Inday TrendingInday Trending
Ipinagtulakan ng Ina ang Kaniyang Anak sa Isang Mayamang Matanda; Sa Huli’y Imbis na Magandang Buhay ay Kabaligtaran ang Sinapit ng Anak

Ipinagtulakan ng Ina ang Kaniyang Anak sa Isang Mayamang Matanda; Sa Huli’y Imbis na Magandang Buhay ay Kabaligtaran ang Sinapit ng Anak

“Emily! Tigilan mo ang pakikipagkita mo sa anak ng mekaniko na si Abner! Aba’y wala kang mapapala sa lalaking iyan! Kung magpapaligaw ka na rin lang ay doon na sa may kaya. Nais mo bang habambuhay na lang na mahirap tayo? Maging wais ka at isipin mo kaming pamilya mo! Hindi na uso na puro puso na lang ang pagaganahin mo! Gamitin mo ang utak mo! Huwag kang tumulad sa akin na pinakasalan ko ang tatay mo sa pag-aakalang bubuhayin kami ng pag-ibig! Tingnan mo kung saan ako dinala ng letseng pag-ibig na ‘yan?!” nanggagalaiting sambit ni Aling Loreta sa dalagang anak.

“Kaibigan ko lang naman po si Abner, ‘nay, at wala naman sigurong masama kung anak siya ng isang mekaniko. Mabubuting tao naman ang pamilya niya. Saka isa pa, huwag naman kayong magsalita ng masama tungkol kay tatay. Binigay naman ni tatay ang lahat ng pangangailangan natin sa buhay. Hanggang sa huli nga ay tayo pa rin ang iniisip niya kaya kahit may sakit na siya ay nilihim niya ito sa atin at patuloy pa rin siyang nagtrabaho. Huwag kayong magsalita na para bang masamang tao si tatay,” depensa naman ni Emily sa kaniyang ina.

“A, basta! Hindi ako makakapayag na sa mahirap na si Abner ka lang mapupunta! Sayang ang ganda mo, Emily, kung hindi mo gagamitin. Kapag ang utak mo ang pinapagana mo ay pati kami ng mga kapatid mo ay makaahon sa hirap. Saka na ang pagmamahal na iyan kapag naibigay na sa’yo ang lahat ng pangangailangan mo!” dagdag pa ni Aling Loreta.

Bata pa lamang ay lagi nang ipinapasok ni Aling Loreta sa isipan ng dalagang anak na si Emily na dapat ay makapag-asawa ito ng mayaman. Para kasi kay Aling Loreta, ito na lamang ang tanging paraan upang makaalis sila sa kinasasadlakang kahirapan. Kaya kahit na ayaw ni Emily ay itinutulak ni Aling Loreta ang anak na humanap ng mayamang mapapangasawa. At wala na siyang pakialam kung ano man ang edad nito at ginagawa sa buhay.

Isang araw ay napakinggan ni Aling Loreta ang usapan ng mga kapitbahay tungkol sa isang mayamang matandang bagong salta sa kanilang lugar.

“Sa kaniya daw ‘yang bagong pinapatayong malaking apartment na ‘yan! Aba’y bukod diyan ay may iba pa siyang mga negosyo! Ang sabi pa ng ilan ay kaya dito daw ‘yan nagtayo ng paupahan ay dahil may babaeng kinahuhumalingan dito!” balita ng isang kapitbahay.

Dito na nagkaroon ng ideya itong si Aling Loreta. Alam niyang malaki ang tiyansa ng kaniyang anak na magustuhan ng matandang may-ari ng pinapatayong paupahan.

“Bukas na bukas ay pupunta raw ang matandang may-ari ng gusali na pinapatayo malapit dito sa atin! Pumunta ka doon at magtinda ka ng kakanin!” saad ni Aling Loreta sa kaniyang anak.

“B-bakit kailangang doon po ako magtinda ng kakanin, ‘nay? Baka pag-isipan pa ako ng mga tao na nagpapansin sa matandang mayamang iyon!” sambit pa ni Emily.

“Hayaan mo sila sa iisipin nila, Emily! Saka talagang pupunta ka do’n dahil nga kailangan ay mapansin ka ng mayamang matandang ‘yun! Ito na ang pagkakataon mong makapag-asawa ng mayaman! Gawin mo ang lahat upang mabighani siya sa’yo!” saad pa ng ginang.

Kahit na labag sa kalooban ni Emily ay wala siyang nagawa sa pagpupumilit ng ina. Sinamahan ni Aling Loreta si Emily sa ginagawang gusali nang sa gayon ay masigurong pupunta nga roon ang anak.

At tama nga ang planong ginawa ni Aling Loreta dahil tunay na napansin ng matandang may-ari ng paupahan na si Philip ang kagandahan ni Emily. Agad na nilapitan ni Philip si Emily upang tanungin ang numero at ang address nito. Dahil sa ayaw makipag-usap ni Emily sa matanda ay umentrada itong si Aling Loreta at siya mismo ang nagbigay ng mga kinakailangang impormasyon ng matanda.

“Sigurado ako na pupuntahan ka no’n dito. Kapag niligawan ka naman ay huwag mong sagutin kaagad. Pahirapan mo rin ng kaunti. Hingan mo ng kung anu-ano tapos kapag hulog na hulog na siya sa iyo ay saka mo yayaing magpakasal,” sambit ni Aling Loreta sa anak.

“‘Nay, ayoko pong gawin ang pinapagawa n’yo. Hindi po siya ang lalaking pinapangarap kong makasama sa buhay ko!” sambit naman ni Emily.

“At sino ang gusto mo? Iyong mahirap na si Abner? Emily, lumalapit na nga sa iyo ang swerte, tatanggi ka pa ba? Susi na ito sa pagyaman ng pamilya natin! Huwag ka namang maging makasarili. Gagawin mo ang lahat ng ipinag-uutos ko sa’yo at titigilan mo na ang pakikipagkita mo riyan kay Abner dahil sasamain ka talaga sa akin!” bulyaw pa ng ina.

Dahil sa matinding takot sa ina ay wala nang nagawa pa si Emily kung hindi lumayo kay Abner at tuluyang hayaang manligaw sa kaniya ang matandang si Philip.

Tanging si Aling Loreta lamang ang masaya sa panliligaw na ito ng matanda. Pinagtulakan ni Aling Loreta ang kaniyang anak hanggang sa tuluyan na itong yayaing magpakasal ni Philip.

“Huwag ka nang maarte at huwag kang tatanggi! Isipin mo kami ng mga kapatid mo! Huwag kang maging maramot sa amin. Hintayin mo na lang sumakabilang buhay ang matandang iyan at kapag nailipat na sa’yo ang lahat ng kayamanan niya ay saka ka na lang maghanap ng lalaking gusto mo. Ngayon ay magtitiis ka muna para sa pamilya mo!” sambit muli ng ina.

Muli ay tila tauhan na lamang si Emily na sumusunod sa pinag-uutos ng kaniyang ina. Tuluyan nang ikinasal ang dalaga kay Philip.

Ngunit pagkatapos ng kasal ay malayo sa inaasam na buhay ni Aling Loreta ang kanilang naranasan. Pagkakuha ni Philip kay Emily upang manirahan kasama niya ay nawalan na rin ng karapatan si Aling Loreta sa anak. Ni hindi man lamang din nagbibigay ng pera itong si Philip sa kanila. Habang si Emily naman ay nagdurusa dahil sa hindi magandang pagtrato sa kaniya ni Philip. Walang ginawa ang matanda kung hindi abusuhin si Emily. Sinasaktan niya ito lalo na kapag ayaw nitong makipags*ping sa kaniya.

Madalas pang ikadena ni Philip itong si Emily sa takot na baka layasan siya nito.

Hanggang isang araw ay nasobrahan na lamang si Philip ng pananakit kay Emily. Nawalan ito ng malay. Nang suriin ni Philip kung humihinga pa ang asawa ay laking takot niya nang malamang wala na itong buhay.

Agad na tumakas si Philip papuntang ibang bansa.

Makalipas pa ng dalawang araw ay natagpuan ng kasambahay ang wala nang buhay na katawan ni Emily.

Nang malaman ito ni Aling Loreta at nanlambot ang kaniyang mga tuhod at lubusan siyang nagsisisi dahil sa sinapit ng kaniyang anak.

Sinisisi ni Aling Loreta ang kaniyang sarili dahil kung hindi niya ipinagtulakan ang kaniyang anak na pakasalan ang naturang matanda para sa yaman nito’y marahil buhay pa ang kaawa-awang dalaga.

Ngunit kahit anong pagsisisi ni Aling Loreta ay hindi na niya maibabalik pa ang buhay ni Emily. Walang patid ang kaniyang pagluha at paghingi ng tawad sa anak habang inihahatid nila ito sa huling hantungan.

Advertisement