Inday TrendingInday Trending
Apat na Beses nang Tinanggihan ng Nobya ang Paanyaya ng Binata na Magpakasal; Pagsisisihan ng Dalaga ang Panlolokong Ginawa Niya

Apat na Beses nang Tinanggihan ng Nobya ang Paanyaya ng Binata na Magpakasal; Pagsisisihan ng Dalaga ang Panlolokong Ginawa Niya

“Lester, anak, sigurado ka na ba sa gagawin mong ito? Aba’y wala nang atrasan ito,” tanong ng amang si Raul sa anak na binata.

“Opo, ‘tay. Siguradong sigurado na po ako. Kinakabahan lang po ako ng kaunti,” tugon naman ni Lester habang tinititigan ang singsing na kaniyang hawak-hawak.

“Naku, kuya, talagang ngayon ka pa kinabahan? Ilang beses mo na bang ibinigay kay Ate Ruby ‘yang singsing na ‘yan at ilang beses ka niyang tinanggihan? Dapat ngayon pa lang ay asahan mo nang ibibigay niyang muli sa’yo ang singsing na ‘yan! Kung ako kasi sa’yo ay maghanap ka na lang ng ibang pakakasalan. ‘Yung mahal ka talaga!” hindi na nakatiis ang nakababatang kapatid na si Almira na kantiyawan ang kaniyang Kuya Lester.

“Tumigil ka nga riyan sa sinasabi mo, Almira. Hayaan mo ang kuya mong magdesisyon para sa kaniyang sarili. Baka noong mga unang beses niyang tinanong si Ruby ay hindi pa siya talaga handa. Malay mo ngayon ay handa na siyang magpakasal sa kuya mo,” depensa naman ni Mang Raul.

“Basta, naniniwala akong hindi talaga mahal ni Ate Ruby ‘yang si Kuya Lester at inaaksaya lang ni Kuya ang pag-ibig niya sa babaeng iyan!” dagdag pa ng nakababatang kapatid.

“Huwag kang makinig diyan sa kapatid mo, anak. Sige na, pumunta ka na kay Ruby at tanungin mo na siya. Nawa’y matanggap mo ngayon ang kasagutang pinakaaasam-asam ng iyong puso,” saad muli ng ama.

Tatlong beses na kasing niyaya ni Lester ang nobyang si Ruby na magpakasal sa kaniya, ngunit tatlong beses na rin itong tinanggihan ng dalaga. Marami itong mga dahilan na naiintindihan naman ni Lester dahil tunay niyang mahal si Ruby. Kaya sa ika-apat na pagkataon sa loob ng anim na taong relasyon ay muli niyang aayain ang nobya na magpakasal sa kaniya.

Bitbit ang mga rosas at ilang regalo ay muling nagtungo si Lester sa bahay ni Ruby upang ito’y sorpresahin. Magkahalong kaba at pananabik ang kaniyang nararamdaman. Umaasa kasi siyang sa pagkakataong ito ay tuluyan nang papayag ang dalaga.

Nang makarating siya sa tinutuluyang apartment ni Ruby ay napansin niya ang isang nakaparadang magarang sasakyan. Hindi maintindihan ni Lester ngunit iba ang kaniyang kutob. Nakailang beses na katok siya sa apartment ng dalaga ngunit tila walang tao sa loob. Aalis na sana si Lester nang buksan ni Ruby ang pinto.

Nagulat ang dalaga nang makita si Lester sa kaniyang harapan.

“A-ano ang ginagawa mo dito, Lester? Akala ko ba ay may gagawin ka ngayong araw?” nauutal na sambit ni Ruby.

“Nais lamang sana kitang supresahin. Baka naman pwedeng pumasok muna ako dahil gusto kitang makausap nang masinsinan,” tugon naman ni Lester.

Ngunit tila ayaw ni Ruby na papasukin si Lester sa loob.

“Bukas na lang tayo mag-usap, Lester. Masama kasi talaga ang pakiramdam ko ngayon. Ako na lang ang pupunta sa inyo bukas. Sige na at umalis ka na,” pilit ni Ruby sa nobyo.

“Kung masama pala ang pakiramdam mo ay lalong kailangan kong manatili dito. Kailangan kitang alagaan,” saad namang muli ni Lester na nagpupumilit na pumasok sa loob ng apartment.

Ilang sandali pa ay nakarinig ng boses ng isang lalaki itong si Lester. Napayuko na lamang si Ruby dahil alam niyang wala na siyang kawala.

“Ito pala ang dahilan kaya ayaw mong pumayag na magpakasal sa akin?! Kaya pala kahit ilang beses nakitang kulitin ay hindi kita mapapayag. Sana ay sinabi mo na lang ng diretso, Ruby nang hindi na ako umasa pa,” hindi na napigilan pa ni Lester na maluha.

“Mas kayang ibigay ni Ramil ang pangangailangan ko, Lester. Mas maganda ang naabot niya sa buhay, May sariling negosyo at mayaman. Mas kaya niyang mabigyan ako ng mas magandang buhay. Pasensya ka na pero buo na ang desisyon ko. Si Ramil na ang pinipili ko. Umalis ka na dahil ayaw kong malaman niya ang tungkol sa’yo,” pahayag pa ni Ruby.

Halos pagsakluban ng langit at lupa itong si Lester dahil sa panlolokong ginawa sa kaniya ni Ruby. Napakahirap para sa kaniya na makabangon sa pagkakasawing ito dahil lubos niyang ibinigay sa dalaga ang lahat ng kaniyang pagmamahal.

“O ‘di ba, sabi ko sa iyo ay hindi ka mahal niyang si Ate Ruby! Kung ako sa’yo kuya, kaysa magmukmok ka riyan ay ayusin mo ang sarili mo. Pabayaan mo na ‘yang si Ate Ruby at marami pang ibang babae r’yan!” saad naman ng kapatid.

Mahirap man ay pilit na inayos ni Lester ang kaniyang sarili. Agad siyang nag-resign sa pinagtatrabahuhang kompanya dahil doon din nagtatrabaho si Ruby. Pilit na kinalimutan ni Lester ang mapait na sinapit ng kanilang relasyon ng dating nobya.

Lumipas ang maraming taon at hindi na muling nagkita pa sina Ruby at Lester.

Hanggang isang araw ay muling nagkrus ang landas ng dalawa sa isang malaking gusali.

“A-ano ang ginagawa mo dito, Ruby?” gulat na sambit ni Lester nang makita ang dating kasintahan.

“H-hinihintay ko si Ramil, natatandaan mo ba siya? Siya ang manager sa lugar na ito. Dito ka rin ba nagtatrabaho?” tanong naman ni Ruby.

“Oo, dito nga. Hindi ako makapaniwala na manager pala dito ang asawa mo,” pahayag muli ni Lester.

“Nobyo lang. Hanggang ngayon ay hindi pa kami kasal. Nakakatawang isipin lang dahil kahit kailan ay hindi niya ako inaya na magpakasal. Siya nga pala, para makabawi ako sa lahat ng atraso ko sa’yo noon, pwede kitang patulungan kay Ramil nang sa gayon ay tumaas ang posisyon mo. Kakausapin ko lang siya at sigurado naman akong papayag ‘yun. Sasabihin kong isa kang malapit na kaibigan,” pahayag pa ng dalaga.

Nais sanang sabihin ni Lester na hindi na dapat pang gawin ‘yon ni Ruby ngunit bigla na lamang dumating ang kasintahan niyang si Ramil.

“Kanina ka pa ba dito, love?” tanong ni Ramil sa nobya.

“Ay, boss, narito din pala kayo. Ito nga pala si Ruby, ang nobya ko,” pagpapakilala pa ng binata.

“Siya nga pala ang boss ko, love. Siya si Boss Lester. Ka-edad lang natin siya pero tingnan mo naman ang naabot niya. Siya ang may-ari ng kompanyang ito at ng gusaling ito mismo. Grabe ang paghanga ko sa boss kong iyan dahil nagsimula talaga siya sa ibaba at ngayon ay tinitingala na ng lahat!” pagmamalaki pa ni Ramil.

Gulat na gulat si Ruby sa tinuran ng kaniyang kasintahan. Hindi niya akalaing lubhang nagbago na pala ang buhay nitong si Lester simula nang sila’y maghiwalay.

Inalam ni Ruby kay Ramil kung paano yumaman itong si Lester.

“Dapat kasi ay magpapakasal ‘yang si boss sa dati niyang kasintahan. Ngunit tinanggihan daw siya nang paulit-ulit. Ang perang naipon niya para sa kasal at pinambili ng singsing ay kaniyang ginamit na puhunan para makabili ng isang bahay at lupa. Pinagawa niya iyon at ibinenta. Nagsimula siya roon hanggang sa palaki na nang palaki ang mga lupain na kaniyang binibili at ibinebenta hanggang sa naitayo na nga niya ang kompanya. Dahil sa galing niya ay maraming investors ang nagtiwala sa kaniya. Maswerte rin ang asawa niya dahil mabait ang boss ko. Lahat ng hilig ng asawa ay ibinibigay ni Boss Lester. Siguro kung kasing yaman ko na si boss ay mapapakasalan na kita,” saad pa ni Ramil.

Nanlulumo itong si Ruby sa bawat kwento ng kaniyang kasintahan. Nagsisisi rin siya dahil maaaring siya ang asawa ngayon ni Lester kung hindi lamang niya ito niloko noon.

Samantala, masaya naman si Lester sa kaniyang buhay ngayon kasama ang kaniyang asawa at anak. Nakatagpo si Lester ng isang babaeng tunay na magmamahal sa kaniya at nakasama niya ito noong hindi pa siya mayaman. Isang babaeng tunay na nagtiwala sa kaniyang kakayahan at hindi tumingin sa katayuan ng kaniyang pamumuhay.

Masaya rin ang amang si Mang Raul at kapatid na si Almira sa sinapit ng buhay ni Lester. Ngayon ay alam na ng lahat kung bakit kahit ipilit ni Lester ay hindi sila nagkatuluyan ni Ruby noon. Dahil may nakalaan palang mas magandang hinaharap para sa binata.

Advertisement