
Inuna ng Dalaga ang Kaniyang Pamilya Kaysa sa Sariling Kaligayahan; Ikalulungkot Niya ang Ganti ng mga Ito sa Kaniyang mga Sakripisyo
“Steph, ang tagal niyo na ni Arvin na magkasintahan pero hanggang ngayon ay parang wala pa rin kayong balak magpakasal. Hindi ka pa ba niya niyayaya?” tanong ng kasamahan at katrabahong si Grace sa dalaga.
“Sa totoo lang ay ilang beses na akong niyaya ni Arvin na magpakasal. Pero alam mo naman ang sitwasyon ko, Grace. Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko. Marami pa akong obligasyon na kailangang gawin,” tugon naman ng dalaga.
“Alam mo, hindi ko maintindihan sa’yo kung bakit hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang pumapasan sa mga responsibilidad na ‘yan! May mga asawa’t anak na ang mga kapatid mo. Panahon na para sila naman ang magbanat ng buto para sa sarili nilang mga pamilya. Tingnan mo nga at trenta’y otso ka na. Dalawang taon na lang ay kwarenta ka na. Kailan mo pa balak mag-asawa?” sambit muli ng kaibigan.
“Wala naman sa edad ang pag-aasawa, Grace. Hindi ko lang talaga maatim na wala pa sa ayos ang buhay ng dalawa kong kapatid pati ng mama ko. Nangako ako sa kanila na tutulungan ko sila. Nagiging totoo lang ako sa pangako ko,” muling sagot ni Steph.
“Kaso baka hindi na makapaghintay sa’yo si Arvin at maghanap na ng ibang pakakasalan. Tumatanda ka na, Steph. Baka mamaya ay mawalan ka na ng kakayahan na magkaroon ng anak. Sa totoo lang ay nag-aalala rin ako para sa kinabukasan mo. Huwag mong pamihasain ang pamilya mo na nakasandal lagi sa’yo,” saad pa ni Grace.
Bago pa lamang makapagtapos ng kolehiyo itong si Steph ay yumao na ang kaniyang amang si Marlon. Responsable at mapagmahal sa pamilya ang ama ni Steph kaya ito ang kaniyang tinitingala. Labis niya itong hinahangaan dahil kahit na may sakit na ito ay patuloy siyang nagtatrabaho para sa pamilya. Kaya nang tuluyang nanghina ang ama ay ipinangako ni Steph na siya na ang aako ng responsibilidad nito. Hanggang sa nawalan na nga ng buhay ang ginoo.
Nang makapagtapos si Steph ay agad siyang humanap ng trabaho. Nang makita niyang hindi sapat ang kaniyang sinusuweldo para buhayin ang kaniyang pamilya ay napilitan siyang mangibang bansa.
Sa dami ng kaniyang responsibilidad at pangarap ay laging nariyan lamang ang kaniyang matagal nang kasintahang si Arvin. Nauunawaan naman ni Arvin ang pagmamahal ni Steph sa kaniyang pamilya ngunit minsan nga lang ay nagtatampo siya sa kaniyang nobya dahil hindi nito maiwan ang responsibilidad para magpakasal sa kaniya. Pakiramdam tuloy ni Arvin ay naghihintay lamang siya para sa wala.
Kaya isang araw ay kinausap na niya si Steph nang masinsinan.
“Mahal kita, Steph. Pero sana ay maunawaan mo rin ako. Madalas ay hindi ko na alam kung saan ako lulugar sa’yo. Hanggang kailan ba ako maghihintay na pakasalan mo? Kung sasabihin mo sa akin na hanggang mailagay mo lang sa ayos ang pamilya mo ay tila maghihintay ako nang habangbuhay dahil sa nakikita ko ay ayaw namang tulungan ng mga kapatid mo ang kanilang mga sarili. Matatanda na sila at may sarili nang pamilya ngunit sa’yo pa rin nakaasa. Paano naman ang kaligayahan mo?” pahayag ni Arvin kay Steph.
Wala man lamang masagot si Steph dahil alam niyang tama ang sinasabi ng kaniyang kasintahan.
“Bibigyan kita ng isang buwan para mag-isip, Steph. Kung ayaw mo talagang magpakasal sa akin ay mabuti pang palayain na lamang natin ang isa’t isa. Ayaw na rin kasi kitang mahirapan na pumili sa amin ng pamilya mo,” dagdag pa ng binata.
Ngunit dahil sa pagmamahal din ni Steph kay Arvin ay ayaw niyang mawala ito. Isa pa, si Arvin lang ang tanging lalaking sa tingin niya ay makakaunawa sa kaniyang responsibilidad sa pamilya.
Kaya kahit na ramdam ni Steph ang pagtutol ng kaniyang pamilya ay nagpakasal pa rin siya kay Arvin.
“Mabuti nga ito nang sa gayon ay may katulong na ako sa pagbibigay sa inyong pamilya ko. Nauunawaan naman ni Arvin ang sitwasyon ko at handa naman siyang tulungan ako habang wala pa kaming anak,” saad ni Steph sa kaniyang pamilya.
Ngunit unti-unting nakakaramdam ang mga kapatid ni Steph na tila nababawasan ang pinapadala sa kanila ng kanilang Ate Steph. Nahihirapan na rin silang manghingi dito dahil nga marami na itong pinaglalaanan pa.
“Ate, kailangan ko lang talaga ng pang tuition ng anak ko. Hindi naman ako pwedeng mangutang na lang dahil wala naman akong trabaho,” saad ng nakababatang kapatid kay Steph.
“Sige, titingnan ko kung ano ang magagawa ko. Kailangan ko na kasing magsimulang mag-ipon dahil buntis ako. Kailangan ay maging handa na kami ni Arvin sa pamilyang aming bubuuin. Kaya sana ay pagkasyahin n’yo na muna ang perang pinapadala namin ni Arvin sa inyo,” wika naman ni Steph.
Imbis na matuwa sa magandang balita ay hindi man lamang napansin ng nakababatang kapatid ang sinabi ng kaniyang Ate Steph na nagdadalantao ito.
“Ate, baka naman pwedeng magbigay ka muna ng pangbayad ng matrikula ng anak ko. Huwag mo naman kaming biglain. Kailangan ko ring maghanap ng trabaho. Baka mamaya ay ituloy ng asawa ko ang bantang iaalis dito ang mga anak ko kapag hindi ako nakapagbigay!” muling sambit pa ng kapatid.
Dahil dito ay napilitang magbigay si Steph ng karagdagang pera.
Ilang araw ang nakalipas at napapansin ni Arvin na tila nai-istress ang kaniyang asawa.
“May malalim ka atang iniisip. Ano ba ‘yun, love? Baka naman mamaya ay makasama sa pinagbubuntis mo ‘yan?” pag-aalala ni Arvin kay Steph.
“Iniisip ko lang dahil nga maselan ang pagbubuntis ko ay kailangan ko munang huminto sa trabaho. Pero paano na lang kaya ang pamilya ko. Paano kaya sila mabubuhay kung hindi ko sila bibigyan?” pag-aalala muli ni Steph.
“Huwag mo silang pamihasain, Steph. Hayaan mo silang gumawa ng paraan para sa sarili nila. Ang importante ay ang kalagayan n’yo ng magiging anak natin,” saad pa ni Arvin.
Ngunit walang ginawa ang pamilya ni Steph kung hindi tawagan siya dahil sa sunud-sunod na problema. Naging dahilan ito upang hindi na muna tumigil sa pagtatrabaho itong si Steph, Hanggang isang araw ay dinugo na lamang ito.
Dahil sa sobrang stress ay nalaglag ang dinadala ni Steph. Labis na ikinalungkot ng mag-asawa ang nangyari.
Dahil na rin ayaw nang dagdagan pa ni Arvin ang bigat na nararamdaman ng asawa ay inunawa na lamang niya ang sitwasyon. Wala na siyang sinisi na sinuman dahil alam niyang hindi rin ito ginusto ng kaniyang asawa. Sa edad ni Steph ay tila nahihirapan na rin siyang magbuntis.
Isang araw, naisipan ni Steph na umuwi sa kaniyang pamilya upang kumustahin ang kalagayan ng mga ito. Ngunit isang pag-uusap ang tila sinadya na marinig niya.
“Mabuti nga at nalaglagan ang ate n’yo! Paano na lamang kung natuloy ang ipinagbubuntis niya? Paano na lang kung magkaanak na siya?” saad ng kaniyang ina.
“Kaya nga! Buti na lang talaga at nalaglagan si Ate Steph. Ngayon pa nga lang na nagpakasal na siya ay malaki na ang nagbago. Baka wala na siyang ipadala pa sa atin kapag may anak na siya!” wika pa ng isang kapatid.
Labis na ikinalulungkot at ikinasama ng loob ni Steph ang kaniyang narinig. Dahan-dahan siyang nagpakita sa kaniyang pamilya at ipinabatid niya ang lahat ng kaniyang narinig.
“Buong buhay ko ay kayo ang inisip ko. Tinupad ko ang pangako ko kay papa na bibigyan ko kayo ng magandang buhay kahit ano ang mangyari. Kahit kapalit nito ay sarili kong kaligayahan. Ngunit sa kabila pala ng lahat ng iyon ay masaya pa kayo sa pagkawala ng anak ko. Ang damot damot niyo sa akin! Ngayon ay napagtanto ko na uunahin ko naman ang sarili ko kaysa sa inyo,” umiiyak na sambit ni Steph sa kaniyang pamilya.
Humingi man ng kapatawaran ang kaniyang ina at mga kapatid dahil sa mga nasabi nila ay hindi na mawawala ang lamat sa puso ni Steph.
Simula noon ay pinagtuunan na lamang ni Steph si Arvin at ang pagbuo nila ng sariling pamilya. Nagpapaabot pa rin naman siya ng tulong sa kaniyang pamilya ngunit hinayaan na niya ang mga ito na magbanat ng buto para sa kanilang mga sarili.
Sa pagkakataong ito ay nais ni Steph na ang sarili naman niyang kailigayan ang kaniyang unahin.