
Siniraan Niya na Noon ang Kapwa Niya Masahista; Magtagumpay pa rin Kaya Siya sa Ikalawang Pagkakataon?
Inilibot ni Ezra ang kaniyang tingin sa Day Spa, ang bagong bukas na spa sa isang sikat na mall.
Ito ang kasalukuyang kalaban ng spa na pag-aari niya. Bagong bukas pa lamang ito subalit sa hindi niya malamang kadahilanan ay marami na sa kanilang mga kliyente ang nagsilipatan sa naturang spa.
Kaya naman plano niyang alamin kung ano ang mayroon sa spa na iyon na wala sa spa niya.
Sinalubong siya ng isang magandang staff. Perpekto ang pagkakapusod ng buhok nito at nakapaskil sa labi nito ang isang matamis na ngiti. Nakasuot ito ng puting bestida na napapatungan ng itim na blazer.
“Ma’am, nagpa-appointment po ba kayo o walk-in?” magalang na tanong nito sa kaniya.
Pinigilan niya ang pagtaas ng kilay. “May appointment ako, alas diyes.”
Tinanong nito ang pangalan niya bago siya pinaupo sa pulang sofa.
“Ma’am, hinahanda na po namin ang massage room. Sandali na lang po. Baka po may gusto kayo habang naghihintay? Kape, juice, o ‘di kaya tsaa?” magalang na alok nito.
“Tubig na lang, please,” pormal na sagot niya sa babae.
Ilang minuto lang ang lumipas at dinalhan siya nito ng isang baso ng tubig.
Inis na inis si Ezra habang tahimik na naghihintay. Sa ilang minuto kasi niyang paghihintay ay wala pa siya ni isang nakita na maaaring maipintas sa spa na kinaroroonan. Maganda ang pagpapatakbo ng may-ari noon.
Saktong alas diyes nang tawagin ng receptionist ang pangalan niya. Handa na raw ang massage room para sa kaniya.
Papasok na siya ng kwarto nang mamataan niya ang isang pamilyar na mukha na naglalakad palapit sa kaniya. Nanlaki ang mata niya nang makilala ito.
“Michael? Mikaela!” pagtawag niya sa atensyon nito.
Napangisi si Ezra. Noon ay napagtanto niya kung paano niya sisirain ang pangalan ng Day Spa.
Katrabaho niya noon ang binabae na si Michael, o Mikaela, kung tawagin ito ng ilan. Masyado itong madaldal at makulit kaya naman napakaraming kliyente ang nagustuhan ang serbisyo nito kahit pa baguhan lamang ito sa industriya ng pagmamasahe.
Hanggang sa unti-unti nitong inagaw ang kaniyang mga kliyente. Bilang ganti ay ginawan niya ito ng tsismis na nagbibigay ito ng “special service,” dahilan upang matanggal ito sa trabaho.
Simula noon ay hindi na niya ito nakita pang muli. Ngayon na lang ulit.
“Ezra?” kunot noong sambit nito. “Anong ginagawa mo rito?”
“Magpapamasahe ako,” nakangiting wika niya.
Sinipat niya ito ng tingin. Puting T-shirt na napapatungan ng itim na blazer din ang suot nito kaya naman nahinuha niya na isa rin itong masahista doon.
“Grabe, Mikaela, halos sampung taon na tayong hindi nagkita! Bakit naman hanggang ngayon, masahista ka pa rin? Hindi ka tumulad sa akin, may-ari na ako ng Rainbow Spa,” pasimpleng pagyayabang niya sa dating katrabaho.
“Ah, ganun ba? Congrats, ha! Pasok ka na sa massage room, may kailangan akong asikasuhin eh,” tila natatarantang paalam nito, habang patingin tingin sa likuran niya na parang may hinihintay.
Palihim siyang ngumisi.
“Alam na ba ng mga tao dito ang dahilan kaya ka naalis sa trabaho noon?”
Nahinto ang plano nitong paglalakad palayo sa kaniya dahil sa narinig mula sa kaniya.
Nakita niya ang galit na bumalatay sa mukha ni Mikaela. Subalit hindi siya nagpatinag. Kailangan niyang sirain ito para bumalik ang mga kliyente niya.
“O baka naman nag-ooffer din kayo ng ilegal na “special service” dito, kaya naman tinanggap ka nila?” malisyosang tanong pa niya.
Dinig niya ang pagkagulat ng mga tao sa paligid.
“Bakit ka ba nandito? Hindi pa ba sapat na siniraan mo ako noon at natanggal ako sa trabaho? Baka gusto mong siraan ang spa na ito para naman bumalik ang mga kliyente mo?” malamig na tanong nito.
“Gusto ko lang malaman ng mga tao na hindi ka nila dapat kinuha na masahista dahil ilegal ang special service mo!”
Hinarap niya ang ibang tauhan ng spa.
“Nasaan ba ang boss niyo? Ire-report ko si Mikaela!” Lalo niyang nilakasan ang kaniyang tinig upang marinig ng mga kustomer ang pinagsasasabi niya.
Ang babaeng umestima sa kaniya ang sumagot.
“Naku, Ma’am. Si Ma’am Mikaela po ang may-ari ng Day Spa. Hindi lang po siya basta masahista dito, siya po ang nagmamasahe sa mga kliyente namin na mga VIP. At mas lalong wala po kaming special service dito,” sagot ng babae.
Natigagal si Ezra. Bahagyang napahiya. Mas lalo pa siyang napahiya nang mula sa likuran niya ay may isang babaeng nagsalita.
“Ezra, ano ba ang ginagawa mo? Sinisiraan mo ba ang Day Spa dahil lang lumipat ako ng spa?”
Namutla siya nang malingunan ang isang pamilyar na babae. Si Mrs. Santillan! Ang kanilang big-time na kliyente.
“N-naku, M-ma’am, hindi po!” tarantang paliwanag niya, na tila isang maamong tupa.
“Eh bakit ka nag-eeskandalo dito?” taas kilay na tanong nito.
“Ma’am, kasi po, kilala ko po si Mikaela sa trabaho namin noon, at nireklamo ko siya kaya siya nawalan–”
“Ah, ikaw pala ang kinukwento niya na nanira sa kaniya noon kaya siya nawalan ng trabaho. Kilala ko si Mikaela, at ako ang makakapagpatunay na wala silang ginagawang ilegal dito,” putol nito sa sinasabi niya bago nito hinarap ang mga kustomer na noon ay nakamasid sa komosyon.
“Nakakadismaya ka naman, Ezra. Lumipat ako dito dahil talaga naman napakaganda ng serbisyo nila dito at wala akong maipipintas. Sa ipinakita mo, pinakita mo lang na tama ang naging desisyon ko na lumipat. Irerekomenda ko ito sa mga amiga ko na iwanan na ang Rainbow Spa para lumipat na rin sila dito!” nakaingos na wika ng babae bago siya tinalikuran. Sinundan naman ito ni Mikaela.
Naiwang tulala si Ezra habang naririnig niya ang bulungan ng mga tao sa paligid.
“Grabe, desperada!”
“Naku, ‘yan pala ang may-ari ng Rainbow Spa! Eskandalosa!”
Yukong yuko siyang lumabas ng Day Spa na isang talunan.
Kagaya ng inaasahan ay halos maubos ang kaniyang mga kliyente. Makalipas ang ilang buwan ay kinailangan niya nang magsara dahil sa pagkalugi. Bumalik siya sa pagiging isang masahista, habang si Mikaela naman ay tuluyan nang naabot ang rurok ng tagumpay.
Sising sisi si Ezra. Marahil kung nilabanan niya nang patas si Mikaela noon at hindi niya ito sinubukang siraan ngayon ay hindi siya makakarma. Ngunit magsisi man siya ay huli na ang lahat dahil tuluyan nang nawala na ang lahat sa kaniya.