
Ibinigay ng Mag-Ina ang Pangangalaga ng May Sakit na Padre de Pamilya sa Kerida Nito; Ikagugulat ng Anak ang Sasambulat na Katotohanan
“Ma, bakit po nakakunot ang noo n’yo at parang kay lalim naman po ng iniisip n’yo? May nangyari po bang hindi maganda?” saad ni John sa kaniyang inang si Merly.
“‘Yan kasing daddy mo, anak, nahuli ko na namang nakikipag-usap sa kabit niya. Kahit ilang beses kong pakiusapan ang malanding babaeng iyon ay ayaw talagang tantanan ang daddy mo! Nais ata talaga niyang sirain ang pamilya natin at tuluyang kunin ang daddy mo!” naiinis na tugon naman ng ina.
“Hayaan n’yo at kakausapin ko si daddy, ma. Kapag naman naharap ko ang babae niya ay ako na rin ang bahala sa kaniya. Kung pwedeng sampahan ng kaso ay gano’n na lang ang gagawin ko nang sa gayon ay mawalan na kayo ng sakit sa ulo. Basta, huwag n’yo nang istresin ang sarili n’yo riyan at baka kung ano pa po ang mangyari sa inyo,” wika pa ng binata.
Habang tumatagal ay napapansin ni John ang pasakit sa ina dulot ng pagkakaroon ng ibang babae ng ama kaya’t hindi niya maiwasan na magtanim ng sama ng loob. Sa labing siyam na taong pagsasama kasi ng kaniyang mga magulang ay ilang beses nang nag-away ang mga ito dahil sa babae ng kaniyang ama.
Ayaw naman hiwalayan nitong si Merly ang kaniyang asawang si Jun dahil nga malaki ang kinikita nito sa pagiging inhinyero. Isa pa, malaki ang pag-ibig niya sa kaniyang asawa. Ito ang una at malamang na huling lalaking kaniyang mamahalin. Kaya kahit alam niyang iba ang laman ng puso ng kaniyang asawa ay hindi pa rin niya ito makuhang palayain.
Hanggang sa isang araw ay hindi na nakatiis pa si John at pinuntahan niya mismo ang babaeng tinutukoy ng kaniyang ina na kalaguyong kaniyang Daddy Jun.
Kinalma muna ni John ang kaniyang sarili bago siya kumatok sa pinto ng bahay ng kerida ng ama. Nakangiti pa ang ginang nang buksan niya ang pinto ngunit napayuko na lamang siya nang makita si John sa kaniyang harapan.
“A-anong kailan mo, John? Wala dito ang daddy mo,” wika agad ni Leila, ang karelasyon ng ama ni John.
“Alam kong wala diyan si daddy dahil nasa bahay namin siya ngayon at kasama niya ang mommy ko!” nagpipigil naman ng galit si John.
“Pumasok ka muna nang sa gayon ay makapag-usap tayo nang maayos,” paanyaya pa ng ginang.
“Hindi na ako papasok dahil alam kong pugad ito ng makasalanang tulad mo. Narito lang ako para pagsabihan ka! Iwasan mo na ang daddy ko dahil sinisira mo ang pamilya namin! Napakaraming lalaki naman diyan, bakit ang daddy ko pang pamilyado ang nais mo? Gan’yan ka na ba ka desperado sa lalaki? Sabagay, wala namang pipiliin ang isang tulad mong babaeng mababa ang lipad. Iwasan mo na ang daddy ko kung ayaw mong sa kulungan ka pulutin. Isang beses ko pang malaman na umiiyak ang mommy ko nang dahil sa iyo ay hindi ako magdadalawang isip na ipadampot ka sa mga pulis!” mariing sambit ng binata.
Nais mang magpaliwanag ni Leila ay hindi na siya hinayaan pa ni John na magsalita.
Nang malaman naman ng amang si Jun ang nangyaring ito sa pagitan ni John at ni Leila ay agad niyang kinompronta ang anak.
“Pinag-aaral kita sa magandang eskwelahan pero bakit gan’yan ang asal mo? Bakit mo sinugod si Leila sa kaniyang bahay at saka mo siya inalipusta? Hindi mo siya gaanong kilala kaya dapat ay hindi mo siya pinagsalitaan ng hindi maganda!” galit na sambit ni Jun sa anak.
“At talagang pinagtatanggol n’yo pa ang kerida n’yo, dad, kaysa sa sarili mong anak? Hindi ako makapaniwala kung paano na kayo pinapaikot ng babae n’yong iyan! Hindi ko naman siya inalipusta, nagsabi lang ako ng totoo! Kung nasaktan siya ay talagang masakit malaman ang katotohanan!” sagot naman ng anak.
“Huwag mong panghimasukan ang gusot ko, John. Wala kang alam. Huwag mo na ulit pupuntahan pa si Leila dahil ako na ang makakalaban mo!” saad pa ng ama.
Dahil sa pangyayaring ito ay lalong tumindi ang sama ng loob ni John sa kaniyang ama at poot sa kerida nito. At lalo lamang itong nadadagdagan sa tuwing nagsasabi sa kaniya ang inang si Merly ng kaniyang mga nararamdaman.
Hanggang sa isang araw ay nagulat sila sa balita na inatake raw sa trabaho si Jun. Sinugod ito sa ospital. Nakaligtas man mula sa kapahamakan ay hindi na ito muli pang bumalik sa dating kalagayan dahil sa pagkaka-stroke nito. Sa tingin ni John ay karma na ito ng kaniyang ama.
Dahil sa sama ng loob ay hindi na rin makuha pang alagaan ni John ang kaniyang daddy. Ni hindi nga nito makuhang tingnan man lamang ang ama.
“Ibigay n’yo na lang sa kerida niya ‘yang si daddy nang sa gayon ay maputol na ang pasakit niya sa atin. Mula noon hanggang ngayon ay puro problema ang dala niya!” saad ni John sa ina.
Wala na ring mapala si Merly sa kaniyang asawa dahil hindi na ito nakakapagtrabaho pa. Kay minabuti na lamang niyang sumunod sa kagustuhan ng kaniyang anak. Agad nilang dinala si Jun sa kay Leila upang ibigay ang pangangalaga dito.
“Tutal gusto n’yo namang magsamang dalawa, ‘di ba? Sa’yo na ‘tong si daddy dahil noon pa man ay ikaw na ang gusto niya! Ikaw ang dahilan kung bakit nasira ang pamilya namin. Iniisip ko nga lagi kung paano ka nakakatulog sa gabi!” sambit ni John kay Leila.
“Matatanggap ko ang lahat ng mga sinasabi mo sa akin, John. Ngunit ang masakit sa akin ay ‘yung basta n’yo na lang ibibigay sa akin ang ama mo dahil wala na siyang pakinabang sa inyo. Siguro ay kailangan mo nang malaman ang buong katotohanan,” umiiyak na sambit ni Leila habang nakatingin sa nakakaawang kalagayan ni Jun.
“Itanong mo sa mommy mo ang totoo kung sino sa amin ang tunay na kabit. Kasal ako kay Jun. Pinikot niya ang asawa ko at dahil nga nabuntis siya at nagkaroon sila ng anak ay hinayaan ko na lang si Jun sa mommy mo dahil ayaw kitang mawalan ng magulang. Nais kong mabuhay ka nang buo ang pamilya. Ilang beses ko nang pilit na nilayuan ang daddy mo pero anong magagawa ko? Tunay naming mahal ang isa’t isa. Ako ang unang babae sa buhay ni Jun at ako ang kaniyang pinakasalan. Kayo ang sumira sa pamilyang dapat ay sa amin, dapat ay sa akin!” patuloy sa pag-iyak si Leila.
“Umalis ka na, John, at iwan mo na sa akin si Jun dahil dito naman talaga siya nabibilang sa bahay na ito. Ako na ang mag-aalaga sa asawa ko at sisiguraduhin kong gagaling siya. Simula ngayon ay wala na kayong karapatan sa kaniya. Nais n’yo mang kunin ang lahat ng pera niya sa bangko ay wala akong pakialam basta siya ay mananatili dito sa akin!” dagdag pa ng ginang.
Labis na ikinagulat ni John ang sumambulat na katotohanan. Hindi niya akalain na ang kaniyang ina pala ang ibang babae ng kaniyang ama at nagparaya lamang itong si Leila. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit ganito na lang ang galit ng kaniyang ama sa tuwing nagsasalita siya ng masama laban kay Leila.
Nais man ni John na bawiin ang lahat ng masasakit na salitang sinabi niya sa tunay na asawa ng kaniyang ama ay hindi na niya magawa. Tumalikod siya at hindi pa rin makapaniwala sa nalaman niyang katotohanan.
Samantala, inalagaan ni Leila ang kaniyang asawa hanggang sa gumaling ito. Hindi na hinayaan pa ng ginang na muling kuhain sa kaniya ni Merly ang asawang si Jun.
Mula noon ay muling nagsama nang masaya sina Jun at Leila. Nagbibigay pa rin naman ng suporta itong si Jun kay John. Ngunit tanging panahon na lamang ang makakapagsabi kung kailan tuluyang matatanggap ni John ang lahat.