
Panay ang Pagrereklamo ng Binatilyo sa Kaniyang mga Magulang; Nang Magkwento ang Ama Niya ng mga Dinanas Nito ay Napabilib Siya
“Randy! Naka-sampung tawag na ako ha, tumayo ka na diyan!”
Napaungol sa inis ang antok na antok pang si Randy nang marinig niya ang maagang pabubunganga ng kaniyang ina.
“Ano ba ‘yan, papasok na naman!” tamad na tamad na bulong niya ago pinilit ang sarili na bumangon upang maligo para naman mawala ang nararamdaman niyang antok.
Busangot ang mukha ni Randy nang dumalo sa hapag-kainan.
Doon ay naabutan niya ang nakababatang kapatid na maganang kumakain at ang ama na humihigop ng mainit na kape.
“Bakit busangot ka na naman?” agad na usisa ng kaniyang ina.
“‘Ma, ang aga aga mo naman manggising!” inis na reklamo niya bago padabog na kinuha ang bandehado ng kanin.
“At hotdog na naman? Hotdog na rin ang almusal ko kahapon, eh! Puro hotdog na lang!” muli ay padarag na wika niya.
“Anak, mas ayos na pumasok kayo nang maaga kaysa tanghaliin kayo sa eskwela. At ‘wag ka nang magreklamo sa hotdog, huli na ‘yan, bukas iba na ang almusal na iluluto ko,” pasensiyosang paliwanag na kaniyang ina.
Nagulat ang mag-anak nang marinig nila ang malakas na paglapag ng tasa ng kape sa salamin ng mesa.
“Randy, tigilan mo ang pagrereklamo mo ha,” tila nagpipigil ng galit na wika ng kaniyang ama.
“Eh Papa, totoo naman po, alas siyete pa ang pasok namin, pero alas singko pa lang, nanggigising na si Mama. Ang lapit lapit lang kaya ng eskwelahan,” nakasimangot na katwiran niya sa ama.
“Mahal, ikwento mo nga sa anak mo ‘yung buhay niyong magkakapatid dati! Napaka-reklamador niyang anak mo eh,” sabat ng kaniyang ina.
“Ano po ‘yung sinasabi ni Mama, Papa?” usisa ng kaniyang nakababatang kapatid.
Isang tipid na ngiti ang pumaskil sa labi nito bago ito nagsimulang magkwento.
“Noong mga bata pa kami, napakahirap ng buhay. Pito kaming magkakapatid at pagtitinda ng tinapa at daing ang trabaho ni Tatay. Kaya naman kulang na kulang ang kinikita niya para sa aming pamilya,” pagsisimula nito.
Matamang nakikinig ang mag-anak sa kwento ng padre de pamilya.
“Mahal, anong lagi niyong kinakain araw-araw?” tanong ng kaniyang ina.
“Madalas hindi nakakaubos si Tatay ng panindang tinapa o daing kaya ‘yun na ang pagkain namin araw-araw. Nakakakain lang kami ng ibang pagkain kapag maganda ang benta,” tugon nito.
“Kaya naman ‘wag kang magreklamo na dalawang magkasunod na araw ka nang kumakain ng hotdog, dahil mas matindi pa riyan ang inabot namin. Napakaswerte niyo,” naiiling na dagdag pa ng kaniyang ama bago siya nito pinukol ng tingin.
“Nagrereklamo si Randy na maaga siyang ginigising. Maaga na ba ang alas singko? Alam niyo ba na noong mga bata pa kami, alas tres pa lang ay kusa na kaming gumigising para magtrabaho?”
“Ano namang trabaho ang magagawa niyo ng alas tres, Papa?” kunot noong tanong niya sa ama. Hindi kasi siya kumbinsido sa kwento nito.
“Mayroong ilog na malapit sa bahay na tinitirhan namin noon. Tuwing madaling araw ay pumupunta ako, kasama ang mga tito niyo, sa ilog upang manguha ng graba at buhangin,” sagot nito.
“Ano naman pong gagawin niyo doon?” muli ay usisa niya sa ama.
“Ibinebenta namin. Dalawang piso kada isang sako. Eh ‘di may baon na kami,” natatawang sagot ng kaniya ama. Tila natutuwa ito sa daloy ng mga alaala.
“Kapag maaga kaming natapos sa pagbebenta ng mga graba at buhangin, naglalako din kami ng pandesal para naman kahit papaano ay may pang-almusal.”
Gulat na gulat si Randy sa mga tinuran ng ama. Hindi niya akalain na matindi pala ang mga pinagdaanan nito.
Tila nahiya siya magreklamo ukol sa masaganang pagkaing nakahain sa kaniyang harapan.
“At alam niyo ‘yang mga uniporme, bagong bag, at sapatos na mayroon kayong magkapatid? Wala kaming ganyan noon. Mayroon kaming limang tsinelas. Ang kaso eh pito kaming magkakapatid!” muli ay nagkwento ang kanilang ama. Tila aliw na aliw ito sa pagbabalik-tanaw.
“Hala, paano po ‘yun? Paano po ‘yung dalawa kung wala silang tsinelas?” tila namomroblemang usisa ng kaniyang kapatid.
“Salit-salitan kami, anak. Kaya kung minsan, papasok kami na walang tsinelas. Walang tsinelas, pero papasok pa rin kami. Lagi kasi kaming sinasabihan ng Lolo at Lola niyo na makakaalis kami sa kahirapan kapag nakatapos kami. At tama sila,” proud na proud na bulalas ng kanilang ama.
Napangiti si Randy. Ang mga kapatid ng kaniyang ama ay pawang mga propesyonal na respetado na sa mga ginagalawan nilang industriya. Ang kanilang ama ay isa nang matagumpay na arkitekto.
Nang abutan siya ng kaniyang ina ng pera na pambaon ay tila binuhusan ng malamig na tubig si Randy. Napagtanto niya na napakapalad niya. Lahat ng pangangailangan nilang magkapatid at lahat ng gustuhin nila ay naibibigay sa kanila, salamat sa sipag at tiyaga ng kaniyang ama.
Hindi sila kagaya nito noon na ultimo baon ay kailangan pa nitong pagtrabahuhan.
Habang isinusuot ni Randy ang kaniyang mamahaling sapatos ay isang bagay lamang ang naglalaro sa kaniyang isipan.
Napakatindi ng sakripisyo ng kaniyang ama kaya naman hinding-hindi niya sasayangin ang libreng pagkakataon niya na magkaroon ng maliwanag na kinabukasan.