sabi nito.

Sa sumunod na araw ay lalong nanghina ang matanda kaya’t pinapunta na sa bahay ang family doctor ng mga ito. Malala na raw ang lagay ng donya at may taning na ang buhay nito. Nang kumalat ang balita ay maraming mga kamag-anak ang bumisita, at kabilang na roon ang tatlo nitong anak.

“Para lang malinaw tayong lahat, dahil ako ang panganay ay dapat sakin mapunta ang kompanya,” sabi ni Rodel.

“Anong karapatan mong pangunahan si mama? Tiyak akong nasa last will and testament niya ang mga huling habilin niya, maghintay na lang tayo,” sabi ni Joanne. Ang bunsong si Claire naman ay tahimik lang.

Sa isip-isip ni Chai ay naiinis siya sa mga anak ni Donya Carmen. Nasa bingit ang buhay ng ina ngunit mas iniisip ng mga ito ang paghahati ng kayamanang maiiwan. Umalis si Chai upang mag-asikaso sa bahay, nagulat siya nang may humawak sa kaniyang siko.

“Ikaw ba si Chai?” sabi ng babaeng tila mukhang anghel na nakangiti sa kaniya. Nakilala niya ito bilang bunsong anak na si Claire. “Ikaw raw ang pinakapinagkakatiwalaan ng mama sa bahay na ito, may gusto lang sana akong hinging pabor,” sabi nito.

“Nakita mo naman kung gaano katuso ang mga kapatid ko sa pera, ‘di ba? Kilala ko si mama at sigurado akong may iiwan siya para sa aming lahat, pero nabanggit niya sa amin noon na may pinakamahalagang kayamanan pa siyang itinatago. Imbes na mabaon iyon sa limot, magandang may makinabang na, hindi ba? Nabanggit ba sa’yo ni mama kung saan iyon nakatago?” sabi ni Lindon

Tila anghel talaga ang magandang mukha ng dalagang humihingi ng pabor sa kaniya ngunit nagdalawang-isip si Chai. Pinagkatiwalaan siya ng matanda, ayos lang bang sabihin niya ang sikreto? May punto rin kasi si Claire at anak naman ito ng matanda.

“Ahm… ano po eh…” nag-aalangang sagot ni Chai. Isang malakas na tinig ang nagligtas sa kaniya. Nagising na raw ang matanda! Agad namang umalis si Chai at tumungo sa kwarto ng amo. Muntik na siya roon ah.

Tila nga naman nagmilagro nang magising muli si Donya Carmen. Sa harap ng abogado at mga anak nito ay binasa ang last will and testament. Pinaghati-hati ang kayamanan sa mga anak.

“Ito lang, ma? Parang may nabanggit ka po sa amin noon tungkol sa pinakainiingatan ninyong kayamanan,” sabi ni Claire. Nang hindi sumagot ang ina ay tila ba nagbago ang mukha at tono ng boses nito. Nagulat si Chai dahil ang akala niyang inosenteng anghel ay mas gahaman pa pala sa mga kapatid nito. “Ayaw mong sabihin sa amin ngunit sa kasambahay ay pinagkatiwala mo ang sikreto mo?! Nasaan ang kayamanan? Sabihin niyo!” sabi nito. Kahit sina Rodel at Joanne ay naging alanganin ang tingin sa bunsong kapatid. Huli na nang nalaman ni Chai na kaya pala ganoon si Claire ay dahil lubog ito sa utang dahil sa kinakasama nitong sugarol.

Tumingin si Donya Carmen kay Chai at sinenyasang sabihin niya kay Claire kung nasaan ang kayamanan. Nang araw ring iyon, ‘di pa man pumapanaw ang ina, pinahukay agad ni Claire ang hardin. Doon nakita nila ang sinasabing pinakaiingatang yaman ng matanda. Halos malaglag ang balikat ni Claire nang makitang isa lang iyong larawan nilang pamilya na naka-frame! Nagsisigaw ang dalaga sa pagkayamot at ibinato kay Chai ang picture frame.

“Mukhang walang kumuha niyan hija, kaya sa iyo na lang. Salamat sa pagiging tapat mo sa akin,” sabi ni Donya Carmen nang magsialisan na ang mga anak. Sumunod na araw lang ay binawian na ito ng buhay.

Isang araw, habang nagliligpit ng gamit si Chai ay nakita niya muli ang picture frame na iniwan ng matanda. Napangiti siya at nagpasyang tanggalin iyon sa frame. Nagulat siya nang isang maliit na susi at sulat ang nalaglag mula doon. Susi pala iyon sa likod bahay!

Nang puntahan niya iyon ay isang baul na puno ng ginto at alahas ang naghihintay sa kaniya. Naluha si Chai dahil sobra-sobra ang ibinigay ng matanda sa kaniya. Nangako siya sa sariling gagamitin iyon sa mabuti at ibabahagi sa iba. Sa huli, alam ni Chai sa puso niya na hindi ang ginto ang tinutukoy ni Donya Carmen na pinakamahalagang kayamanan nito – kung hindi ang mga tao sa larawan. Iyon ang leksyong gusto niyang baunin para sa hinaharap.

Advertisement